5,141 guests

Sulyap sa Buwan ng Wikang Pambansa

  • Written by Nathan Cruz
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1202

Kailangan ba ng wikang Filipino para maging Pilipino? Suriin nga natin.

Ano ba ang bayan? Sino ba tayong mga Pilipino? Sino nga ba tayo talaga? Masyado na tayong nasanay sa ideya na tayo ay Pilipino.  Minsan, hindi na natin naitatanong kung saan ba nanggaling ang pagiging Pilipino. Maganda sigurong alalahanin na bago ideklara ng mga kagaya nina Rizal, Bonifacio, at Aguinaldo ang pambansang rebolusyon wala naman talagang Pilipino dati. Bago maganap ang rebolusyon laban sa mananakop na Kastila, ang identity natin ay hati-hati at nakabase sa lenggwahe, sa lahi, o sa probinsya.  May Ilokano, Ilonggo, Chavacano, Tagalog,Maranao—pero walang Pilipino.  May Mestizo, may katutubo, may Tsino, may “indio”—pero walang Pilipino.  May Caviteño, may Cebuano, may Sulueño—pero walang Pilipino.

Tayo ay mga maliit na grupo ng iba’t-ibang pamayanan na nagsama-sama para palayain ang ating sarili mula sa kamay ng mga mananakop na Kastila at Amerikano. ‘Pansinin din natin na nangyari ang pagkakaisang ito mahigit isandaan taon pa lang ang nakakaraan. Hindi tayo katulad ng mga Hapon,Kastila, o mga Ingles na may ilang daan o libong taon ng kasaysayan bilang bayan o imperyo sa ilalim ng iisang lahi o wika.

Dumaan ang ilang dekada matapos ang makasaysayan nating rebolusyon para sa kasarinlan. Natural lamang na ginusto nating tapatan ang nasyonalismo na meron ang ibang bansa.  Tulad nila na may isang wika at isang lahi, nakigaya tayo. Sabi natin isa lang ang lahi natin kasi kayumanggi tayong lahat.  Sabi natin may isa rin tayong wika—ang wikang Filipino.  At upang paigtingin ang pag-ibig sa bayan at sa pagiging Pilipino, paulit-ulit nating itinuro ito sa ating mga kabataan—sa mga paaralan sa ilalim ng subject na ‘Filipino’, sa mga selebrasyon tulad ng Linggo ng Wikang Filipino, at sa pop culture katulad ng rap song ni Francis M: “Mga kababayan ko,/ Dapat na malaman niyo:/Kayumanggi ang kulay ko,/Ako ay Pilipino.”

Bagama’t totoong tinutulungan tayo nito na maipagmalaki ang ating sarili bilang isang bansa, ang problema: hindi siya totoo.

Isang kulay ba kamo? Anong itatawag natin sa mga Tsinoy? Hindi na ba sila Pilipino dahil hindi kayumanggi ang balat nila? Isipin din natin: bukod sa kayumangging balat, ano ang pagkakatulad ng isang Tagalog at ng isang Maranao? At ang mga Malaysians at Indonesians, hindi ba kayumanggi rin sila? Pede ba silang maging ‘honorary’ Filipinos?

Isang wika ba kamo? Itong wikang Filipino na nakabase sa Tagalog pero humihiram ng bokabularyo sa Ingles, sa Kastila, at sa ibang lenggwahe sa Pilipinas para lang masabi na wika natin silang lahat?  Iyan bang wika na kapag binibigkas ng mga Bisaya sa paraang may punto ay nagiging dahilan para pagtawanan sila at ituring na segunda-klaseng Pilipino?

Ano nga ba ang mas matibay na sukatan ng nasyonalismo o pag-ibig sa bayan na dapat matutunan ng mga kabataan? “Malansang isda” ba agad na maituturing ang isang tao dahil sa hindi pagmamahal sa wikang generally ay Tagalog? Pag-isipan natin.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364-2090.