5,347 guests

5 patay sa drug bust, 5 arestado

  • Written by Itchie G. Cabayan
  • Published in Metro
  • Read: 191

Nasawi ang limang lalaki hinihinalang mga ‘drug pushers’ habang arestado naman ang lima pa sa magkakahiwalay na buy bust operation, kamaka-lawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw sa Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, kinilala ang mga nasawi na sina alyas Jeffrey, 25; Jalid Dimiano, alyas ‘Jalid Muslim,’ 31, ng Golden Mosque, Sta. Cruz, Maynila; alyas ‘Muklo Salic,’ 20-anyos; alyas ‘Hussein,’ 25-anyos; at Albigar Garzola, alyas ‘Nonoy Alba,’ 28, ng 1242 Sto. Nino Street, Tondo.

Kinilala naman ang mga naaresto na sina Anthony Roque, 36; Raymond Remorosa, 23, laborer; Jerry Montezon, 35, pedicab driver; Leoncio Bacarisas, 50; pawang residente ng Tondo, Maynila; Jocelyn Abiscia, 42, ng 1854 Interior Dapo Street, Pandacan, Manila, na sinasabing no. 2 most wanted drug personality ng Manila Police District (MPD)-Station 10 (Pandacan).

Nabatid na si Garzola ay napatay ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 1 (Raxabago) dakong 10:40 ng gabi kamakalawa sa Lacson Street kanto ng Pacheco Street sa Tondo; sina alyas Jeffrey at Dimiano ay napatay naman dakong 10:50 ng gabi kamakalawa sa MacArthur Bridge sa Sta. Cruz, ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Unit (SAID-SOTU) ng MPD-Station 11 (Binondo); habang sina alyas Muklo Salic at alyas Hussein ay napatay naman ng mga tauhan ng SAID-SOTU ng MPD-Station 3 (Sta. Cruz) dakong 1:40 ng madaling araw kahapon sa Rizal Avenue, corner Remigio Street sa Sta. Cruz.

Ang mga suspek ay pawang nanlaban sa mga operatiba ng MPD sa isinagawang buy-bust operation kaya’t napatay ang mga ito.
    
Nakumpiska ng mga awtoridad mula kay Garzola ang isang kalibre .38 na revolver, P500 marked money at limang plastic sachet ng shabu; sina alyas Jeffrey at Dimiano naman ay nakuhanan ng dalawang .38 caliber revolver, P1,000 buy-bust money at shabu na nagkakahalaga ng P10,000 at nakasilid sa anim na plastic sachet; habang sina alyas Muklo Salic at Hussein naman, na kapwa kabilang sa SAID drug watchlist ay nakumpiskahan naman ng dalawang kalibre .38 na revolver, P500 marked money, isang Yamaha motorcycle at pitong plastic sachet ng shabu.
    
Kaugnay nito, dakong alas-7:30 ng gabi naman nang salakayin ng SAID-SOTU ng MPD-Station 1 ang tahanan nina Roque at Remorosa sa Building 3 sa Temporary Housing sa Tondo, na nagresulta sa pagkaaresto nilang dalawa, gayundin sina Montezon at Bacarisas.
    
Nakuha sa mga naaresto ang limang plastic sachet ng shabu at P2,500 na buy-bust money.
   
Si Abiscia naman ay dinakip dakong 1:30 ng ma-daling araw kamakalawa sa buy-bust operation sa Dapo Street sa Pandacan at nakumpiskahan ng apat na plastic sachet ng shabu at P500 buy-bust money.
 
Sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.