LUNGSOD ng Malolos -- Isang relief operation ang isinagawa ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gob. Wilhelmino M. Sy-Alvarado kasama si Mayor James de Jesus para sa mga sinalanta ng buhawi sa bayan ng Calumpit nu’ng Sabado ng gabi.
Katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), namahagi si Alvarado ng relief goods na naglalaman ng bigas, noodles, asukal, kape, gatas at banig sa mga apektadong pamilya.
Ayon sa PSWDO, 41 kabahayan o katumbas ng 93 pamilya mula sa walong barangay ng Balungaw, Frances, San Miguel, Sapang Bayan, Meysulao, Corazon, Gatbuca at Poblacion ang napinsala ng buhawi.
Sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), 37 kabaha-yan ang partially damaged, at apat ang totally damaged.
Ayon kay Felicisima Mungcal, executive officer ng PDRRMO, nasawi dulot ng insidente sina Alberto Tolentino, 59, ng Purok 1, San Miguel, na inatake sa puso bunsod ng takot sa malalakas na hanging dala ng buhawi at Rose Ann Gatdula, 13, ng Bgy. Pungo, na nakuryente mula sa isang electric post.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang pag-iikot ng PDRRMO sa buong lalawigan upang alamin ang epekto ng bagyong “Bebeng.”
May ulat nina Judee Constantino & Alette delos Reyes