7,999 guests

Magandang gawing ‘rehab centers’ ang pasilidad ng AFP

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 297

MAGANDANG panukala po itong paggamit ng kampo ng ating mga sundalo sa Armed Forces of the Philippines o AFP para sa “treatment and rehabilitation” ng libu-libong drug users na sumuko sa mga kinauukulan.

Napakalaki kasi ng mga kampo ng ating military kaya maaari itong gamiting lugar para ilagay ang mga pasilidad sa pagpapagamot at rehabilitasyon ng mga gumagamit ng shabu. Ang Fort Magsaysay na matatagpuan sa Nueva Ecija ay may humigit kumulang 35,000 hektarya!

Aba’y kasyang-kasya dito ang ating “mass surrenderees” na nais magbagong buhay!

* * *
   
Ayon sa AFP, mayroon din silang kampo sa Tanay, Rizal at Bukidnon na maaari din gamitin para mabigyan ng oportunidad ang ating mga kababayan na talikuran ang iligal na droga.
    
Kung may pasilidad man na ilalagay dito, tiyak hindi masikip at mala-sardinas ang kundisyon ng ating mga pasyente habang sila ay ginagamot! Kung ganoon ay magiging “relaxed” o maginhawa ang kanilang pakiramdam.
    
Baka naman dahil sa sobrang maginhawa ang kanilang damdamin sa mga kampo ng military habang sila’y nagpapagaling ay ayaw na nila lumabas sa mga kampong ito?
    
Biro lang po!

* * *
   
Pero sinabi ni Brig. Gen. Restituto Padilla, Jr., AFP Spokesman, wala silang kasanayan pagdating sa “drug treatment and rehabilitation.”
    
Dito po papasok ang ating mga doktor at iba pang “medical professionals” na nagkaroon ng pagsasanay tungkol sa paggamot ng mga pasyente na gumagamit o kaya’y lulong sa iligal na droga. Bagaman nasa pag-aari ng AFP ang mga pasilidad na ito, dapat taga Department of Health o DOH ang mamamahala dito dahil sila ay may “training and experience” sa pagpapatakbo ng mga “treatment and rehabilitation facilities.”
    
Kaya nga po ayon sa ating batas na Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, naging mandato at nilipat na sa DOH mula sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation ang pagpapagamot ng mga drug user. Ang “drug use” at “drug dependency” ay mga sakit na kailangang gamutin ng isang doktor na bihasa sa “treatment and rehabilitation!”

* * *
   
At hindi naman lahat ng “mass surrenderees” natin ay kailangang ipasok at mamalagi sa rehab center upang maipagamot!
    
Karamihan po d’yan ay “outpatient services” lang ang kailangan, kaya meron tayong tinatawag na “community-based treatment and rehabilitation” na programa ng ating pamahalaan. Sa pamamagitan nito, mga sinanay na tauhan ng local government units o LGUs ang magpapatakbo ng programa para mailayo ang surrenderees sa iligal na droga.
   
Maliban sa pagpapagamot sa kanila, plano rin ipasok ang “skills training” o ang pagbigay sa kanila ng iba’t ibang kasanayan na maaari nilang gamitin upang kumita sa ligal na paraan!

* * *
   
Dahil malaki raw ang kailangang gagastusin para sa pagpapagawa ng treatment and rehabilitation centers, maaari sigurong “ligawan” ng ating pamahalaan ang mga malalaking pribadong kumpanya gaya ng Meralco, PLDT, Smart o Globe para magbahagi sila ng pondo na maaaring gamitin sa pagpapatayo nitong “rehab centers!”
    
Mayroong tinatawag na “corporate social responsibility” kung saan nagbabahagi ng mga proyekto at iba pang benepisyo ang mga pribadong kumpanya para sa pakinabang ng iba’t ibang komunidad. Kasama na d’yan ang “scholarship programs,” pagtatayo ng mga eskwelahan, pagbibigay ng mga kagamitan sa mga estudyante gaya ng bag, “school materials” o kaya ay “computer equipment.”
    
Malaki din po ang maitutulong ng ating mga pribadong kumpanya sa laban sa iligal na droga. Sana ay magkaroon sila ng papel sa krusadang ito!

* * *
   
Sa mga opisyal natin, tumulong na lang po tayong lahat sa programa kontra iligal na droga dahil marami pa tayong gagawin para tuluyang mawala ang salot ng droga sa ating mga pamayanan. Itaguyod natin ang panawagan ng ating Pangulo. At sa iba d’yan, tigilan n’yo na ang inyong pagiging coddler o protector ng mga sinasabing “drug personalities!”
    
Wala dapat kamag-anak, kaibigan o kabarkada sa laban natin sa iligal na droga. Madadamay lang po kayo sa kampanya ng ating pamahalaan kung mananatili kayong gwardya nila. Tuparin lang kung ano ang nasa batas para tapos ang usapan!
 
Sa mga kababayan nating drug users, may panahon pa po para layuan iyang masamang bisyo ninyo at magbagong buhay na. Hindi lamang ang sarili n’yo ang unti-unting sinisira ng droga, dahil pati buhay ng inyong pamilya ay sinisira rin.
    
Sa inyo namang mga pusher at mga sindikato, itigil n’yo na ang pamemerwisyo n’yo at sumuko na kayo sa otoridad. Kung hindi ay baka kunin na kayo ni Lord!