7,283 guests

‘Masahol’ pa sa diktador ang LP

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 205

BAGO ang lahat, binabati natin ang administrasyong Duterte, partikular na si Pang. Rody at ang tanggapan ni PCOO secretary, Martin Andanar, sa ‘rollout’ noong Nobyembre 25 ng ‘FOI Manual.’

Sa kasalukuyan, 29 na ahensiya na ng pamahalaan ang may ‘FOI Manual’ na ang ibig sabihin ay ang kanilang “kahandaan” na magbigay ng impormasyon, hindi lang sa hanay ng media, bagkus, sa lahat ng ating mga kababayan.
   
Pinupuri natin si Pang. Rody sa bagay na ito dahil sa kanyang pagpapakita ng ‘political will’ na ipatupad ang FOI at hindi lang magbigay ng ‘lip service’ dito na siyang “masamang asal” ng kanyang pinalitan na administrasyon ni Mr. Aquino.
   
In contrast to Mr. Aquino, Pres. Digong is ‘doing the talk’ and not just merely, well, ‘talking’ as regards the fulfillment of their respective campaign promises, kaya... mabuhay ka, mahal na Pang. Rody!
   
Uulitin natin na ang FOI ay isang mahalagang “armas” hindi lang para sa media, bagkus, sa lahat ng mga Pilipino kaya suportado natin ang pang-uurot, err, paghimok, ni Sec. Andanar na “gamitin” ng ating mga kababayan ang FOI upang makakuha tayo ng mga tamang detalye at impormasyon at hindi mabiktima ng mga tsismis at espekulasyon bago tayo gumawa ng kongklusyon at mga aksyon.

* * *   

Uulitin natin na kasama tayo sa malawak na hanay ng mga kabataan noon na “pumusta” at naging aktibista (at ‘party candidate’ pa nga) upang patalsikin ang diktadurang ‘US-Marcos.’
   
“Balewala” sa atin ang mga “pag-iyak” at “pakiusap” ng ating mahal na ina sa tuwing lalabas tayo ng bahay para sumama sa mga kilos-protesta, dala ang “bandila” ng ‘League of Filipino Students.’
   
Tanda pa natin na noong gabing lumayas ang pamilya Marcos sa Malacañang, Pebrero 25, 1986, nasa kahabaan kami ng España Boulevard at “nag-iiyakan” dahil alam naming lahat na ang paglayas ng mga Marcos ay pagbalik sa kapangyarihan ng mga elista at naghaharing-uri na ipinakulong at “pinahirapan” ng diktadurya ni Marcos, sa pangunguna ng pamilya Cojuangco-Aquino, Lopez at Roxas.
   
Kasama namin noon si Lean Alejandro (na pinatay sa panahon ni Tita Cory) bago kami nagmartsa papuntang Mendiola upang tumulong na “awatin” ang hanay ng mga ‘looters’ na nakapasok na noon sa Palasyo at sinisimulan na ang pagnanakaw sa mga gamit doon.
   
At hindi naman nagkamali ang aming naging “pagbasa sa sitwasyon” dahil nga sa “elitistang demokrasya” na pumalit sa ‘one man rule’ ni Marcos, higit na naging masahol ang kalagayan ng bansa -- dito nagsimulang “mabaon” nang husto ang bansa sa kahirapan at walang katulad na katiwalian sa loob at labas ng pamahalaan.

* * *   

Sa “pagbagsak” ng mga Marcos sa puwesto, ang isa sa “masamang nangyari” ay higit na dumami ang mga “tuta ng Kano” at iba pang mga dayuhang interes sa loob at labas ng gobyerno, bintang na palagi naming isinisigaw noon laban kay Marcos.
   
Ang nakahihiyang ‘Exhibit A’ sa pagiging “tuta” ng mga Kano sa pag-alis ng mga Marcos, sabihin pa ay ang pamilya Aquino, higit sa lahat, si PNoy na kahit si FVR ay “tinalo” sa pagiging “Amboy” (American Boy).
   
