5,024 guests

Malaking hamon kay Digong

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 294

'Uncovered'

NAGIMBAL ang taumbayan sa naganap na pagpapasabog sa night market sa Davao City nitong Biyernes ng gabi.

Ito ang kauna-una­hang ‘terror attack’ sa Duterte administration na hudyat din ng hayagang paghamon sa kakayahan ni Digong kung paano lipulin ang bandidong Abu Sayyaf Group na umako sa krimen, ilang oras matapos mangyari ang pagpapasabog.

Ayon sa Associated Press, ang pag-amin ay ginawa ng nagpakilalang spokesman ng Abu Sayyaf na si Abu Rami.

Habang isinusulat ko ito’y 14 katao ang sinasabing nasawi sa trahedya, 10 ang namatay sa mismong pagsabog, at 71 katao naman ang nasugatan.

Nangyari ang pagpapasabog sa gitna ng ‘all out war campaign’ ng Presidente laban sa bandidong Abu Sayyaf kung saan ay 15 sundalo na rin natin ang nasawi.
 
Dahil sa insidente, sinabi ni Press Secretary Martin Andanar na cancelled  na rin ang trip ni President Digong sa Brunei na ‘first out of the country trip’ rin sana ni Digong.
   
Nagdeklara na ang Presidente ng State of Lawlessness Violence sa buong bansa.
    
Sigurado tayong marami na namang reaksiyu­nista ang makikisawsaw  para lamang tutulan ang deklarasyong ito ni Duterte.
    
Hindi tayo eksperto sa batas pero para sa akin, ang salitang ‘State of Lawlessness of Violence’ ay paraan ng Pangulong Duterte para lalo pang maging ‘vigilant’ ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang law enforcement agencies.
    
Para lang siyang ‘figure of speech’ na pagpapakita na matatag ang estado at hindi magpapadaig kaninuman alang-alang na rin sa katahimikan ng bansa.
    
Ibang-iba ito sa ‘State of Emergency’ na may karagdagang power o kapangyarihan ang ating Pangulo at hamak na malayo rin sa Martial Law.
    
Ibig sabihin, may ‘breakdown’ sa ‘law and order’ na dapat bantayan ng mga may kapangyarihan at dapat ay tumulong din ang taumbayan.
    
Dati nang ginimbal ng terorismo ang Davao. Ang pinakamalaking insidenteng naganap dito ay ang pagpapasabog sa San Pedro Cathedral noong Easter Sunday, Abril 19, 1981 kung saan ay 17 katao ang nasawi.
    
Halos ganitong trahedya rin ang gumimbal sa nasabing simbahan  noong December 27, 1993 na ikinamatay ng pito katao.
    
Sa insidenteng ito tumatak ang pangalan ni Duterte bilang alkalde ng Davao dahil ilang oras matapos ang pagpapa­sabog, may mga Christian militant naman ang nagpasabog sa Mosque ng mga Muslim.
    
Aminin o hindi ng mga Duterte, ang hinala ng ilan ay ‘gumanti’ ang noo’y Davao mayor sa nangyaring pagpapasabog.
 
March 5, 2003 ay pinasabog din ng mga terorista ang Davao International Airport kung saan ay namatay ang 21 katao at ikinasugat ng 148 iba pa.

Masaklap tanggapin pero talaga yatang wala nang katapusan ang pag­hahasik ng terorismo hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
    
Malaking hamon para kay Duterte ang ginagawang ito ng  bandidong grupo. Malaking hamon na hindi kakayanin ng administrasyon kung wala ang suporta ng taumbayan.
 
Manatili sana tayong mapagbantay at itabi muna ang anumang paniniwalang pulitikal. Dapat maging maingat din ang lahat at umiwas pumunta sa mga malalaking mall o matataong lugar, gayundin ang pagbabantay sa ating mass transport system.
    
Sino ba ang hindi makakalimot sa Rizal Day bombing noong December 30, 2000 kung saan ay nagkaroon ng serye ng sunud-sunod na pagsabog sa Plaza Ferguson sa Malate, Manila; gas station sa Makati, Cargo handling area sa Ninoy Aquino International Airpot, pagpapasabog sa isang pampasaherong bus sa EDSA at ang pagpapasabog sa Blumentritt­ station ng LRT 1.
    
Umabot sa 22 katao ang nasawi rito at 120 ang nasugatan.
    
Nasabi ko na dati pa bago pa lang manumpa bilang Presidente si Duterte na terorismo ang kalaban sa popularidad ng ating Pangulo na desidido ring lupilin sa loob ng anim na buwan ang sindikato sa ipinagbabawal na gamot.
    
Maraming giyera ang kinakaharap ngayon ng Duterte administration. Giyera sa droga, giyera sa mga bandido’t terorista at giyera sa mga corrupt sa pamahalaan.
    
Ang nakapangangamba, ’wag sanang magsanib puwersa ang mga sindikato ng ipinagbabawal na gamot at mga terorista.
 
Hindi kasi malayong pondohan ng sindikatong ito ang mga bandidong terorista para lamang makaganti sa pamahalaan na pumupuksa sa kanilang malagim na sindikato.