4,855 guests

Manager, may dalang suwerte

  • Written by Chit Ramos
  • Published in Showbiz
  • Read: 811
Inah de Belen Inah de Belen

MUKHANG may suwerteng dala si Popoy Caritativo ng Professional Artists Managers Inc. (PAMI) kay Inah de Belen, ngayong nasa Kapuso Network na siya.

Tulad nina Marian Rivera noon at ni Tom Rodriguez ngayon, biglang bida si Inah sa teleseryeng “Oh! My Mama” na magsisimulang mapanood sa Lunes, bilang kapalit ng teleseryeng “Magkaibang Mundo” na pinagbidahan nina Louise delos Reyes, Juancho Trivino, Dion Ignacio at Gina Alajar na nagtapos na noong Biyernes.

Kung napi-pressure si Inah sa pagiging anak ng mga batikang actor na sina Janice de Belen at John Estrada, higit na kaba ang hatid ng pagiging tagapagmana niya ng isang hit movie ng Diamond Star na si Maricel Soriano. Ni-retain ng Kapuso Network ang original title nitong “Oh! My Mama!”

“I will try so hard to make my mom, dad and even tita Gelli proud of me, but I’ll exert more effort to make my launching serye rate well dahil isang Maricel Soriano movie pala ito noon.  I’ll just pray na mahawaan man lang niya ako ng kanyang suwerte. It is very important for me na maging mataas ang ratings ng launching teleserye ko,” pagtatapat niya.

Matatandaang Marian’s career was neither here nor there noon. Nang maging manager niya si Popoy, biglang naging bida siya sa “Marimar.” May bonus pang Dingdong Dantes na ngayon ay asawa na niya at ama ng kanyang panganay na si Letizia.

Ganun din ang nangyari kay Tom Rodriguez, bagama’t sumisikat na ang kakaibang loveteam nila ni Aiza Seguerra sa isang malaganap na serye ng Dos noon.
 
Nagpaalam nang maayos si Tom sa ABS-CBN dahil napakalaking opportunity ang alok ng Kapuso Network through Popoy’s management. Biglang bida rin si Tom sa teleseryeng “My Husband’s Lover” kung saan naging ka-tandem niya si Dennis Trillo. Naging super hit ang kakaibang tema ng serye. At nagtuluy-tuloy na ang tagumpay ni Tom.
   
By the way, si Jake Vargas ang leading man ni Inah sa “Oh! My Mama.” Kasama rin sina Gladys Reyes, Ryan Eigenmann, Epi Quizon, Yul Servo, Francine Prieto, Arthur Solinap, Ash Ortega at Phytos Ramirez, sa direction ni Neal del Rosario. My special participation naman si Sheryl Cruz.

ALEX, IBA ANG ATAKE SA COMEDY

NAKAKA-MISS si Alex Gonzaga dahil matagal-tagal din siyang hindi nakausap ng movie press. Kaya naging masayang-masaya ang presscon ng “My Rebound Girl” ng Regal Entertainment dahil muling umapaw ang mga halakhak ng nakababatang kapatid ni Toni Gonzaga.
   
Hindi naiwasan na ungkatin ang nakaraan, kung saan, nagmuntik-muntikang maging mag-dyowa sina Alex at ang leading man niyang si Joseph Marco sa teleseryeng “Pure Love.” Kumukuti-kutitap na noon ang mga mata ni Alex kapag napag-uusapan ang tungkol kay Marco. Si Alex naman kasing talaga ang unang babaeng nagustuhan ni Marco sa showbiz. Sa totoo lang, may go signal na rin noon si Toni dahil cutie-pie si Marco, bagama’t nagpapaalala ang Ate niya na kilatising mabuti ang binata.
   
Kaya nga, nabuo ang pelikulang “My Rebound Girl” dahil sa init ng mga usap-usapan tungkol sa kanilang dalawa. Tiyak na magiging pruweba ang mga eksena nila sa pelikulang dinerek ni Emmanuel Cruz.
   
Magsisilbing biggest acting break nila ang “MRG.”

Nasubukan na si Alex sa pagiging host, singer at comedienne. Ilang beses nang naging bida si Alex sa ilang TV series tulad ng “Inday Bote.” At favorite guest din si Alex ni Vice Ganda sa kanyang concerts at mga pelikula. Kahit si Luis Manzano ay inangkin nang “kapatid” niya si Alex. Kwelang-kwela sila kapag nagdu-duet ng sintunado sa ASAP, remember?
   
Hindi kataka-taka sakaling maaalala ng moviegoers ang kakaibang atake ni Alex sa comedy.

JOSHUA, SUMUSUNOD SA YAPAK NI JOHN LLOYD

MUKHANG inihahanda si Joshua Garcia for bigger and better roles kung pagbabasehan ang napakagandang role niya sa teleseryeng “The Greatest Love,” ganundin sa pelikulang “Barcelona: A Love Untold” na sa opening day pa lamang ay tumataginting na P23M na ang kinita.
   
Gumaganap na apo ni Sylvia Sanchez si Joshua sa “TGL.” Kung pino-problema ni Sylvia ang kanyang mga anak na sina Dimples Romana, Matt Evans, Arron Villafor, at Andi Eigenmann, ang apo niyang si Joshua ang tanging nakauunawa sa kanya at  pumupuno sa mga pagkukulang nila.
   
Pinalakpakan naman si Joshua sa ilang eksena niya with Daniel Padilla and Kathryn Bernardo na kinunan sa Barcelona mismo. Ikinu-compare ng mga critic si Joshua kay John Lloyd Cruz hindi lamang sa ilang anggulo ng mukha niya kundi maging sa acting.
   
Kung ang tingin ni direk Olive Lamasan kay Daniel ay ang “Bagong Aga Muhlach,” si Joshua naman daw ay sumusunod sa mga yapak ni John Lloyd.
   
Samantala, madalas napagkikita si Joshua in the company of Daniel and his friends. Welcome na welcome rin kay Queen Mother Karla Estrada kapag bigla na lang sumusulpot si Joshua sa kanilang bahay.