5,897 guests

Anti-drugs ads

  • Written by Magi Gunigundo
  • Published in Opinion
  • Read: 218

Pointguard

INILABAS na ng Presidential Communications Office (PCO) ang anti-drug advertisements nitong Setyembre 2 bilang bahagi ng pinaigting na aksyon ng pamahalaang Duterte na puksain ang kalakalan ng iligal na droga at pag-abuso sa bansa.

Inilabas ang anti-drug advertisement sa ha­ngaring madagdagan ang naaabot ng gobyerno sa paghahatid ng mabigat na mensahe na ang droga ay panganib at patuloy na sumisira sa bawat buhay kaya dapat nang itigil.

Target din ng anti-drug ads ang bawat pamil­yang Filipino na maaaring naharap sa problemang sanhi ng drug abuse.

Pero hindi dapat mawalan ng pag-asa kaya napapanahon na upang tuldukan ang pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot.

Ipapalabas ang 30-segundong anti-drugs ads sa iba’t ibang TV stations gayundin sa mga sinehan sa buong bansa.
   
Ang anti-drugs ads ay dinirek ng pro-bono at acclaimed director na si Brillante Ma. Mendoza at inindorso na ng Movie and Television Review and Classification Board na mapapanood sa dalawang magkaibang senaryo.
   
Una ay ang point of view ng isang amang naging adik at pangalawa ay ang inang OFW na may isa nang adik na anak pag-uwi ng bansa.
   
Makatotohanan ang nilalaman ng anti-drugs ads at tiyak kong marami ang tatamaan. Kung mapapanood n’yo ang dalawang bersyon ng anti-drugs ads, masasabi n’yong nakita n’yo na ito sa inyong komunidad pero walang aksyong nangyari kaya nagpatuloy ito sa pagkalat kaya mas marami ang nalulong.
   
Sabi nga sa ipinapakalat na slogan ng advertisement: May oras pa para labanan ang droga at matulungan ang mga kabataan.
   
Hindi lang ito laban ng gobyerno; laban ito ng bawat Pilipino.
   
Kaya sana kasabay ng pagpapalabas sa mga istasyon ng telebisyon at mga sinehan sa anti-drugs ads na ito ng gobyerno ay mag-iwan sana ng leksyon sa bawat isa at sa bawat pamilya dahil sa makikita nating magiging epekto ng sinumang mahuhumaling sa iligal na droga.
   
Sa pamamagitan ng Pointguard, sinasaluduhan natin ang lahat ng nasa likod ng programang ito lahat lalo na si Pangulong Rodrigo Duterte na masigasig na tuldukan ang problema sa iligal na droga at kriminalidad sa ating bansa.