5,170 guests

Pagsuko ng mga ‘durugista’ tagumpay ni Duterte

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 232

NGAYONG napakaraming kababayan natin ang kusang sumusuko sa mga otoridad dahil sa kanilang pagiging sangkot sa iligal na droga, nararapat lang na magbigay ang ating pamahalaan ng “critical intervention” o iyong mga paraan kung saan pwedeng matanggal sa sistema ng mga sumukong kabayan natin ang masamang bisyo na ito!

Malaking tagumpay para kay Pangulong Duterte ang pagsuko ng napakaraming kababayan natin dahil sa kasaysayan natin ay ngayon lang naglabasan ang mga  lulong at tulak sa iligal na droga. Sabi nga ng karamihan, sino ba ang mag-aakala na mangyayari ito sa ating bansa?
   
Hindi po pwede ’yung matapos sumuko ay manunumpa lang sa harap ng punong barangay o alkalde pagkatapos ay uwian na! Sigurado po tayo karamihan sa mga taong ’yan ay babalik uli sa kanilang masamang bisyo!

* * *
   
Kaya po malaking tulong itong plano ng Department of Health o DoH na maglabas ng P3 bilyon sa susunod na taon para pondohan ang pagpapaayos ng 13 regional treatment and rehabilitation center sa ating bansa at ang pagpapatayo ng dagdag na apat na rehab center pa o tig-iisa sa Nueva Ecija, Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
   
Pero hindi naman po lahat ng mga sumukong kababayan natin, na ayon sa Philippine National Police ay umabot sa halos 686,000 katao na, ay kailangang ipasok sa rehab center at mamalagi doon sa loob ng anim na buwan hanggang isang taon. Ayon nga sa Dangerous Drugs Board o DDB at base din sa datos ng United Nations, 0.6-1 percent lang naman pala sa nasabing numero ang kailangang buuin ang nasabing “in-house treatment and rehabilitation.”

* * *
   
Ang kailangan po ng karamihan sa ating mga sumukong kababayan ay ang “community-based treatment and rehabilitation program” na ikinakasa ngayon ng DDB, DoH, Department of the Interior and Local Government at iba pang ahensya. Isinasagawa sa programang ito ang “individual and family counseling,” “skills training,” at iba pang “social support activities” gaya ng pagtatanim ng mga puno, paglilinis ng lansangan, at iba pang mga aktibidad na pwedeng pagkaabalahan ng ating mga kababayan na nakagamit ng iligal na droga. Ayon sa DoH ay popondohan din daw nila ito kaya isang malaking “kudos” para sa DoH!

* * *
   
Ayon nga po sa mga eksperto, isa sa pinakamadalas na dahilan kung bakit nagdu-droga ang ating mga kababayan ay dahil mahina ang kanilang “personal relationships” gaya ng pagmamahal o pakikipagkaibigan sa kapwa kaya sa iligal na droga na sila kumakapit!

* * *
   
Gumawa ang Department of Justice o DoJ ng isang “fact-finding investigation” para malaman ang mga suspek sa likod ng pagpapasabog ng Roxas Avenue night market sa Davao City noong isang linggo na ikinamatay ng 14 katao at ikinasugat ng 67 pa.
   
Nakikidalamhati tayo sa mga kababayan natin na nadamay sa nasabing pagsabog. Imbes na sila ay mamasyal o mag-“relax” sa night market, ngayon po ay pumanaw na ang iilan sa kanila samantalang nakaratay naman sa iba’t-ibang pagamutan ang iba!
   
Dapat gawing “priority” ito ng DoJ para ‘ika nga ay “justice will be served.” Dapat makulong at maparusahan ang mga bandidong may pakana nitong pambobomba!

* * *
   
Sana makatulong din ang kakalabas lang na Proclamation No. 55 na nagsasabing mayroong “state of national emergency on account of lawless violence” sa pagkahuli ng mga suspek ng nasabing pambobomba. Sinasabi kasi ng proclamation na kailangang magtulungan ang PNP at AFP para hindi na maulit ang ganitong kaguluhan sa ibang parte ng ating bansa.
   
Para sa mga nababahala sa deklarasyon ng ating Pangulo, nakasaad naman sa proclamation na hindi lalabagin ang ating mga karapatang pantao, dahil ang gusto lang naman ng Presidente ay mahuli ang mga nanguna sa “terrorist act” na ito at hindi na maulit pa sa ibang lugar dito sa Pilipinas!