NANGUNANG muli ang Lungsod ng Quezon sa pangangalaga sa ating kalikasan dahil sa nasasakop nito ang paaralang kauna-unahang nagkaroon ng “green-designed” campus.
Kapag sinabing “green-designed” ang isang bagay, nangangahulugan lamang na hindi nakakasira sa kalikasan ang pagkakadisenyo nito at ligtas pa sa kalusugan ng tao.
Sa pakikipagtulungan ng Hewlett-Packard (HP) Philippines Corp., muling dinisenyuhan ang campus ng Diliman Preparatory School (DPS) sa Commonwealth Ave., Quezon City, para bukod sa mapaganda ang naturang paaralan ay hindi ito makapagdulot ng peligro sa kalikasan at sa kalusugan ng tao.
“HP is delighted to take part in creating an enriching learning space where students of Diliman Preparatory School can grow and develop their full potential,” ayon pa kay HP Philippines country manager for imaging and printing group Armando Pascual.
Gamit ang HP Latex technology ng mga printer na HP Scitex at Designjet, nakagawa ng magagandang wall papers ang HP na naikabit sa mga pader ng naturang paaralan sa pamamagitan ng tubig.
Madali ring tanggalin ang nasabing wall papers sapagkat tubig lang din ang kailangang gamitin para mabaklas ito sa pader.
Dahil walang dulot na mabahong amoy at nakalalasong kemikal tulad ng mga ordinaryong pinturang ginagamit sa pagpipinta ng mga dingding ng mga paaralan, malaki ang nagagawa nito upang makabawas sa patuloy na pagkasira ng ating kalikasan at sa paglala ng kalagayang pangkalusugan ng mga mag-aaral.
“I like the fact that it only took a day to install the printed media. And because the prints were odorless, we did not have to keep the windows open or wait for a week to be able to use the classroom,” pahayag ni dating senador at ngayon ay DPS CEO Nikki Coseteng.
Inilunsad ang unang “green-designed” campus kamakailan sa naturang paaralan at dinaluhan ito nina Interior Secretary Jesse Robredo at Manila 2nd District Rep. Zenaida Angping.