5,427 guests

Si Marcos at ang Bataan Nuke!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 416

'Uncovered'

KABILANG tayo sa ilang Senate mediamen at Energy media na sumama sa isinagawang ‘on-site inspection’ ng Senate Committee on Energy ni Senador Win Gatchalian sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) noong nakalipas na Biyernes.

Kahit nakapapagod sa tagal ng biyahe bunsod ng trapik at siyempre ang pagiging puyat naming mga mamamahayag sa aga ng itinakdang ‘call time’ sa Senate grounds, sulit na rin kahit papaano dahil  sa maayos na  pag-‘shepherd’ sa amin ng mga ‘energetic’ na media relations officers (MRO) ni Senator Win na sina Ms. Ahna Mejia at Ms. Javee Algenio, gayundin ang ilang staff ng National Power Corporation (Napocor).

Bukod kay Senator Win, kasama rin namin sina Senador Jayvee Ejercito, Senator Nancy Binay at si dating Pangasinan Rep. Mark Cojuangco na matagal nang nagsusulong sa pag-rehabilitate sa BNPP.

May lawak na 389 ektaryang lupa ang BNPP, malapit sa Napot Point sa karagatan ng Morong, Bataan. Dahil walong taon nang inaral at isinusulong ang muling pagbubukas ng BNPP, si Cong. Mark na rin ang nagsilbing ‘tourist guide’ naming lahat.

Mula sa maikling aral o ‘briefing’ na isinagawa nito sa amin sa Napocor Training Center and Hotel sa Bagac, Bataan, hanggang sa pagdetalye sa kabuuang istraktura ng Bataan Nuke na nasa bayan naman ng Morong. Sa paliwanag pa lang, nakahahanga ang mga binitawang salita ni Cong. Mark kung bakit kailangang buksan uli (o ipagawa uli para mabuksan) ang BNPP.
   
Ayon kay Cojuangco, ito lamang ang pinakamura, pinakamabilis at pinaka-episyenteng paraan ngayon para matugunan ang lumalalang krisis sa enerhiya.
   
Pero siyempre, hindi kaagad niya naimpluwensiyahan ang tatlong senador. Si Senador Jayvee lang nga halos ang nagbigay ng positibong tugon dahil sayang naman daw ang BNPP kung hindi gagamitin.
   
Gumastos na ang pamahalaan dito ng $2 billion na mula sa buwis ng taumbayan at nabayaran na rin ito noong taong 2007.
   
Para kay Senadora Nancy, positibo siya sa panukalang pabuksan ito, pero kailangan munang pag-aralan ito ng mga eksperto, tulad ng naunang panukala ni Energy Sec. Alfonso Cusi.
   
Si Senator Win naman ay hindi kumporme sa muling pagbubukas nito dahil marami nang ipapagawa sa BNPP na aabutin ng $1 billion o higit pa, samantalang kung gagawa ng bago, medyo mataas nga ng kaunti ang guguguling halaga, pero nasisiguro ang kaligtasan ng lahat.
   
Sa nangyayari ngayon, kahit papano ay nagkakaroon ng linaw ang mga panukalang kailangan talaga ng Pilipinas ng karagdagang enerhiya.   Lahat ng uri ng pagkukunan ng enerhiya ay dapat gawin at pagtuunan ng masinsinang pag-aaral at dapat suportahan ng pamahalaan at paglaanan ng pondo.
   
Mula renewable energy tulad ng enerhiya mula sa araw (solar), hangin (wind), ulan, alon at pati na rin ang geothermal heat hanggang coal (uling) energy at nuclear power plants.
   
Mismong World Health Organization (WHO) ang nagsabi na ligtas ang anumang nuclear power  basta’t maayos ang pagkakagawa nito mula sa pundasyon, istraktura at iba pang teknikal.
   
Bakit nga naman tayo makukuntento sa P10 per retail ngayon sa supply ng kuryente kung kaya naman ng P5?
   
May tatlong dekada na ang BNPP.
   
Natengga ito dahil na rin sa batbat na intriga.
   
Mula sa bintang sa lutuan sa bidding sa pagitan ng General Electric (GE) at Westinghouse Electric (WE), binigyan agad ito ng pagdududa ng mga kalaban ng pamilya ng dating Pangulong Ferdinand Marcos.
   
