56,698 guests

Palpak na killer target ang lolo, 5-anyos na apo ang dedo

  • Written by Liway C. Manantan-Yparraguirre
  • Published in Provincial
  • Read: 209

MASAYANG naliligo si Danica Mae Garcia, 5, malapit sa kanyang lolo nang bigla na lang sumabog ang kanyang pisngi. Dalawang lalaki na dumating upang patayin ang 53-anyos na matanda ay nagmintis at tinamaan ng bala ang mukha ng bata.

Si Danica ay isang kindergarten pupil sa East Central Integrated School sa Bgy. Mayombo, Dagupan City.
   
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Dagupan City police, ang trahedya ay naganap 12:45 p.m. noong August 23 sa harap ng bahay ng isang nagngangalang Gemma R. Carcia sa Sitio Camangganan.
   
Target umano ng mga suspek ang lolo ni Danica na si Maximo T. Tabayoyong, 53. Ngunit nagmintis ang gunman at tinamaan ang kaliwang pisngi ng bata.
   
Nananghalian si Maximo kasama ang kanyang anak na si Gelly Velasquez, 32, at iba pang mga bata sa harap ng bahay ni Gemma nang dumating ang dalawang lalaki sakay ng itim na motorsiklo. Bumaba ang backrider at binaril si Maximo. Ngunit nagmintis ang killer at tinamaan ng bala si Danica na noon ay naliligo malapit sa kanyang lolo.
   
Tumakas ang dalawang suspek dala ang ginamit na baril habang isinugod si Danica sa Villaflor Hospital kung saan siya binawian ng buhay.
   
Sinabi ng Pangasinan police provincial command na iniimbestigahan na ang insidente.
     
“Ang buong Pangasinan PNP ay nakikiramay sa pagkamatay noong walang kamalay-malay na bata. Ang Dagupan City Police Station ay agad nagsagawa ng investigation, hinihintay natin ang resulta ng kanilang imbestigasyon,” sabi ni Police Supt. Jackie Candelario, deputy provincial director for operation.