Ang nasaksihan natin pagkatapos ng EDSA Uno ay hindi ang pagsulong at pag-unlad ng kawawang ’Pinas at maginhawang bukas para sa higit na nakararaming Pilipino bagkus, ang konsentrasyon ng kapangyarihan -- at kayamanan -- sa kamay ng mga elitista.
   
Sa higit 30 dekada na nasa kapangyarihan ang mga pamilyang ito at ang mga interes na kaalyado nila, nasa kanila ang lahat ng pagkakataon upang makontrol ang mga korte, puwestuhan sa gobyerno, ang pulis at militar at kahit sino ang mamumuno sa ating Kongreso at kung sino ang mga makikinabang sa ating ekonomiya.
   
Kaya nga, nagtataka tayo na ngayong nagdesisyon ang Korte Suprema na ipalibing na sa LNMB si dating Pang. Ferdinand Marcos sa kanyang pagpanaw noong Setyembre 28, 1989 o higit 27 taon matapos siyang mamatay, ayaw pa ring tumigil sa pag-iingay at panggugulo ang mga “Dilawan.”
   
Eh, sino ba ang may kasalanan? Ang Korte Suprema ba? Si Pang. Digong pa ba? Bakit hindi “kastiguhin” ng mga ipokritong nangunguna sa pagtutol sa nangyari ang kanilang mga sarili, ang kanilang naging kapabayaan, aber?
   
At grabe rin talaga itong Partido Liberal ni Noynoy at Mar Roxas, dahil ayaw aminin na ang kanilang kapabayaan sa nakaraang 30 taon ang totoong dahilan kaya naipalibing na rin (mabuti naman) ang pumanaw na diktador, ang “plano” nila ngayon ay “ipahukay” ang kanyang bangkay.
   
Alam din natin na kahit ang mga “kasama” natin sa ‘Leftist Movement’ tutol sa nangyaring paglilibing kay Pang. Marcos sa LNMB noong nakaraang Nobyembre 18.
   
At kung mayroong mga dapat “magtanim” ng galit sa pumanaw na dating lider ng bansa, walang iba siyempre kundi ang mga “wakali” na siyang totoong lumaban at nagsakripisyo sa napakahabang panahon upang labanan ang batas militar.
   
’Yun nga lang, kung pumapayag din sila sa panukala ng LP na “ipahukay” si Apo Makoy, eh, wala na tayong masasabi kundi, masahol pa kayo kay Josef Stalin ’pag ganyan!
   
Sa pananaw naman ng isang iginagalang nating opisyal ng AFP, “wala” na sa matinong pag-iisip ang mga taong ganito, Albay Rep. Edcel Lagman.
   
Kumbaga, mas masahol pa kayo sa “diktador” na patuloy ninyong “kinamumuhian” dahil wala kayong paggalang sa isang patay.
   
“Kami ba sa militar, kapag may napatay na lider ng NPA at ‘ipinarada’ pa sa kalye bago ilibing, ginugulo ba namin? Hindi. Kasi patay na, igalang naman natin. Wala kasi sa ‘kultura’ ng mga Pilipino na bastusin ang libing.”
   
Oo nga naman. Sa “parangal” kay Leoncio ‘Kumander Parago’ Pitao sa Davao City noong isang taon, hindi naman nanggulo ang militar; hindi rin nila ginulo ang parangal sa ating kaibigan na si Gregorio “Ka Roger” Rosal na ginanap pa nga sa UP Diliman noong nakaraang Marso.
   
Kung inaakala naman ng mga ‘anti-Marcos’ na “kaisa” nila ang mayorya ng mga Pinoy sa plano nilang “babuyin” pa nang husto ang kanyang alaala at pagkatao sa pagpapahukay sa kanya, aba’y nagkakamali kayo mga bosing dahil... kayo ang mga bastos at mga “baboy,” hane?