7,604 guests

2 bangkay ng sikyu sa QC nakitang tadtad ng saksak

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 239

Dalawang security guard ang natagpuang patay at pawang may mga saksak sa katawan sa magkahiwalay na lugar sa loob ng kanilang pinaglilingkurang kumpanya sa Quezon City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nakilala ang mga biktima na sina Alexander Carvero, 31, at Nerwin Villa, 32, pawang mga security guard (KRP Security Agency) at stay-in sa JAC Service Center na matatagpuan sa 750 Bonifacio Avenue, Bgy. Pag-Ibig Sa Nayon, QC.
   
Ayon sa ulat, nang maganap ang insidente, dakong alas-4 ng madaling araw, si Villa ay off-duty na sa kanyang trabaho habang naka-duty naman si Carvero.
   
Sinasabing habang ang testigong si Ariel Noto, security guard na naka-duty sa JAC Show room, ay kukuha sana nang maiinom na tubig sa 2nd floor ay nakita niya si Villa na duguang nakahandusay sa may gate malapit sa guard house.
   
Agad na humingi ng tulong si Noto sa kasamahang si Gerry Manbaji at Norlen Ocop at isinugod ang biktimang si Villa sa Quezon City General Hospital, pero idineklara din itong patay.
   
Maya-maya pa, isang concerned citizen ang nag-inform kay Noto hingil sa duguan at walang buhay na katawan ng biktimang si Carvero. Ipinasya namang ipagbigay alam ang insidente sa mga opisyales ng barangay na tumawag naman ng otoridad para sa pagsisiyasat.

May ulat ni Jenesis Ann G. Canua