6,778 guests

Imee: ‘Pang-unawa sa pribadong libing ng aking ama’

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 289

INILIBING na ang mga labi ng namayapang Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig City.

Magpapahayag ako bilang abogado sa isyung ito.

Dumaan ito sa ligal at tamang proseso na nilahukan ng magkabilang panig, ang pamilya Marcos at mga grupong tutol sa paglibing sa dating Pangulo sa LNMB.

Pinagdebatehan ito sa Korte Suprema  at ang magkabilang-panig  ay nagbigay ng Memorandum na naglalaman ng LAHAT ng kanilang mga argument, kung bakit dapat ilibing o hindi ang dating Pangulo sa LNMB.
   
Ang mainit na isyu ay tinalakay, hindi lang sa Korte Suprema, subali’t sa media at mga lansangan. Nagdesisyon ang KS na maaaring ilibing si Marcos sa LNMB, dahil siya’y dating sundalo at Pangulo at hindi kung siya’y bayani o hindi.
   
Matapos ang desisyon, hindi naghain ng Motion for Reconsideration (MR) ang mga tutol sa libing.  Bagama’t may 15 sila upang maghain ng MR, na maaari nilang gawin o hindi, hindi sila nag-file ng simpleng manifestation na magpa-file sila ng Motion for Reconsideration.
   
Sampung araw na ang nakalipas ay hindi pa sila nag-file ng MR.  Dapat inisip ng kanilang mga abogado na maaaring ilibing ng mga Marcos ang kanilang ama, matapos ang paglabas ng desisyon, kaya’t mahalagang AGAD silang nag-file ng MR o ng nasabing manifestation, bagay na hindi nila ginawa.
   
Samakatuwid, walang teknikal na hadlang  nang ilibing si Marcos ng kanyang pamilya.
   
Nang mailibing, may ilang nagrereklamo na bakit daw isinikreto ng pamilya Marcos ang libing sa publiko. Ayon kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, hangad nilang payak, pribado, at mataimtim ang libing ni Marcos.
   
Ginagalang ko ang pasya ng pamilya Marcos, sapagkat karapatan nila iyon.
   
Wala nga silang inimbitahang dating Pangulo, kahit si Joseph Ejercito Estrada na kaibigan ng pamilya. Ginawa nilang payak, pribado, at mataimtim, sapagkat ayaw na nilang gawing pambansang isyu ang libing.
   
Ang hangad ng pamilya Marcos ay maisakatuparan ang isa sa huling habilin ni Marcos na mailibing sa LNMB kasama ang mga kapwa sundalo.
   
Ngunit, binatikos pa nang todo ng mga maka-kaliwang puwersa, ilang biktima ng batas-militar, at ilang kasapi ng Liberal Party dahil hindi inanunsyo sa publiko.
   
Kahit pinuna sila, nagpakumbaba ang pamilya Marcos sa pamamagitan ng pagsasabi ni Imee: “Ako ay humihingi ng dispensa at pag-unawa ninyo sa naging pasya ng aking pamilya na gawing payak, pribado at taimtim ang paglibing sa aking ama, upang hindi na masaling ang mga nagdaramdam.”
   
Sabi ng mga kontra-Marcos ay hindi bayani ang dating Pangulo, kaya hindi siya dapat ilibing sa LNMB. Wala naman nagsasabing bayani si Marcos.
   
Ang desisyon ng Korte Suprema ay nararapat ihimlay ang mga labi ni Marcos sa LNMB, sapagkat siya ay dating sundalo at Pangulo.
   
Kaya’t walang dahilan o hadlang upang hindi ilibing si Marcos sa LNMB.
   
Si Marcos ay inilibing sa LNMB dakong alas dose ng tanghali ayon sa tradisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglilibing sa isang sundalo. Binigyan siya ng 21-gun-salute dahil siya ay naging sundalo.
   
Pamilya Marcos lang ang nagsidalo sa libing at walang mga politiko at mga dating Pangulo, dahil ayon kay Imee, ang gusto nila’y  payak, taimtin at pribadong paglilibing. Karapatan nila ito. Dapat pa ba silang birahin tungkol dito?
   
Isa pa, bakit ang mga tutol sa libing ng ’yumaong Pangulo ay ’yung mga tahimik at bulag sa malalaking krimeng nangyari sa bansa, matapos ang termino ni Marcos, tulad ng Mendiola Massacre, Hacienda Luisita Massacre at Maguindanao Massacre, kung saan ang ating mga mamamayan na humihiling ng lupa at mga pulis na ipinaglalaban ang ating kalayaan at kaligtasan ay walang awang pinaslang?
   
At bakit nila tinututulan ang libing ni Marcos sa LNMB, dahil siya raw ay magnanakaw, gayong  ang KS mismo ang nagsabi na ang paggastos ni dating Pangulong Aquino ng kanyang discretionary funds (ang PDAF ng Pangulo), na halos P800 bilyon ay iligal at labag sa Saligang Batas?    
   
Malinis ba ang mga nagsasabing magnanakaw si FM? Malinis ba ang senador na tumanggap ng tig-P100 milyon o higit pa, para patalsikin si Chief Justice Renato Corona?