6,325 guests

Tungkulin ng Telcos at Duterte fans tuwing may kalamidad

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 254

MUKHANG ayaw tayong tantanan ng kalamidad.

Hindi pa man  nakarerekober sa bagyong dulot ng Karen eto’t nananalansa naman ngayon ang bagyong Lawin.

Malakas ang bagyo at base sa pagtaya ng PAG-ASA kahapon, tatama ito sa extreme northern Luzon na tiyak magbibigay ng malakas na buhos ng ulan hanggang Metro Manila at karatig lalawigan. Umaabot sa 10-hanggang 15 bagyo ang humahagupit sa Pilipinas kada taon.
   
Walang sinuman sa atin ang makakaawat sa kalamidad.
   
Kaya bukod sa pagsunod sa mga hakbangin para maiwasan o mabawasan ang banta ng ‘global warning,’ kailangan lagi tayong handa sa tuwing may banta ng kalamidad.
   
Pasalamat tayo sa mga namumuno ng PAG-ASA ngayon kasi kahit papaano, 98 percent ng kanilang ‘forecast’ ay ‘accurate’ at kung may ‘kapalpakan’ man, ‘very minimal’ ito at normal na lamang. Siyempre dapat din nating bigyang pugay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Red Cross (PRC), Metro Manila Development Authority (MMDA), mga local government units (LGUs), Meralco, Napocor, Department of Education, iba’t-ibang foundation, at siyempre ang ating mga barangay official dahil sa walang pagod nilang pagbabantay sa ating mga kababayan, lalo na iyong mga apektadong lugar.
   
Higit na dapat saluduhan ang iba’t -ibang media organization, partikular na ang nasa radyo at telebisyon, na oras-oras -- sa tuwing may kalamidad -- ay buong pusong nagbibigay ng update, babala sa nangyayaring sitwasyon.
   
Abril 2011 pa ay naglabas na ng Memorandum Order ang National Telecomunication Communications (NTC) bilng ‘guidelines’ o batayan para sa ‘public safety broadcast’ at text messages sa tuwing may emergency at calamitites.
   
Hango ito sa Republic Act 10639 na tinawag na ‘The Free Mobile Disaster Alerts Act’ na nilagdaan ng dating Pangulong Noynoy Aquino noong Hunyo 20, 2014 na inaatasan ang lahat ng Telcos na magpadala ng ‘mobile alerts’ bago pa man magkaroon ng kalamidad.
   
Nakasaad din dito ang tungkulin ng NTC, NDRRMC, Presidential Communication Operations Office (PCOO) at Public Information Agency kung saan ay inihayag din ang telepono bilang 911-1406; 912-2665; 912-5668 na maaaring tawagan kapag may sakuna.
   
Ang problema lang, mukhang sa mga nakalipas na bagyo, ay wala tayong natanggap na ‘text message’ o ‘alert message’ sa ating mga mobile  kung kailan o nasaan na ang pananalansa ng bagyo.
   
Tatlo-tatlo po ang teleponong hawak ngayon ng inyong lingkod. Dumaan na ang bagyong Igme, Julian at Karen, at ngayon ay bagyong Lawin, wala kahit isang mensahe tayong natanggap tungkol sa ‘forecast’ o ‘update’ ng bagyo.
   
Sayang ang nasabing batas kung hindi ito gagamitin ngayon.
   
Limpak-limpak na salapi na ang kinita ng Globe, Smart, Sun at iba pang mobile companies. Mano ba namang bawat oras ay i-text tayong mga mobile subsctiber tungkol sa ‘forecast’ o ‘update’ ng bagyo.
   
Malaking tulong din ito kung kailan magpapakawala ng tubig sa dam, kung saang lugar magkakaroon ng malawakang baha at higit sa lahat ang pagpapaabot ng mensahe kung may ‘thunder storm advisory’ ba, ‘blue warning,’ ‘yellow warning’ o ‘orange warning alert’ na!
   
Siguro, dapat itong tutukan ngayon ni Executive Secretary Salvador “Bingbong” Medialdea at Communication Sec. Martin Andanar para kalampagin ang mga Telco sa kanilang tungkulin tuwing magkakaroon ng kalamidad.
   
Ang problema kasi, masipag silang magpadala ng mga ‘text alert’ tungkol sa promo ng kanilang kompanya, pero sa isang tungkulin nilang dapat gawin  ay hindi man lang nila magawa!
   
Sana, maging bahagi na lang ito ng tinatawag na ‘corporate social responsibility’ (CSR) ng bawat malalaking kompanya.

ATTENTION DUTERTE FANATICS
   
Panawagan na rin sa mga ‘die-hard fans’ ng Pangulong Duterte na aktibo sa social media.
   
Sana, wag lang puro pagtatanggol kay Duterte ang gawin nila sa tuwing may kalamidad.
   
Sana, tumulong din sila sa pag-aabot ng mensahe tungkol sa mga ‘update’ ng bagyo para mabigyang babala ang lahat sa mga dapat gawin at mga dapat iwasan kung sakaling daanan sila ng bagyo, habagat, trapik o baha.
   
Alam kong may mga gumagawa na nito sa mga idol nating Duterte fanatics sa social media. Pero hindi pa po ito sapat. Dapat, lahat po tayo ay aktibong magbigay din ng updates sa social media.
   
Dapat ‘nga, hindi lang sa kalamidad natin gawin ito, kundi i-post nyo na rin kung sinu-sino ang mga kilalang adik, tulak at ninja cops sa inyong lugar para lalo pa nating matulungan ang Pangulong Duterte, hindi lamang sa pagsugpo kontra droga kundi sa paglaban na rin kontra korapsiyon.
   
Kapag ginawa ito, hindi na tayo paparatangan pa ng dilawang kampo na karamihan daw sa mga Duterte fanatics sa social media ngayon ay mga ‘troll accounts’ lamang o gawa ng iilang tao na bayaran ng kasalukuyang administrasyon.
   
Patunayan natin, mga ate at kuya, na mula sa  kampanya kontra droga, korapsiyon, sama-sama rin sana tayong tutulong sa pagpapaabot ng mensahe na may kinalaman naman sa posibleng pananalanta ng kalamidad.
   
Maliit na kahilingan ito, pero malaki ang maitutulong sa ating inang bayan.