7,524 guests

Pilipinas vs Amerika: Iba ang may pinagsamahan!

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 436

Hala bira!

MARAMING hindi maka­­­paniwala na darating ang isang Pangulo na papalag sa hindi balanseng relasyon ng mag-bestfriend  na Pilipinas at Amerika.

Sa mahabang panahon, kulang sa kamulatan ang karamihan sa ating mga kababayan kung paano ang tunay na pag-iibigan ng dalawang bansa na mahigit pitong dekada nang may magandang turingan.

Sa pag-upo ni Duterte, nabuksan ang usapan kung tama ang pagtrato ng higanteng Amerika sa bulilit niyang amigo na si Pilipinas.

Sa tingin natin, hindi ganoon kalalim ang galit ni Digong sa Amerika tulad ng mga lumalabas na balita.

Naniniwala tayong gusto lamang niyang iparamdam kay Uncle Sam na itong si Juan dela Cruz na madalas mong tawaging kaibigang masasandigan ay nakakahalata na sa hindi parehas na pakinabang.
   
Parang lovers quarrel lamang ito. Hindi kasi puwedeng one way traffic lamang ang pag-ibig. Kailangang busilak, tapat at pantay ang pagtitinginan.
   
Hindi puwede kay Digong ang sinasabi sa kanta ni Ate Sharon na “mahal kita pero ang mahal mo naman pala ay iba.” Ang mga bansang hindi naman ganoon katapat at mapagmahal tulad ng Pinas ay mas maganda ang pagtrato ng Amerika.
   
“Datnan-panawan” na tayo ng mga bagong Pangulo ng Pilipinas at bagong Pangulo ng Amerika pero kutong-lupa pa rin ang tingin sa atin.
   
Ganito palagi ang nangyayari sa maraming dekada, palit-palit ng Presidente pero hindi naitatama iyong tinatawag na reciprocity of relations.
   
Ang visa requirements sa mga Pinoy na gustong magpunta sa Amerika ay maaaring maliit lamang sa tingin ng iba pero para kay Digong, panlalamang ito ng kaibigan sa kanyang matalik na kaibigan dahil sila, bukas ang pinto at bintana, nakakapasok sa ating bansa nang walang visa requirement. Siga pa nga sila pag-dating dito at special treatment.
   
Ang Pilipinas, kahit anong liit natin ay malaki ang pakinabang sa Amerika. Bilang strategically located, ito ang lugar na kailangan  ng Estados Unidos para hindi malamangan ng kahit sinong bansa na may planong giyerahin sila.
   
Kaya nga nagkaroon sila ng base militar dito sa mahabang panahon. At nang maitaboy nang pagsabog ng Mt. Pinatubo at ng boto ng Senado, nakaisip pa sila ng Visitting Forces Agreement, EDCA at mga mutual military exercises.
   
Masyadong malayo ang Amerika para makaganti agad sa sino mang aaway sa kanila kaya kailangan nila ng military forces sa Asya, lalo na sa  Pilipinas.
   
Hindi natin tatawaran ang ginagawang ito ni Digong na pakikipagmabutihan sa China dahil tanggapin man nila o hindi, isa na sa super power ang mga Tsino sa usapin ng ekonomiya, armas at manpower.
   
At kung mayroon mas tunay na kapitbahay ang Pilipinas na puwede niyang hingian ng ulam at hingian ng saklolo kahit anong oras, abot-kamay lamang ang Tsina kumpara sa Amerika na halos sampung libong milya ang layo.
   
Huwag na natin isali rito ang arbitral ruling na pabor sa atin sa West Philippine Sea or South China Sea. Alam ni Digong na may hawak siyang alas para mas magkaroon ng maayos na relasyon sa Tsina. Alam din ito ng mga Chinese kaya ganoon na lamang ang pagtrato nila kay Digong.
   
Sa harap ng lahat ng ito, hindi natin masasabing pagtataksil ito sa sumpaan at pag-iibigan bagkus ay pagpapa-alala sa Amerika na may karelasyon kang napapabayaan na iyo lamang dinadaan-daanan.
   
Pero sabi nga, iba ang may pinagsamahan. Uma­asa tayo na magkakaayos din ang Amerika at Pilipinas basta’t ang kailangan lamang ay maging kuwentas klaras ang ganansiya sa bawat isa.
   
Marami lang mga miron ngayon na katulad ni Agot Isidro ang masyadong mababaw ang pagtingin sa ginagawa ni Digong na pagsalansan ng ating foreign policy. Hindi nila naiisip na isa lamang itong mapait na gamot na kailangan nating lunukin upang ikagaling ng ating mga karamdaman.
   
Alam ni Pangulong Digong ang kanyang ginagawa at alam kong tayong lahat na mahigit 100 milyong Pinoy ang makikinabang dito kalaunan.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.