7,586 guests

Libel threat mula kay Mayor Calixto

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 315

MAY plano raw mag- file ng libel sa atin si  Pasay City Mayor Tony Calixto sakaling isulat uli natin ang tungkol sa kontrobersiyal na multi-billion peso kontrata na pinasok ng Sangguniang Panglungsod sa pagitan ng Philippine Reclamation Authority (PRA) at SM Land Inc.

Bago sana magalit si Mayor Calixto, gusto ko pong iparating sa butihing alkalde na wala po tayong planong siraan ang kanyang administrasyon.
   
Nitong nagdaang halalan, isa po tayo sa nagsulat na walang maipintas ang mga Pasayeno sa kanya kasi kahit papaano, unti-unti namang nagagawan ng paraan ng Calixto administration ang problema sa basura, trapik pati na rin ang matinding suliranin sa droga.
   
Ang kaso, may lehitimong istorya po tayo na dapat isulat.
   
Wala pong dahilan para hindi patotohanan ang ‘show cause order’ na ipinalabas ng DILG laban sa buong Sangguniang Panglungsod.
   
Katunayan, ang ‘show cause order’ na ating tinutukoy ay pirmado ni Atty. Romeo Benitez na director ng DILG base na rin sa kautusan ni DILG Sec. Mike Sueño.
   
Para masigurong nakarating ito sa opisina ng magigiting na opisyal, ipinadala rin ito sa pamamagitan ng LBC Express Mail na may control number 149564916086.
   
Para mawala na rin ang pag-aalinlangan na ilang DILG employees o staff ang nagtatangkang magtago ng mga importanteng dokumento na tulad nito.
   
Uulitin ko po, Mayor Calixto, wala po tayong planong siraan kayo dahil hindi ko ugaling gawin ito.
   
Sino ba naman ako na tatanggi sa mga ‘scoop story’ na katulad ng ganito?
   
Para maging malinaw ang lahat, muli ko pong bibigyang-diin na bukas ang ating pitak sa anumang reaksiyon, puna at komento na nais iparating ni Calixto, gayundin si Vice-Mayor Boyet del Rosario at 13 konsehal.
   
Kasama rin sa pinagpapaliwanag ng DILG sina  City Councilors  Jerome Martin Advincula, Ma. Antonia C. Cuneta, Alberto C. Alvina, Ricardo E. Santos, Consertino Santos, Arnel Regino T. Arceo, Allan Panaligan, Editha Y. Manguerra, Jose C. Isidro, Jr., Donnabel M. Vendivel, Aileen C. Padua, at Noel P. Octavo.
   
Dalawang mahahalagang isyu ang dapat sagutin ng grupo patungkol sa usapin ng pag-reclaim sa mga baybayin sa paligid ng SM Mall of Asia.
   
Una na rito ay ang proyektong may kinalaman sa pag-reclaim at ‘horizontal development’ sa may 300 ektaryang ‘foreshore’ at ‘offshore areas’ sa Manila Bay na nasa kanlurang bahagi ng lungsod. Aabot sa P54.5 billion ang halaga ng naturang proyekto.
   
Ang ikalawa ay ang pag-reclaim at pag-develop bilang commercial, residential at tourism estate sa 60 ektarya ng foreshore at ‘submerged island’ sa Manila Bay. Nasa tapat ito ng Cultural Center of the Philippines at Financial Center Area mula Libertad Channel hanggang sa bisinidad ng Gloria Maris Restaurant sa ‘breakwater’ ng CCP.
   
Ang kontratang ito ay pinirmahan nina Calixto at Peter Anthony Abaya, general manager at chief executive officer ng PRA.
   
Sinasabing batbat ng intriga ang naunang proyekto na ating tinukoy dahil  nu’ng Marso, 2014 ay nagsampa ng kaso sa Ombudsman ang isang nagngangalang Vivencio Fernandez laban kina Calixto, et al.
   
Ginamit na basehan ang reklamo ng Ayala Land Inc. at S & P Construction Technology tungkol sa umano’y maraming kapalpakang teknikal sa pinasok na kontrata. Bukod dito, hindi rin umano ito dumaan sa masusing pag-aaral at pagsaliksik, maliban pa ang bintang na ‘lutong makaw’ ang naganap na bidding.
   
Reklamo pa ng Ayala Land at S & P Construction, masyadong mataas ang P5 billion na ‘bid price’ na 33 ulit umano ang laki sa itinatadhana ng Build Operate Transfer (BOT) Law.
   
Nagkaroon ng ‘flip-flopping’ sa mga naunang Sanggunian Resolution 3020, 3046 at 3049 na naging batayan para pasimulan ang transaksiyon sa kontrata dahil matapos itong bawiin noong Disyembre 4, 2013 ay muli itong ipina-recall dalawang araw bago mag-Pasko noong taon ding iyon.
   
Naka-peg sa MOA ng ikalawang proyekto ang halaga ng lupa sa presyong P65,000 kada metro kuwadrado, samantalang ang bilihan na ngayon ng lupa sa Macapagal Blvd. ay hindi na bababa ng P85,000 per square meter.
   
Diumano, napagtibay ang mga kasunduan sa dalawang proyekto nang wala man kaukulang ‘requisite reclamation permit’ mula sa PRA, ayon na rin sa sumbong.
   
Kinukuwestiyon din ng DILG kung bakit naisama sa “10th whereas clause” na ipinalabas ng Sangguniang Panlalawigan Reso 3771 na nagsasabing na-dismiss na ng Ombudsman ang naunang isinampang kaso laban sa kanila.