Dahil ayon sa mga kalaban ni Marcos, kaduda-duda ang ginawang pagkatig  nito sa WE dahil kahit mas mura ito sa bid price na $500 million, kumpara sa $700 million ng GE, wala anilang malinaw at espisipikong detalye sa kanilang panukala.
   
Simple ang tingin ko rito. Kaya nga nagpa-bid dahil doon tayo sa murang halaga.
   
Ang nasabing kontrobersiya ay naganap noong 1975 at natapos ang konstraksiyon noong taong 1984 -- isang taon matapos mapatay si dating Senador Ninoy Aquino.
   
Higit na nagpabigat sa isyu ng BNPP ang biglang paglobo sa konstraksiyon nito noong taong iyon dahil umabot na aniya ang utang ng Pilipinas sa $1.1 billion.
   
Totoo man o hindi ang akusasyon laban kay Marcos, magsilbing aral na sana ito sa kasalukuyang pamahalaan at sa mga susunod pang henerasyon.
   
Oo’t may kontrobersiya sa isyu ng korapsiyon pero hindi dahilan ito para hindi na ituloy ang multi-bilyon pisong proyekto dahil lamang sa isyu ng pulitika.
   
Nasaan na ngayon ang nagsasabing walang tibay, mahina, marupok at delikado ang BNPP?
   
Sumabog ang Mr. Pinatubo noong 1991 pero nanatiling buhay pa rin at matatag ang istraktura ng BNPP. Iba ang BNPP kumpara sa Chernobyl Power Plant sa bansang Ukraine na sumabog noong taong 1986 dahil ang disenyo nito ay paggawa ng armas, sandata at power bomb, hindi katulad ng Bataan Nuke, Fukushima at Kori Nuclear Power Plant na kaya itinayo para sa supply lamang sa enerhiya at hindi para sa digmaan.
   
Bagaman nagkaroon ng insidente noong taong 2011 sa Fukushima Daichi Power Plant sa Japan, walang naiulat ditong namatay. May sumabog na planta, pero naharangan ito ng mga iba pang ‘contigency’ na sadyang ginawa at dinisensyo ng mga ekspertong engineer para maiwasan ang anumang trahedya.
   
Mismong mga eksperto na mula sa Amerika ang nagsabi na kahit Intensity 8 ay hindi kayang pabagsakin ang Bataan Nuke dahil ‘18 meters sea level ground elevation’ ang BNPP. Kahit na tsunami ay hindi ito kayang pabagsakin.
   
Kung naging ‘operational’ lamang ang BNPP noon, may 623 megawatt electrical capacity ang kaya nitong ibigay na enerhiya o 10 porsiyento sa kabuuang supply sa kuryente na kailangan sa Luzon grid.
   
Dapat noon pa, mura na ang ating kuryente at napabilis na ang pagtaas ng ating ekonomya kumpara sa mga dating mahihirap na bansa na tulad ng Korea at Taiwan.
   
Dapat kung pinabuksan na ang BNPP noong 1984 o 1986 ng dating Pangulong Cory Aquino, nakapag-level up na sana tayo at nakagawa ng iba pang planta sa Visayas at Mindanao.
   
Marami pang aral ang dapat gawin ng mga eksperto ngayon kung dapat pa bang buksan muli ang may kalumaan nang BNPP o gumawa na lang ng panibago ang gobyerno ng nuclear power plant o anumang uri ng renewable energy.
   
Pero iisa lang ang nasisiguro ko ngayon.
   
Noon pa, alam na ng erpat ni dating Senador Bonbong Marcos na magiging matindi ang problema o lalala ang krisis sa enerhiya.
   
Kaya dekada 70 pa lang ay pinursigi na ang paggawa ng BNPP pero dahil na-demonized ang isip ng taong-bayan ng mga anti-Marcos, nasayang na ang pera ng taumbayan, naghirap pa lalo tayong mga Filipino dahil lamang sa kapritso ng mga kalaban sa pulitika na wala namang ginawa kundi ang tumunganga na, ngumanga pa at magaling lamang manisi ng iba.
   
Tama ba ako, dating Pangulong Noynoy “Noynoying” Aquino?