7,123 guests

‘Nakausap mo na ba ang Diyos?’

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 233

Bangon kalikasan

“Napakasuwerte ni Pangulong Rodrigo Duterte at nakausap niya ang Diyos. Kaming mahihirap na matagal nang nagdarasal sa Kanya na iahon kami sa kahirapan ay hindi kami kinakausap,” sabi ng isang babaeng tindera ng isaw at gulaman sa Quezon City.

Ilang araw lang ang nakararaan ay napanood, narinig ko ngang nagsalita si Pangulong Duterte at binanggit niya na habang pauwi siya mula Japan sakay ng eroplano ay narinig niyang may kumakausap daw sa kanya. Akala pa nga daw niya ay ang piloto ang kumakausap sa kanya.

Napansin niyang wala namang kausap ang piloto. ”Sinabihan” ’umano siya ng tinig na tinawag ni Duterte na Diyos, na huwag na siyang magmumura at nangako naman siyang hindi na nga magmumura. Kasunod ng pangako niya ay ang pagdedeklara muli ng giyera laban sa iligal na droga. Kung kinakailangang mamatay ’aniya ang 10 hanggang dalawampung libong mga sangkot sa iligal na droga ay gagawin niya ’to.

Natigilan ako ng ilang sandali nang binanggit niya ang pagkausap sa kanya ng Diyos. Hinihintay kong bawiin niya ito at sabihing nagbibiro lang siya. Ngunit natatandaan kong lagi niyang sinasabi noong bagong puwesto  pa lang siya bilang pangulo na naniniwala siya sa Diyos. Hindi raw siya komunista kundi sosyalista.

Natapos ang pagsasalita niya nang hindi naman niya binawi ang ikinuwento niyang ”pagkausap” sa kanya ng Diyos. Ibig sabihin, sabi nga ng tindera ng isaw, mapalad si Pangulong Digong at kinausap siya ng Diyos sa isyu ng pagmumura.
   
Nasabi ko sa sarili ko na maghihintay pa ako ng ilang araw at baka bawiin na naman niya ang kuwento niyang ito katulad ng iba niyang naunang  binawing pahayag. Baka sabihin niyang biro lang ang kuwento niya. Ngunit magiging pangit na biro  na ’yon.
   
Wala akong natatandaang naging pangulo ng Pilipinas na nagsabi na kinausap siya ng Diyos at may itinagubilin Ito.
   
May ilan akong nabasa noon na kinakausap sila ng Birheng Maria at nakita pa nga nila ito. May isang hindi ko na matandaan ang pangalan na naging tanyag sa pagkausap niya sa Birheng Maria at libu-libong Pilipino at dayuhan ang nagpunta sa isang lalawigan sa Hilagang Luzon. Ang katapusan ay hindi naman totoo ang mga nakikita niyang imahen ng Birheng Maria.
 
Marami pang mga kuwento. Siyempre ang pinakasikat ay si Moses na laging kausap ang Diyos Ama at maraming ipinagawa sa kanya upang maparusahan ang naging kapatid-kapatiran niya na si Aaron na hari ng Ehipto (Egypt) na naging malupit at inalipin ang mga Israelites.
   
Kung hindi nagbibiro si Duterte, ”mabigat” ang bago niyang ”presidential adviser” dahil kaagad niyang sinunod ang sinabi nito sa kanya.
   
Magiging mapalad ang mga Pilipino kung sa bawat ”pag-uusap” ni Duterte at ng Diyos ay gaganda ang buhay ng mga Pilipino. Matatapos na ang Endo na ipinangako niya, tunay nang maipapamahagi ang mga lupa sa mga magsasaka, pagtigil sa patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo-gasolina at diesel, paggamit ng renewable source of energy, pagtigil sa pagbasag sa mga bundok at pagkuha sa mga yaman nito, pagpuputol ng mga puno, pagtigil ng karumihan sa bansa mula sa mga pagkakalat at pananatili ng may isandaang tambakan ng basura sa lawa, watersheds, ilog atbp. Sa madaling salita ay ”pagliligtas” sa mga mahihirap na Pilipino at Inang Kalikasan na ang maylikha ay ang bagong ”presidential adviser” niya.
   
Sana nga’y ”kausapin” siyang muli ng Diyos at bigyan pa siya ng mga payo hinggil sa ikabubuti ng mga Pilipino.
 
(This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)