4,785 guests

‘It’s so foul!’

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Nation
  • Read: 384

Ito ang naging reaksiyon ni Senador Leila de Lima sa bagong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa isang senador na tinawag na “immoral” bagamat hindi binanggit ang pangalan ng dating kalihim.

Ayon kay De Lima, bagama’t ayaw na niyang patulan, minabuti na muna sana ng Pangulo na i-double check ang nakukuhang impormasyon bago magbitiw ng salita.
   
“It’s very surprising. Alam mo ang first reaction ko ngayon, ayaw ko nang patulan ’yan. I don’t want to dignify that, it’s so foul. It’s character assassination,” pahayag ni De Lima.
   
Inihayag ni Duterte sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Philippine National Police ang ukol sa isang senador na immoral dahil karelasyon umano ng mambabatas ang driver na siya ring nangolekta ng pera para sa kampanya ng nanalong senador.
   
Bagama’t hindi binanggit ng Pangulo ang pangalan ni De lima, inilarawan ni Duterte na ang tinutukoy na senador ay siyang tumutuligsa sa anti-drug campaign ng kanyang administrasyon.
   
“Pareho kaming professional ng Pangulo, pareho rin po kaming public servants, sana hindi ho s’ya, hindi sya nag re-resort sa ganyan na mga foul means. To me that’s very foul. Saan man nanggaling ’yung information na ’yan, sana dino-double check. Sana inaalam ang source kanino man nanggaling ’yan na mga... that’s really foul,” pahayag pa ni De Lima.
   
Hindi naman aniya matitinag si De Lima sa gagawing imbestigasyon ng kanyang komite ukol sa extra-judicial killings kung saan imbitado sa pagdinig si PNP chief Dir. Gen. Rolando dela Rosa.
   
Dagdag pa ni De Lima, hindi niya inasahan mula sa Pangulo ang naturang pahayag na nagpapakita lamang ng character assassination laban sa kanya.
   
“I don’t know kung ano agenda nila na they’re resorting to character assassination. That is a very clear case of character assassination and I did not expect the President to do that, sa totoo lang,” ani De Lima.
   
Una nang nagpahayag si Duterte na “sisirain” niya ang babaing opisyal na patuloy ang pagtuligsa sa kanyang administrasyon bagama’t hindi tuwirang tinukoy ang senadora.