5,358 guests

Makati judge ipinasisibak sa SC!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 398

DUMULOG sa Supreme Court (SC) ang isang executive ng steel company para ipasibak ang isang hukom ng Makati Regional Trial Court  dahil sa panghihingi sa kanila ng P15 million para lamang paboran ang kaso laban sa limang malalaking kompanya ng siguro na nabigong magbayad ng insurance claims.

Si Judge Josefino Subia ng Branch 138 ng Makati RTC ay inireklamo sa SC-Office of the Court Administrator ni Abeto Uy, chairman at CEO ng Steel Corporation of the Philippines, na napilitang magbigay ng P7 milyon bilang down payment kapalit ng paborableng desisyon sa kanyang kaso laban sa limang insurance companies.
    
Sa  pitong pahinang complaint-affidavit ni Uy sa SC-OCA noong Hulyo 20, 2016, sinabi nitong hindi  tinupad ni Judge Josefino Subia ang naging kasunduan na mapapaboran siya sa claims sa limang insurance company kaugnay sa damage na natamo ng nasunog nilang steel plant sa Balayan, Batangas noong Disyembre 9, 2009.
    
Kabilang sa mga inirereklamong kompanya ang Philippine Charter Insurance Corporation (Charter Ping An), Asia Insurance Philippines Corporation, Mala­yan Insurance Company Inc., New India Assurance Company Ltd., at MAPFRE Insular Insurance Corporation.
    
Base sa “All Risks” insurance policy ng SCP, nagsumite ito ng insurance claim na aabot ng US$33,882,393, para sa material damage loss at US$8,000,000 para sa business interruption losses na nag-ugat sa pagkasunog ng steel plant ng SCP.
    
Noong Marso  30, 2015 ay isinampa ang kaso at napunta sa sala ni Judge Subia at noong Abril 2015 naghain ng motion to dismiss ang kampo ng mga insurance company sa halip na bayaran ang insurance claims ng SCP.
    
Habang nakabinbin ang kaso, isang Rolando Palad, ng Philsteel Group of Companies na nakatalaga sa Group Risk Management bilang insurance consultant, ang lumapit kay Uy at sinabihan na kaanak ng kanyang maybahay si Judge Subia.  Nag-alok umano ito na idi-deny ang motion to dismiss ng mga insu­rance company kung magbibigay siya ng P15 million.
    
Sa takot ni Uy na mabasura ang kaso, nakipagkasundo siya kay Palad na bayaran ang P15 million, ngunit P7 million muna ang down payment at isusunod na ibigay kay Subia ang kakulangang P8 million.
    
Sinabi pa ni Uy na ibinigay ang P7 million kay Palad sa loob ng kotse na nakaparada sa parking area ng SCP. Ang kotse ay minamaneho ni “Jojo” na pamangkin ni Judge Subia.
    
Tulad ng inasahan, ibinasura ni Subia ang Motion to Dismiss ng insurance companies noong Enero 18, 2016 pero natanggap lang ng abugado ng SCP ang naturang order noong Enero 26.
    
Agad namang naghain ng Motion for Reconsideration and Motion for Inhibition ang mga kompanya ng siguro na muling ibinasura ni Subia noong Marso 21, 2016 pero muling naghain ng MR ang mga insurance companies noong Abril 19.
    
Nagbago ang ihip ng hangin nang magpalabas ng kautusan si Subia noon Abril 26, 2016 na nag-inhibit sa kanyang sarili sa kaso at agad na ipinalipat ang lahat ng record ng kaso sa Office of the Executive Judge para sa re-raffle.
    
Dahil sa masamang pangyayari, nagbitiw si Palad sa SCP sa pamamagitan ng serye ng text messages kay Uy dahil na rin sa pagkapahiya sa nangyaring pagbaligtad ni Judge Subia.
    
“It is apparent from the chain of events and the text messages of Mr. Palad that Judge Subia extorted money from me in exchange for denying the Motion to Dismiss filed by the insurance companies. Judge Subia’s actuation undeniably undermines the people’s faith in the judiciary and should not be allowed to continue to sit as a judge,” paliwanag ni Uy.
    
Matagal na tayong may naririnig na ‘hoodlum in robes.’
    
Hindi ko sinasabing totoo agad ang akusasyong ito laban kay Subia, pero magandang hamon ito sa SC, partikular na sa Office of the Court Administrator, upang patunayan sa taumbayan na ‘intact,’  tunay na may kredibilidad at may integridad pa rin ang Kataastaasang Hukuman para linisin ang kanilang hanay mula sa mga kurakot na hukom.
    
Alalahaning mainit pa rin ang pagpapalitan ng ‘maaanghang na salita’ sa pagitan ng Pangulong Rodrigo Duterte at Chief Justice Maria Lourdes Sereno tungkol sa mga akusasyon sa mga hukom na sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
 
Bukas na halimbawa ang kaso ni Subia ngayon para mapakita nating totoong nililinis ng SC ang buong sangay ng hudikatura.
    
Magiging makatotohanan lamang ito kung papanagutin ang sinumang nagkasala -- hukom man siya o hindi -- lalo’t kung ang nakasalalay ay ang usapin ng korapsiyon na magiging dagdag batik sa Korte Suprema kung magiging mali ang kanilang tugon!