5,756 guests

Kawawa ang mga magsasaka

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 174

ITO ay good news para sa Bureau of Customs (BoC) pero bad news sa mga magsasaka.

Sa 2017 ay aalisin na ang  “restrictions on the amount of rice that the Philippines can import.”

Kamakailan ay nagdaos ang Senado ng public hearing on the World Trade Organization’s Quantitative Restrictions (QR) on rice. 

Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, chairman ng Senate Agriculture Committee, na ang QR ay magtatapos sa katapusan ng Hunyo 2017.
    
Nababahala si Pangilinan na ang pagtatapos ng QR ay nangangahulugan ng pagdagsa sa bansa ng murang imported rice.
    
Kahit kasi patawan ng 30 porsiyentong buwis ay siguradong mas mura pa rin ang imported na bigas.
    
Ayon kay Pangilinan, ito ay makasasama sa mga magsasaka.
    
“We should prepare for the lifting of QR by allocating subsidies  to them for machinery, seedlings, inputs and post harvest facilities,” dagdag pa ng senador.
    
Dapat talagang bigyan ng ayuda ang mga magsasaka. Bukod kasi sa kakulangan ng mga makinarya at post harvest facilities, napakataas din ng presyo ng abono, pesticides at iba pang gamit kaya tumataas ang production cost.
    
Hindi nila kakayaning sumabay sa presyo ng mga imported na bigas.
    
Dapat noon pang 2005, natapos ang QR pero na-extend ito hanggang 2015. Muli itong na-extend  hanggang Hunyo 2017.
    
Siyempre, ang matutuwa dito ay ang BoC dahil dadami ang rice imports na papatawan nila ng 30 porsiyentong buwis.
    
Kaawa-awa talaga ang ating mga magsasaka sa sandaling mawala na ang QR, habang kumikita naman ng paldu-paldong pera ang mga importer ng bigas.
    
Hindi ba, Agriculture Secretary Manny Piñol?

* * * 

Hangga’t may shabu, marijuana at iba pang ipinagbabawal na gamot ay hindi titigil ang patayan sa bansa.
    
Alam naman natin na kapag bangag na sa iligal na droga ang isang tao ay wala na ito sa katinuan.
    
Sa katunayan,  pati sariling anak, nanay o tatay ay kinakatay ng isang durugista.
    
Nagiging “halimaw” ang isang taong lango sa ipinagbabawal na gamot.
    
Ang hindi natin maintindihan ay kung bakit hindi maubus-ubos ang supply ng mga ipinagbabawal na gamot sa bansa.
    
Ang buong makinarya ng gobyerno ay ginagamit ngayon laban sa iligal na droga.
    
Napag-iinitan tuloy ng pakialamerong international community ang ating mga lider.
    
Ang masakit lang, mga dayuhan din ang nasa likod ng pagbaha ng shabu sa Pilipinas.
    
Ang panalangin nga ng marami, sana maubos na ang mga ipinagbabawal na gamot sa bansa.

* * *   

Habang papalapit ang  panahon ng Kapaskuhan ay nininerbyos na ang mga lokal na opisyal.
    
Sa totoo lang, pagpasok ng buwan ng Nobyembre ay magsisimula na ang pagdating ng mga solicitation letter.
    
Ang talagang kawawa dito ay ang mga matitinong alkalde, bise alkalde, konsehal, punong barangay at kagawad.
    
Walang problema ang mga mayaman at kurakot na lingkod bayan.
    
Meron silang maibibigay sa mga grupong nanghihingi ng pang-Christmas party.
    
Kung sabagay, isang beses lang sa isang taon ang mga ganitong party.
    
Ang problema, pagkatapos ng Pasko ay susunod na ang Valentine’s day, graduation day at fiesta.
    
Mabuti pa nga daw ang mga national official at hindi nahihingian ng kung anu-anong tulong.
    
Ang maganda lang, kapag nagkaroon ng kasayahan sa kanayunan ay nakakalimutan ng taumbayan ang kani-kanilang mga problema.

* * *   

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).