6,747 guests

Pila convenience store nilooban ng P66.5K

  • Written by Gil Aman
  • Published in Provincial
  • Read: 265

mahigit P66,500 ang natangay ng hindi kilalang robbery-holdup suspects na nanloob sa Alfamart Convenience Store sa Bgy. Bulilan Sur, Pila, Laguna, kamakalawa ng madaling araw.

Sa inisyal na ulat ni Senior Insp. Celso Jhune Talampas, hepe ng pulisya Pila police, kay acting Laguna police director Senior Supt. Joel Pernito,  tinangay din ng mga suspek ang hindi mabatid na halaga ng mga cellphone at iba pang kagamitan sa loob ng convenience store.
    
Hinihinalang dakong alas-12 ng hatinggabi nang isagawa ang panloloob ng mga suspek sa pamamatigan ng pagwasak ng bubungan ng kanang bahagi ng naturang establisimyento.
    
Nakapasok sa convenience store ang mga suspek matapos wasakin ang kisame at tangayin ang nasabing halaga ng pera mula sa isang vault na winasak din sa pamamagitan ng isang acetylene torch at mga cellphone na nakalagay naman sa tatlong kahon na nasa kaha sa loob ng dalawang oras.
 
Kitang-kita rin aniya ang maraming bahid ng dugo mula sa isa sa mga suspek na hinihinalang nasugatan habang papasok mula sa bubungan.
    
Samantala, posibleng kilala ng pulisya ang ilan sa mga suspek na responsable sa naganap na insidente base na rin sa mga nakuha mula sa CCTV footages sa loob ng naturang establisimyento.          Gil Aman