6,431 guests

Mga Pinoy nilait ng Bangladesh envoy

  • Written by People's Tonight
  • Published in Top Stories
  • Read: 574

TINAWAG ng ambassador ng Bangladesh na “magnanakaw” ang mga Pilipino at  “prostitute” ang mga Pinay.

Ginawa ang nasabing panlalait ni John Gomes, Bangladesh ambassador to  the Philippines,  sa harap mismo ng mga panauhin ng embahada sa pagdiriwang ng  International Mother Language Day program noong Pebrero 21, 2014.

Nakapaloob sa liham na ipinadala ni Alona Contridas kay noo’y Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario noong Marso 18, 2014  kung paano  siya hiniya ng nasabing ambassador sa harap ng maraming bisita nang tawagin  siyang “ stupid lady” at “dirty woman.”

Aniya, galit sa mga Pilipino  ang naturang ambassador  kung saan  sinabihan pa nito ang mga staff ng embahada na huwag maniniwala sa mga ito  dahil 50% sa mga Pilipino ay prostitute at ang tawag dito ay “entertainment.”

Bukod dito, tinukoy pa ng ambassador, “Filipinos are thief.”
   
Idinagdag pa nito, kaya tumaas ang bilang ng mga turistang nagpupunta sa Pilipinas ay dahil sa “sex entertainment”  kaya raw pinadala ng Bangladesh  government si Gomes bilang ambassador para alisin unti-unti ang mga  Pilipinong staff sa embahada.
   
Si Contridas ay 17 taon nang nagtatrabaho sa embahada kung saan  anim na ambassador na ang napagsilbihan nito pero sa kasalukuyang ambassador  lamang siya nakaranas ng pa­ngungutya.
   
Ang trabaho ni Contridas sa embahada ay isang messenger subalit nang  umupo ang  naturang ambassador ay ginawa itong utility worker na hindi  naman iyon ang kanyang designation.
   
Matapos siyang hiyain ng ambassador ay pinagre-resign pa si Contridas sa kanyang trabaho dahil hindi raw nito nagagawa ang kanyang tungkulin.
   
Kaya’t nang i-terminate si Contridas, nagsampa ito ng kasong illegal  dismissal laban sa ambassador sa National Labor Relations Commission na nade­sisyunan noong Pebrero 13, 2015.