7,887 guests

Chairman Bobot Diño: Mahalaga ang barangay kontra krimen

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 229

symposium na ginawa ng NAKABAKA (Nagkakaisang Kapatiran Para sa Bayan at Kabataan) sa National Press Club nitong Huwebes, sinabi ni VACC Chairman Martin “Bobot” Diño, bagong chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), ang kahalagahan ng barangay sa pagsugpo sa pagkalat ng iligal na droga sa bansa.

Si Diño ang guest speaker sa symposium ng NAKABAKA, na binubuo ng limang pinakamalaking fraternity sa bansa, ang Alpha Kappa Rho, Alpha Phi Omega, Capazcepa, Scout Royal Brotherhood at Tau Gamma Phi. Ang theme ng seminar ay “Pakikiisa sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga.”

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Diño na bagama’t ang barangay (na may kasalukuyang bilang na 42,000) ang pinakamaliit na political unit sa bansa, pinakamalaki ang  papel nito sa paglutas ng mga krimen sa bansa.

Aniya, ang bawat sulok sa Pilipinas ay binubuo ng barangay at walang lugar sa bansa ang hindi nasasakupan ng barangay, kaya’t ang mga pinuno nito, ang mga barangay captain, kagawad at tanod ay mahalaga ang tungkulin sa pagsugpo ng mga krimeng nangyayari at maaaring mangyari sa komunidad.

Sinabi pa ni Diño na hindi lang mga barangay official ang makasusugpo sa mga krimeng nangyayari sa barangay, subali’t ang mismong mga residente nito. 
   
Ang halimbawa niyang ibinigay ay ang “Tiangge ng shabu sa Pasig” na talamak na bilihan ng shabu sa Metro Manila at karatig lalawigan at tirahan ng bawal na droga.
   
Ang tiangge ay may mga kuwarto, kung saan may “menu” sa dingding ng klase ng shabu na mabibili, kasama ang alak, sigarilyo at mga batang babae para parausan ng libog.
   
Ang tiangge ay alam ng mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan, subali’t hindi pinuksa, bagama’t ilang kanto lang ang layo sa Pasig City Hall.
   
Nasugpo ang tiangge dahil sa sumbong ng isang mamamayan na ipinaalam ang talamak na bentahan ng droga rito sa VACC, na pinamumunuan ni Chairman Dino, na ’di nag-aksaya ng panahon at isinuplong sa PNP at ni-raid ito. 
   
Matapos ang raid, tumulong ang VACC sa pagsampa ng kaso laban kay Emil Boratong ang sinasabing may-ari at operator ng tiangge at ’di naglaon ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa pagbebenta ng droga at ngayo’y nakakulong sa Muntinlupa.
   
Sinabi ni Diño na ang “vigilance” ng mga mamamayan, gaya ng nagsumbong sa tiangge ang makatutulong sa pagsugpo ng krimen, kaya’t hinikayat niya ang mga dumalo sa symposium na maging mapagmatyag kontra krimen.

ILAN SA PROGRAMA NI CHAIRMAN DIÑO SA SBMA
   
Kaugnay ng kanyang appointment bilang Chairman ng SBMA, sinabi ni Dino na puputulin niya ang ano mang korapsyong nangyayari sa ahensya at gagawin niya itong “investor friendly”, kung  saan ang mga investor o locator ay makaaasa ng mabilis at matapat na serbisyo mula sa lahat ng opisyal ng SBMA.
   
Aniya, hindi kailanman mangyayari na ang mga locator ay magbibigay ng lagay kanino man, upang mapabilis at maaprubahan ang kanilang pagnenegosyo sa SBMA.
   
Idinagdag pa niya na sa kanyang termino ay sisimulan at tatapusin ang  Manila-Subic Coastal Road, upang bumilis ang biyahe rito at mabawasan ang traffic sa Metro Manila.
   
Sinabi pa niya na ang unang bullet train sa Pilipinas, mula Manila hanggang Subic ay gagawin upang ma-engganyo ang mga dayuhan na mag-invest rito.
   
At bilang pagkilala sa mga “volunteer” na nagsakripisyo sa pag-ahon ng Subic mula sa pagkasira nito sa pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991, gagawa siya ng malaking gusali, kung saan masusulat ang pangalan ng lahat ng mga “volunteer” na tumulong sa pagbuhay ng SBMA, upang sila’y ipagmalaki ng kanilang mga anak,  bilang halimbawa sa pag-ahon ng Subic mula sa kasiraan, kahirapan at matinding pagsubok.
   
Ang symposium ay dinaluhan ng mga alumni at estudyanteng miyembro  ng mga nasabing kapatiran.  Ang mga nagsalita sa symposium mula sa iba’t ibang kapatiran ay sina:
   
Jose Miguel Lopez, National Grand Skeptron ng Akrho; Arch. Tony Dimaano, dating National Head ng APO; Engr. Ben Singanon, Founder ng Capazcepa; Prof. Jhomel Salazar, National Adviser ng Scout Royal Brotherhood; Fr. Bobby de la Cruz ng Archdiocese of Manila, dating Grand Triskelion ng TGP;  Prof. Jun De Los Reyes, teacher, labor leader at dating Secretary-General ng TGP; Atty. Jay De Castro, dating Secretary-General ng TGP at Paul Gutierrez, president ng National Press Club of the Philippines.
   
Bilang pagkilala sa pakikiisa ng NAKABAKA sa kampanya ni Pangulong Duterte laban sa droga, inanyayahan ni Chairman Diño ang mga opisyal ng samahan na bumisita sa SBMA at gawin ang kanilang mga seminar o leadership training rito, na masigabong pinalakpakan ng mga dumalo sa symposium.