819 guest(s)

Gulong ng palad

NOONG dekada 60’s pinaka-popular na radio drama sa DZRH ay ang “Gulong ng Palad”. Alam mong alas -11 na ng tanghali pag narinig mo ang drama. Ang aking pumanaw na inay -- habang abala sa pagluluto -- ay nakatutok ang pandinig sa radio.
   
Bata pa ako para maintindihan -- o maaliw -- sa salaysay ng mga drama. Pag minsan napapansin ko ang inay na lumuluha habang nakikinig. Nahihiwagaan ang munti kong isip.
   
Ang programa mula Lunes hanggang Biernes. Kaya sa isang oras nito sa ere walang sinuman o maliit na pangyayari ang pwedeng mangistorbo kay inay.
   
Noong ako’y lubos na Magkaiisip, naintindihan ko na ang laman ng mga drama. Pag-ikot ng gulong ng kapalaran sa mayayaman at mahihirap. Mga masasaya at malulungkot na kabanata sa buhay ng ordinary at bigatin tao. Lahat ay may tinatawag na moral lesson. Pag-ikot ng gulong ng palad.
   
Sa mga nagaganap ngayon sa ating paligid lalo na sa mga bigatin at ordinaryong tao na nasasangkot sa PDAF scam -- sumaisip ko ang “Gulong Ng Palad.” Ang mga naglilitawang pangyayari ay akmang-akma sa nagaganap sa kanilang buhay.
   
Naalala ko din ang laging pangaral sa akin ng pumanaw na Lolo Cito: Napakabigat ang mga hamon sa buhay. Maraming ’di mo inaasahang darating na pangyayari. Di tayo laging nasa itaas o nasa ibaba. Ang buhay ay tila gulong ng palad. Umiikot. Umiikot. Dapat handa ka.
   
Di ko s’ya naunawaan nuon. Ang naunawaan ko lang ay: Kaya dapat ay lagi kang magpakabuti. Mapagbigay. May damdamin sa mga kapus-palad. At kumapit sa Diyos. Mga ito ang lahat lahat sa buhay.
   
Bumisita ako kahapon sa detention cell ni Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla sa Camp Crame. Bilang matapat at matagal na kapanalig at kaibigan. Naramdaman ko ang saklap at hapdi ng kanilang sinapit. Ngunit mga ito ay pagsubok na sana’y kanilang malampasan.
   
Ganyan ang gulong ng buhay. Ang gulong ng palad.

* * *

SAMUT-SAMOT
   
Wala akong mapagsidlan ng tuwa. Kahapon natuklasan ko sa aviary na anim na bagong anak ng aking alagang love birds. Sumisiyap pa lang. Di pa nakakalipad.
   
Ganitong munting bagay ang madalas magpaligaya sa akin. Simple lang kailangan para ako lumigaya. Di ako mapanghangad sa ’di ko makakamit. Leksyon turo din sa akin ng pumanaw na Lolo Cito.

* * *   

Ang pananalasa ng climate change ay nasa kapaligiran na. Ito’y nakakaapekto ng ating kalusugan. Kagaya ng epidemya ng ubo at sipon. Dahil sa papalit-palit ng panahon. Ulan at araw. Init at lamig.
   
Kaawaawa ang mga dukha at kapos na walang pambili ng gamot. Public hospitals ay siksikan. May mga doctor ngunit walang mabigay na gamot. Saan napupunta ang bilyong budget ng DOH. Di na tayo lumayo. Sumilip kayo sa PGH.

* * *   

Nakababahala ang balita na si Sen. J.V. Ejercito ay isusunod sa mga hanay ng Estrada clan sa di-umano’y demolition job ng administrasyon. Inamin ni Comelec Chair Sixto Brillantes na iniimbestigahan na nila ang election expenses ng senador.
   
Panatag kami na maayos ang liquidations ng senador. Subalit ang nakababahala ay mga sunud -- sunod na pangyayari sa mga Estrada. Ex- Gov E.R. Ejercito, Sen. Jinggoy at ngayon JV? Ano ba ’yan?

* * *  

Sa mga coffee shops kumakalat ang balita: Binay-Erap tandem 2016. Aba interesado ako dito.
   
‘Yong Binay-Poe. Medyo malabo. Masyado naman ambisyosa si Sen. Grace. At tila ’di marunong tumanaw ng utang na loob. Kinalimutan na niya si Mayor Erap na nagpasimula sa pagsulong niya sa pulitika. Bukod dito, hilaw na hilaw pa siya. Paiikutan lang. Magpahinog at magpasikat sa tungkulin. Ngunit malabo pa sa malabo. He, he, he.

* * * 

Inuulit ko panawagan kay Manila City Administrator Simeon Garcia na linisin ang mga sidewalk vendors sa paligid ng City Hall. Alisin din ang mga nanlilimahid na tindera sa mga food stands. Black eye ito sa mga turista. At questionable ang kanilang hygiene at sanitation.
   
Hoy gising, Atty. Garcia. Trabaho mo ito.

* * *  

Bagsak, patay na ang coconut industry sa Region IV. Matagal nang namiminsala ang peste. Ngayon lang umaksyon si PNoy.
   
Ito naman si Food Adviser Kiko Pangilinan media blitz kaagad. Magpakita ka muna ng resulta. Tama na ang pa-pogi. Malayo pa ang 2016.

* * * 

Pagkaraan ng isang dekada nagkita muli kami ni former Gov. Obet Pagdanganan sa isang salu-salo ng Manila Rotary Club.
   
Kaibigan ko siyang matalik at isa sa hinahangaan kong dating public servants. Tinulungan ko siya nung DOT secretary. Masipag. Tapat. Malinis.
   
Nice to see you again, Obet. You have not grown any older. Matikas pa rin. At robust and healthy. God bless.