5,475 guests

Ping Lacson: Pag-aralang mabuti ang Duterte narco list!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 217

MAY punto si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa panawagan nito sa ilang adviser ng Pangulong Rodrigo  Duterte na pag-aralang mabuti ang hawak nilang narco list.

Ito’y upang hindi na mapahiya uli si Du30 sakaling mag-sorry na naman dahil sa maling impormasyon, tulad ng ginawa nito kina dating Pangasinan governor at ngayo’y Rep. Amado Espino at dalawa pang drug personalities.

Nagkaroon tuloy ng pagdududa sa kredibilidad ng tinatawag na ‘drug matrix’ dahil mismong si Duterte mismo ang umamin na may nangyaring kapabayaan sa pag-counter check ng impormasyon.

“Definitely, may negatibong epekto sa kredibilidad ng ‘narco matrix’ ang ginawang pag-amin ng pagkakamali ng Pangulo. And will be aggravated by an unavoidable perception that those who do not have access to him, whether directly or through conduits remain helpless in clearing their names, assuming that they have been unjustly included in the narco list,” ani Lacson.

Nitong Lunes ay nag-ala-Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Duterte sa pagsasabing ‘I am sorry’ dahil pumalpak ang naunang pahayag na si Espino, kasama si dating Pangasinan provincial administrator Rafael Baraan at Board Member Raul Sison ay kabilang sa New Bilibid Prisons drug matrix.

Sa drug matrix na ipinakita ni Duterte kamakailan, sinabi nitong kakuntsaba nina Espino sina dating Justice secretary at ngayo’y Senadora Leila de Lima, gayundin ang umanoy’ driver-lover na si Ronnie Dayan.
   
“I think somehow we were negligent in counter checking information during the first report. So to Espino and to Sison and Baraan, the brother, not the undersecretary because he is really involved, I would like to apologize to you publicly and I would say now, I’m very sorry,” ani Duterte.
   
Bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na tunay na nagkaroon ng kredibilidad laban sa mga organisadong kriminal at pagdisiplina sa mga abusadong pulis, sinabi ni Lacson na ang lahat ng intelligence report na hawak ng Pangulo, partikular na ang narco list ay dapat ituring na ‘confidential,’  o ‘top secret’ na dokumento, depende pa sa security classification.
   
“A narco list, just like an Order of Battle, is a product of an intelligence workshop and is disseminated only to personnel with corresponding security clearance. Hence, making it public would not only warn those in the list -- thus jeopardizing any ongoing intelligence operation -- but also unnecessarily shame them or put their lives at risk,” sabi pa ng senador.
   
Dahil sa padaskul-daskul na desisyon sa pagpapahayag sa narco-list, kawawa ang mga taong inosente na walang direktang linya o kaibigan sa kampo ni Duterte -- hindi katulad ng suspected drug lord na si Peter Lim at siyempre ang ‘impluwensiya’ ng mga Espino sa Malakanyang.
   
’Ika nga, paano kung mga mahihirap na tao lang na mga tunay na walang kinalaman sa ipinagbabawal na gamot pero wala namang direktang ‘access’ sa ating Pangulo.
   
Maingat pero matalino ang mga pahayag ni Lacson tungkol sa ‘palpak’ na narco list.
   
Ayon kay Ping, hindi si Du30 ang kanyang pinapayuhan na maghinay-hinay sa paglabas ng narco list kundi ang mga ‘security adviser’ nito.
   
Aminin o hindi ng senador, ayaw nitong lumabas na ‘sinisiraan’ niya ang Pangulo ng bansa, pero makikita ang malasakit ni Lacson para hindi na muling malagay sa balag ng kahihiyan ang ating mahal na Presidente.
   
Bago umalis patungong Vietnam, nangako si Duterte na ilalabas ang ikatlong narco list pagbalik nito sa bansa, bagay na inaantabayan ng lahat.
   
Sa ginawang pahayag ni Lacson, pati tayo ay ‘nagising,’ dahil ‘subconsciously’  marami tiyak ang nag-iisip ng ganito, lalo na iyong mga mahihirap na itinuturong sangkot sa ipinagbabawal na gamot na wala naman talagang kinalaman.
   
