5,673 guests

Wakasan na din ang brownouts!

  • Written by Tess L. Lardizabal
  • Published in Opinion
  • Read: 286

LUMIKHA ng maraming panibagong pag-asa ang administrasyon ni Presidente Digong Duterte.

Nagkaroon ng malakas na pag-asa na ma­wawakasan ni Digong ang problema sa ilegal na droga. Madami din ang umaasa na magkakaroon ng maayos na pakikipag-usap sa China para mawakasan ang tensyon sa West Philippine Sea. Madami din ang umaasa na mawawakasan ng bagong administrasyon ang pamamayani ng korap­syon sa gobyerno at ang problema ng transportasyon sa Metro Manila.

May isa pang gustong asahan ang bayan: na mawawakasan din ng Presidente ang problema sa mahal na singil ng kuryente at ang brownouts.
   
Malaki ang tiwala na mangyayari ito sa panahon ng pamumuno ni Digong.
   
Kung tutuusin, marami nang ginawang hakbang ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan para matupad ang pag-asang ito.
   
Halimbawa, ibinalita kamakailan na iniim­bestigahan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang umano’y sabwatan ng ilang planta ng kuryente. Isang posibleng naging sabwatan ay ang sabay-sabay na pag-shutdown ng mga naturang planta na nagresulta sa brownouts sa maraming bahagi ng bansa.
   
Ito ang gustong wakasan ng bagong ERC Chairman Jose Vicente Salazar. Matagal na kasing naghihinala ang bayan na mayroong sabwatan ang malalaking kumpanya sa industriya ng kuryente. Anumang sabwatan ay maaaring magresulta sa mas mahal na presyo ng kuryente.
   
Tama na pagtuunan ni ERC Chairman Salazar ang isyung ito. Ang ERC ay may sapat na kakayahan at kapangyarihan para pigilan ang anumang hakbang ng mga kumpanya sa power generation at power distribution para manipulahin ang presyo at supply ng kuryente.
   
Maganda ang mga hakbang ni Chairman Salazar para dito. Ayon sa balita, pinabibilis na ng ERC ang pagpapatupad ng dalawang sistema sa industriya ng kuryente. Ang unang sistema ay ang tinatawag na Retail Competition and Open Access o RCOA.
   
Sa pagkakaunawa natin, ang layunin nito ay magkaroon ng kumpetisyon ang mga kum­panyang nagbebenta ng kuryente. Maglalaban sila para sa mga customer na bibili ng kuryente sa kanila. Ibig sabihin, kailangan nilang magpagalingan ng serbisyo at magpababaan ng presyo. Serbisyo at presyo kasi ang basehan ng pagpili ng mga customer.
   
May isa pang hakbang ang ERC. Ayon kay Chairman Salazar, kailangang magpa-bidding ang mga power distributor para sa pagbili nila ng kuryente mula sa power generators. Ang tawag dito, Competitive Supply Procurement o CSP.
   
’Pag may bidding, may pag-asa na ang bibilhing kuryente ng distributor ay ang pinakamaganda ang presyo. Dahil dito, may pag-asa na mas mura ang pasa nila sa customer.
   
Puwede naman palang gumanda ang sistema sa industriya ng kuryente.
   
Inaasahan natin na susuportahan nang husto ni Presidente Duterte ang mga repormang ginagawa ng ERC. Ang mga repormang ito ang pag-asa natin na magwawakas din ang pagpapahirap sa atin ng mahal at kulang na supply ng kuryente.

* * *
   
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09175841714 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..