MAIPOPOSISYON na sa pamahalaan ang mga natalong kandidato noong May 10, 2010 presidential elections dahil matatapos na ang one-year ban sa kanila.
Ito ang inanunsiyo ng Commission on Elections (Comelec) kasunod nang pagtatapos ng one-year ban sa pagtatalaga ng mga natalong kandidato sa nakaraang halalan sa anumang pwesto sa pamahalaan sa Mayo 11.
“The ban ends on May 11, so those who lost in the elections may already be appointed,” ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento.
Sinabi ni Sarmiento, malinaw na nakasaad sa Section 6, Article 9 ng 1987 Constitution na ang sinumang natalong kandidato sa halalan ay hindi maaaring maitalaga sa anumang posisyon sa gobyerno at government-owned and controlled corporations sa loob ng isang taon matapos ang eleksyon.
Sinabi ni Sarmiento na layunin nito na maiwasan na mapuno ng mga talunang kandidato ang byurukrasya.
Isa si dating Senador Mar Roxas, runningmate ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III, sa mga maugong na mabibigyan ng pwesto sa gobyerno sa sandaling matapos ang ban sa Mayo 11.