8,270 guests

Isyu vs NPO Deputy Director

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 456

'Uncovered'

MAY kabi-kabilang isyu ngayon laban kay Sherwin Prose C. Castaneda, deputy director ng National Printing Office (NPO).

Bago sana magalit sa atin si Mr. Castaneda, gusto ko munang linawin na kahit anong oras, bukas po ang ‘Uncovered’ para sa lahat ng kanyang sagot, tugon, komento at reaksiyon.

Hindi ko kilala ang opisyal  at wala akong personal na pakay para sirain ang kanyang pa­ngalan.

Bilang government official, tungkulin nitong sagutin o harapin ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya.

Unang isyu laban kay Castaneda ay tungkol sa dalawang ‘handler’ o ‘bagman’ ng opisyal.
   
Itago natin sila sa pangalang Rachel B. at Paul C. na garapalan ding gumagamit sa pangalan ni Vice-Mayor Paulo Duterte na anak ng Pa­ngulong Rodrigo ‘Rody’ Duterte.
   
Diumano, humihingi ng 15-20 percent na SOP (standard operating procedure) o sa salitang ‘raket’ ay lagay at tongpats kada multi-milyon pisong halaga ng kontrata ng NPO.
   
Si Rachel B. ay may-ari ng isang printing company, habang si Paul C. naman ay manugang umano ng isa sa tiyahin ng Pangulong Noynoy Aquino.
   
Kahit kay NPO Director Franciso Vales ay may intriga rin dahil wala raw itong magawa sa mga isyu laban kay Castaneda dahil pati raw siya ay may ‘five percent’ SOP na komisyon.
   
Muli, bukas ang pitak na ito sa anumang kasagutan ni Mr. Vales.
   
Bukod dito, apat na job orders na ‘staff legal researcher’ din umano ang binitbit ni Castaneda sa NPO kahit na wala silang sapat na ‘credentials.’
   
Ang mabigat, ayon pa sa sumbong, pinapadalo na ang apat na staff ni Castaneda sa meetings ng ahensiya, kahit na hindi sila mga ‘technical people’ o ‘organic member’ mismo ng NPO.
   
Maging si Castaneda ay may kahina-hinala rin umanong katayuan dahil maging siya ay wala pang isinusumiteng personal data sheet (PDS), SALN at service record.
   
Sinabi ng nagsusumbong sa atin na Hulyo 1 pa nang kumubra ng kanyang suweldo si Castaneda, pero ang ‘appointment’ nito ay iniisyu lamang noong Agosto 18 ng taong kasalukuyan.
   
Nagtataka sila kung bakit pinahintulutan ito ni NPO Acting Administrator Amando Valsorable at Lethelyn Samosa ng kanilang Finance department.
   
Isang source ang nagsabi sa inyong lingkod na gusto nang lumapit ng mga empleyado ng NPO kay Press Secretary Martin Andanar upang ipaalam ang mga ‘isyung’ ito.
   
Ang problema, hindi sila makakuha ng ‘audience’ sa Malakanyang pero sinisiguro nilang gagawa sila ng paraan para lamang iparating ang kanilang kahilingan.

Matagal na panahon din tayong hindi nakapagsulat ng mga ano­malya sa NPO.
   
Sa natanggap nating impormasyong ganito, mukhang may naaamoy na naman tayong malaking iskandalo na anumang oras ay sasambulat laban sa nabanggit na ahensiya.
   
Siyangapala, Mr. Vales at Mr. Castaneda, isang printer na may ‘criminal record’ na nameke ng police clearance ang nahuli ng pulisya noong mga nakalipas na buwan.
   
Pakibantayan n’yo po iyan dahil baka bigla n’yo silang bigyan ng ‘accreditation’ d’yan.
   
Kung sino ang may-ari ng printer na ’to at kung anu-ano ang kanyang mga raket at sindikato ay ibubunyag natin sa mga susunod nating artikulo.
   
Abangan!