4,973 guests

Walang kasalanan sina Faeldon at Dulay

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 331

NAGSALITA na ang inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Hindi daw talaga maaabot ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang revenue collection target sa taong ito.

Ayon sa DBCC, sa taong ito ay makakakolekata lang ang BoC ng P409 bilyon.  

Ito ay malayo sa kanyang assigned tax take na P498.7 bilyon.
   
Sa unang anim na buwan ng 2016, umabot lang ng P190.55 bilyon ang koleksyon ng BoC.
   
Ang ibig sabihin nito ay kailangang makakolekta ang BoC ng P308.15 bilyon mula Hulyo hanggang Disyembre para maabot ang target nito.
   
Pero huwag nating kalimutan na naupo lang sa Malakanyang  noong katanghaliang tapat ng Hunyo 30.
   
Ganu’n pa man, marami ang umaasa na gaganda ang collection performance sa nalalabing mga buwan ng 2016.
   
Kagaya ng mga nakaraang panahon, lumalaki ang koleksiyon ng BoC kapag palapit na ang Kapaskuhan.
   
Marami kasing Christmas items, kagaya ng laruan, Christmas lights at appliances, ang nanggagaling sa ibang bansa.
   
Sa totoo lang, nandiyan pa rin ang colonial mentality ng marami nating kababayan.
   
Sa kanila, isang status symbol ang merong gamit na imported, lalo kung ang mga ito ay galing sa Estados Unidos, Inglatera o Canada.
   
Kagaya ng BoC, mabibigo din ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na maabot ang kanyang target sa taong ito.
   
Ayon pa rin sa DBCC, aabot lang ng P1.62 trilyon ang koleksyon ng BIR sa taong ito.
   
Ito ay malayo sa target collection nitong P2.026 trilyon.
   
Kung sabagay, noon pa man ay marami nang nagsasabi na “unrealistic” ang mga iniatang na collection target sa BIR at BoC.
   
Ngayon, masisi niyo ba sina Customs Commissioner Nicanor Faeldon at Internal Revenue Commissioner Cesar Dulay kung hindi nila maabot ang kanilang revenue collection target?         Huwag naman, wala silang kasalanan.
   
Ang kailangan ngayon sa administrasyon ni Pangulong Duterte ay pag-aralang mabuti ang mga target collection ng dalawang ahensiya. Hindi ’yun parang nanghuhula lang. Matagal nang panahong laging hindi “kapani-panilwala” ang assigned tax take ng mga ahensiyang nabanggit.
   
At  huwag nating kalimutan na wala sa kamay ng mga taga-BoC ang laki ng mga makokolekta nilang buwis at taripa.
   
Nasa dami at halaga ng importasyon. Isa pa, sa dami ng produktong “zero tariff” na ngayon ay talaga namang malaki ang isisisid ng koleksyon ng BoC.
   
Kaya nga dapat ay kumbinsihin at hindi pahirapan ng gobyerno ang mga importer at broker para lakihan ang kanilang importasyon.
   
Kung walang importasyon ay walang papasok na pera sa kaban ng bayan.
   
Hindi lang ’yan. Kung walang importasyon, mawawalan din ng trabaho ang BoC.
   
Ang gobyerno, importer at broker ay hindi magkaaway, sila ay partners in nation-building. Pang-huli, kailangan lang bantayan maige ni Commissioner Faeldon ang ismagling ng bigas, asukal at iba pang agricultural products, bakal, semento, resins at mga pekeng produkto.
   
Ito lang ang masawata niya ay siguradong malaki ang iaangat ng koleksyon ng BoC.
   
Tama ba kami, former Commissioner Titus Villanueva?

* * * 

Mabuti naman at itinigil muna ng Senado at Kamara de Representante ang pagtalakay sa Cha-cha o Charter change.
   
Tama lang ang desisyon ng mga lider ng Mataas at Mababang sangay ng Kongreso na unahin muna ang pagtalakay sa 2017 budget.
   
Napakahalagang maipasa ng Kongreso at mapirmahan ni Pangulong Duterte ang appropriations act bago ang katapusan ng taon.
   
Hindi puwedeng magkaroon tayo ng reenacted budget sa 2017.
   
Maaapektuhan ang mga programa at proyekto ng administrasyong Duterte kapag hindi naipasa sa oras ang 2017 budget.
   
At huwag nating apurahin ang pagbago sa Saligang Batas. Ang kailangan dito ay masusing pag-aaral at matalinong diskusyon. Hindi biro ang gusto ni Pangulong Duterte.
   
Ang gusto niya ay baguhin ang porma ng gobyerno  para daw bumilis ang pag-unlad natin at matapos na ang kaguluhan sa Mindanao.
   
Ang gusto niya’y maging federal system ang porma ng gobyerno natin.
   
Dapat ipaalam at ipaliwanag nang husto sa taumbayan ang pros and cons ng panukalang ito.
   
Sayang naman kasi lahat ng pagod, utak at panahong iuukol dito kung ibabasura lang ng taumbayan ang federalism pagdating ng plebisito.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).