Hindi ba’t bukod sa pagsigaw sa hustisya, himutok lagi ng pamilya ng mga napapatay na ‘small-time’ na tulak ay bakit kapag sa mga ‘squatter’ kung saan nagaganap ang ‘Oplan Tokhang’ ay pinapaslang na lang sila basta-basta, pero kapag mayayaman nga naman ay kinakatok lamang at hindi pinalalabas na nanlaban umano sa mga alagad ng batas.
   
Kamakailan, nanawagan tayong pangalanan na rin ng Duterte administration ang mga artistang nasa narco list, dahil malaking impak sila sa lipunan. Sa sobrang hirap ng buhay ngayon, mga artista sa telebisyon ang pinaglilibangang panoorin ng ating mga kababayan.
   
Bilang iniidolo ng kanilang ‘fans,’ may obligasyon silang moral na dapat nilang gawin, para maging isang tunay na halimbawa, lalo na sa ating mga kabataan.
   
Hindi tayo tutol sa giyera kontra droga ng pamahalaan. Pero sana naman hindi mapunta sa wala ang kampanyang ito ni Duterte dahil kung magpapatuloy ang paglabas ng palpak na narco list, hindi malayong pati kredibilidad ng Pangulo ay maapektuhan nang tuluyan.
   
Bukod kay Lacson, pasensya na po Ginoong Pangulo, dahil pati pahayag ni Senadora Leila de Lima ay may punto sa pagsasabing hindi na basta maibabalik pa ang buhay ng isang inosenteng tao na mapapatay sa isang umano’y lehitimong police operation.
   
Tulad ng paghanga natin kay Lacson noong PNP chief pa ito, ganito rin ang paghanga natin kina PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa at NCRPO chief Director Oscar Albayalde, ngunit hindi natin maiaalis na may mga tiwali at abusado pa rin tayong pulis ngayon.
   
Sana, maging puspusan ang gawing ‘counter-checking’ sa narco list bago ito ilabas ng Presidente para hindi na magkaroon pa ng bala laban sa kanila ang mga sindikato ng droga.
   
Sa tuwing napapahiya kasi si Du30, hindi lamang mga kalaban nito sa pulitika ang natutuwa kundi pati na rin ang mga organisadong sindikato ng droga na alam nating lahat na may kakayahang magpondo para siraan nang husto ang kasalukuyang administrasyon.
   
Samantala, nalungkot tayo sa tugon ni Duterte na wala itong planong harapin at kausapin nang personal ang high profile inmate na si Jaybee Sebastian.
   
Nakalulungkot dahil ito na sana ang pagkakataon para malaman mismo ng Presidente kung ano ba talaga ang nalalaman ni Sebastian tungkol sa sindikato ng droga sa loob ng NBP.
   
Nasa ospital pa rin po si Sebastian ngayon, matapos siya, kasama ang tatlong HPI, ay pinagsasaksak ng kanilang kasamahang bilanggo sa loob ng Building 14 ng NBP.
   
Si Sebastian sana ang susi sa ginagawang Congress inquiry kung nagpakolekta ba talaga ng ‘campaign fund’ si De Lima, kasabay ng pagbibigay pahintulot na magkaroon ng droga sa loob at labas ng Bilibid.
   
Desisyon na ito ng Pangulong Duterte at walang sinuman pa ang makakapagbago sa kanyang isip.
   
Ang magandang gawin siguro ni Sebastian ngayon ay mag-execute ng ‘affidavit’ sa pamamagitan ng kanyang abogado (saka ipanotaryo) at doon niya ilahad ang nalalamang kabulastugan sa Bilibid -- mula anomalya sa kontrata sa pagkain hanggang sa paglabas-pasok ng mga kontrabandong droga sa kulungan.
   
Magagamit ang nasabing ‘affidavit’ para matimbang kung sino sa kanila ang iba pang HPI ang nagsasabi ng totoo, hangga’t  nabubuhay pa silang lahat.
   
Tulad ng mga HPI na si Herbert Colanggo, et. al., may sariling impormasyon si Sebastian.
   
Ang problema nga lang, parang ang gusto lang marinig ng ilang kapanalig ni Duterte ay sangkot si De Lima sa sindikato ng droga, pero kapag iba na ang bersiyon, wala nang kredibilidad ito at isa nang pusakal na kriminal.
   
Kung ganito ang labanan, hindi natin tuluyang matutumbok kung sinu-sino ba talaga ang pinaka-lord of the drug lords ng Pilipinas kasi puro na lang tayo anti-De Lima at nawawala na ang tunay na ‘objective’ ng isinasagawang imbestigasyon.