6,320 guests

Hayahay ngayong pasko!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 188

'Uncovered'

IWAN muna natin nang pansamantala ang mga negatibong pag-iisip o pagpuna.

Good vibes muna tayo mga dabarkads at madlang people.

Ang dakilang araw na ito ay hindi dapat mabahiran ng anumang uri ng elemento ng negatibo.

Minsan lang sa isang taon ang Pasko at mahalagang maipagdiwang ito sa piling ng ating pamilya at mahal sa buhay.

Kalimutan muna ang magulong mundo ng pulitika.

Iwasan munang isipin ang malarapidong pagmumura ng ating Pangulo at lalong iwasan munang pag-usapan ang talamak na korapsiyon pa rin sa pamahalaan sa  Bureau of Immigration, Bureau of Customs, Energy Regulatory Commission at marami pang iba.
   
Bagaman manatili tayong mapagmatyag at mapagbantay, kahit papaano’y pansamantalang iwaksi sa ating isipan ang araw-araw na pagdami ng bilang ng mga taong napapatay na ang kasalanan ay gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
   
Ngayon lang naman ito.
   
Basta ang importante sa ngayon, masaya tayong lahat hindi dahil sa mayroon tayong maluluhong bagay, kundi masaya tayo dahil kahit papaano ay kasama natin ang ating pamilya ngayong Pasko.
   
Ialay na rin natin ang dakilang pagdiriwang na ‘to sa kababayan nating Overseas Filipino Workers (OFWs) na sa sobrang hirap sa buhay, tinitiis ang mawalay sa kanilang pamilya para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
   
Alayan na rin ang mga taong may sakit at may karamdaman, kundi pati na rin ang buo nilang pamilya na siguradong humihiling sa kanilang sarili na magiging masaya ang kanilang Pasko kung gagaling at wala nang magkakasakit pa sa kanila.
   
Iyong mga taong umibig, umasa, nasaktan at iniwan. Tiis-tiis na lang muna mga ate at kuya dahil anong malay natin, sa mga darating na araw, baka magpakita rin ang forever sa buhay. Forever na makakasama habambuhay at hindi forever para masaktan.
   
Paulit-ulit kong sinasabi na ang Pasko ay para sa mga bata. Pero kulang pala ang pananaw kong ito dahil ang Pasko ay para rin sa ating magulang, kapatid, kamag-anakan at para sa buong bansa.
   
Maswerte ang mga may bagong damit, sapatos at anumang kagamitan. Pero iyong mga pobre nating kababayan, harinawa’y mairaos din nila ang Pasko kasama ang kanilang pamilya.
   
Anu’t anuman ang paraan ng pagdiriwang natin ngayong Pasko, ’wag nating kalimutan na dakila ang araw na ito hindi para anumang luho sa katawan, kundi bilang pagkilala sa pagsilang ng isang Sanggol sa sabsaban na Siya ring tutubos sa ating mga kasalanan.
   
Sana man lang, kahit sandali, mag-alay tayo ng isang panalangin para magpasalamat sa anumang narating natin sa nakalipas na 12 buwan.
   
Isang hayahay na Pasko po sa ating lahat!