5,398 guests

Clearing operation sa Baclaran, dinedma ng isang pulis

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 334

On the beat

UMAARAY na ang mga kaawa-awang sidewalk vendor sa hindi masawatang pangingikil sa kanila ng ilang tiwaling pulis sa kabila ng kahirapan nila sa pag­hahanap ng tamang lugar na mapaglalagyan ng kanilang paninda sa area ng Baclaran.

Sa kabila kasi ng mahigpit na direktiba ni Southern Police District (SPD) Director Senior Supt. Tomas Apolinario sa hanay ng kapulisan na tigilan na ang pangingikil sa mga vendor, batay na rin sa kautusan ni PNP chief Director General Ronaldo “Bato” dela Rosa, hindi pa rin matigil ang mga pulis na may alyas na Sgt. Acbang, Sgt. Perez, Sgt. Ramirez at isang Sir Caise na tarahan ng arawang tongpats ang mga vendor.

Ang matindi, lagi raw nakikitang tumatambay ang grupo ng mga pulis sa isang lugar sa area rin ng Baclaran na kilalang balwarte ng mga sangkot sa iligal na droga. Nagmamanman ba sila o nakikipag-kutsabahan sa mga sangkot sa droga?

Ayon pa sa mga vendor, nakikiisa naman sila sa ginagawang clearing operation ng lokal na pamahalaang lungsod ng Parañaque para lumuwag ang daloy ng trapiko kaya’t halos hindi na sila makapaglatag ng paninda pero tinatarahan pa rin sila ng mga tiwaling pulis.
    
Kumpiyansa ang mga vendor na sa oras na makarating sa kaalaman ni SPD District Director Apolinario ang hindi wastong kostumbre ng grupo, tiyak na may paglalagyan ang mga ito.
    
Bukod nga pala sa naturang grupo ng mga pulis, may nagpahatid din ng mensahe sa On The Beat hinggil sa isang civilian umano na guma­gamit din sa pangalan ni SSupt. Apolinario para hatawin naman sa intelihensiya ang ilang mga establisimiento tulad ng bar, night clubs at health clubs.
 
Pero kailangan muna sigurong makumpirma kung totoo ang akusasyon kaugnay sa isang civilian na nagsisimula sa letrang “R” na malupit pa raw sa pulis.

ROBERT NG NPD
   
Kung may letrang R na inirereklamo sa SPD, letrang R din as in “Robert” na isa ring civilian ang humahataw naman sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) area na nagpapahirap din sa mga health at night club, resto bar at KTV sa kahabaan ng MacArthur Highway at iba’t ibang lugar sa Caloocan City.
    
Magiging sakit ng ulo ni Northern Police District (NPD) District Director Senior Supt. Roberto Fajardo itong si Robert kapag hindi kaagad niya matutunton kung sino ang nagbigay dito ng ‘go-signal’ para humataw sa kanyang nasasakupang lugar.
    
Nakatutok kasi sa pagsugpo sa krimen, partikular sa iligal na droga ang NPD District Director kaya galit siya sa mga tiwaling pulis na hindi tumutulong sa kanyang kampanya at ang inaasikaso ay ang paghahanap ng mapagkakakitaan. Sa katunayan nga, mahigpit ang direktiba niya sa hepe ng District Anti-Illegal Drugs at sa mga tanggapan ng SAID-SOTG ng mga city police station na tutukan ang problema sa iligal na droga.
    
Pero sa kabila ng pagiging abala sa pagsugpo sa krimen, kai­langan sigurong tagpasin na ni SSupt. Fajardo ang kaman­dag nitong alyas Robert bago pa man tuluyang lasunin niya ang isipan ng kung sino mang opisyal na kanyang kadikit.

MAYOR OCA, PINURI NG NETIZENS
    
Pinuri ng mga netizen at residente ng Caloocan City ang ginawang pagi-inspeksiyon ni Mayor Oca Malapitan sa mga establisimiento sa lungsod na may paglabag sa umiiral na panuntunan, partikular ang mga KTV bar, entertainment bar, night club at health club.
    
Mismong ang alkalde ang nakabuko sa iba’t ibang uri ng paglabag na ginagawa ng mga nainspeksiyong establisimiento tulad ng fire, sanitation at health clearance, maging ang mga pasong business at mayor’s permit.
    
Hindi siguro akalain ng mga may-ari ng establisimiento na pangungunahan mismo ng alkalde ang pag-iinspeksiyon, kasama ang composite team ng Bureau of Fire Protection, Business and License Permit Office, lokal na Social Welfare, Environmental Sanitation Service at kapulisan.
    
Ilan sa mga establisimiento ang kinakitaan ng paglabag ang Rolex Disco and KTV, Text Mho Disco and KTV Bar, Glass Jhemz Entertainment Resto Bar, It’s Hide Away KTV Bar, at Raptor’s Entertainment and KTV Bar.
 
Nakakapagpatuloy kasi sa kanilang negosyo ang mga establisimiento kahit isang katerba ang paglabag dahil may ilang tiwaling pulis at opisyal ng lokal na pamahalaan ang nagbibigay sa kanila ng proteksiyon pero ngayong mismong si Mayor Oca na ang nangunguna sa inspeksiyon, hindi puwedeng ituloy nila ang operasyon hangga’t hindi tumatalima sa wastong panuntunan at alituntuning ipinatutupad ng pamahalaan.

* * *
   
Sa mga puna, reaksyon at suhestiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..o mag text sa 0915-6492023.