5,281 guests

Mga Anak-Dalita at ‘alibadbad’

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 263

Bangon kalikasan

“Naaalibadbaran ako sa ‘yo!” Ito ang madalas nating marinig noon sa mga usapang barkadahan sa tuwing kunwari’y maiinis ang isa sa isa.

Ngunit ang salitang alibadbad ay madalas ko ngayong marinig sa maraming mga Pilipino lalo na ‘yung mga nakatira sa Kamaynilaan at mga karatig nitong lalawigan.

Naaalibadbaran sila sa maraming patayang nagaganap sa mga lansangan maging sa loob ng bahay dahil ‘umano sa malawak na pagkalat ng iligal na droga. Marami ‘umanong namamatay araw-araw. Marami ‘umanong naaalibadbaran sa palubhang krisis ng trapik sa Kamaynilaan at iba iba pang lunsod sa bansa.

“Baka manalo nga sa laban sa iligal na droga eh matalo naman sa kabuhayan ang bansa dahil sa isang  bilyon ‘umano ang nawawala sa ekonomya buwan-buwan dahil sa lupit ng trapik!” Sabi ng isang batang manager sa isang pribadong kumpanya. "Eh tatlong milyong Pilipino pa raw na shabu user at pusher ang kailangang patayin, ilang Pilipino ang mamatay ngayon dahil marami na ang mga Pilipinong namamatay sa sakit at gutom -walang pambili ng gamot at pagkain.

Nakaaalibadbad na rin ‘umano ang pabago-bagong klima ngunit wala pa ring ginagawa ang pamahalaan hinggil sa pagtotodo ng paggamit ng malinis na Renewable Energy mula sa hangin, araw, at tubig. Puro maruming fossil fuel pa rin ang ginagamit sa ngayon at  iniuulat na hindi na liveable ang hanging hinihinga natin minu-minuto araw-araw. Kaya maraming Pilipino ang hindi na nawawalan ng hika, ubo at sipon.
   
Hindi na ko kailangan pang magsabi ng mga dapat basahin sa internet at pumunta na lang sa mga lansangan ng Metro Manila at malalanghap na ang nakamamatay na usok-lasong polusyon!
                
Nakaaalibadbad ang ganitong pakiramdam na walang katiyakan ang trabaho ng mga manggagawa. Patuloy pa rin ang endo. Wala pa ring katiyakan ang lagay ng mga magsasaka kahit na nasa ilalim na ng isang dating lider- magsasaka ang Department of Agrarian Reform (DAR). Isang Notice of Coverage (NOC) lang ng isang magsasaka sa Malolos Bulacan ay hindi na umusad hanggang ngayon at kahit na anong pakikipagkomunikasyon ang ginagawa ng magsasaka kay Secretary Paeng Mariano ay hindi pa niya ito nahaharap. Mahigit isang buwan na ang sulat ng magsasaka sa tanggapan ni Mariano ngunit wala pa ring katugunan. Malaki sana ang naging pag-asa ng magsasakang ito nang maupo sa DAR si Mariano.
                   
Hanggang ngayon ay nakatengga pa rin sa Register of Deeds sa Malolos ang papeles ng magsasaka at walang linaw ang inaasam na Certificate of Land Ownership Award o CLOA. Ang DAR ang may katungkulang asikasuhin ito. Kailan lang ay  namatay ang ama ng magsasaka. Hindi na niya nakitang mapasakanila nang lubos ang lupang matagal din niyang nilinang, pinagyaman at minahal. Nakabitin pa rin sa alanganin ang anak na magsasaka. Nakaabang naman ang panginoong maylupa na mapabayaan na ng pamahalaan ang usaping ito at mabalik sa kanya. Hindi ba nakaalibadbad ito?
                   
Sa Tanay Rizal ay may isa ring magsasakang mahigit sa 50 taon  na niyang tinatamnan ang dalawang ektaryang lupa. Dahil kapos sa pera at kaalaman, hindi niya nagawang mapatituluhan o pre-patent ang lupang tinatamnan. Nang tumulong ako at magtanong, magpapabalik-balik, ng ilang buwan  sa Department of Environment and Natural Resources (DEN)  Region 4-A at Provincial Environment Office nito, na MASUGID naming tumulong sa amin, may titulo na raw ang lupa!  Ang sabi ng isang opisyal nila, mali daw kasi ang ginawang cadastral survey noon na dalawang ulit ginawa ngunit pinirmahan ng iisang regional director lamang. Ano ‘yon? May pinaboran ba? May adjustment bang ginawa sa survey? Nagtatanong lang?  Anak ng putakte talaga ang katiwalian sa lupa dito sa bayan ni Juan!
                   
Hanggang patuloy ang pang-aapi sa mahihirap, kapos-palad at mga dukha, patuloy ang mararamdaman nating alibadbad. Hindi dapat ipasailalim ang interes ng nakararami sa mga partisanong interes ng ilang grupo lamang. Matagal pa ang pananatili ng mundo at lipunang Pilipino. Marami pang pagbabago ang tiyak na magaganap at patunay nito ang mga nangyaring pagbabago sa mga nakaraan na nagpabagal o nagpabilis sa mga isinusulong na mithiin at layunin.
                   
Ngunit tiyak na magkakaroon ng isang tunay na layuning hahango sa nakahahabag na kalagayan ng maraming naghihirap na Pilipinong mga Anak-Dalita sa bayang Pilipinas. (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)