Mga buwaya sa QC Hall


INIREKLAMO ang modus ng diumano’y isang empleyado ng Land Tranportation Office (LTO),  may alias na “Ampongan.”

Lumalabas na nagmu-moonlight itong si Ampongan bilang pekeng franchise dealer.

Isa sa mga nabiktima niya ay isang businesswoman na inalok niya ng franchise sa mineral water station business sa Quezon City.

Ayon sa biktima ni Ampongan, ang raketer ay humingi ng P425,000 ngunit isang tanke lang ng tubig ang naibigay sa naturang businesswoman.

Matapos magatasan  ang businesswoman, dinidedma na siya nitong pekeng  franchise dealer.

Dahil diyan tinutulungan natin ang biktima na habulin ang hayup na LTO employee na ito.

***

IBINULGAR ang raket ng isang Quezon City building permit official na nanghingi ng kulang P100,000 para ma-facilitate ang application for building permit ng isang contractor sa Novaliches, Quezon City.

Ayon sa kontratista, una’y nagtanong lang siya sa isang building administrator sa kanyang inuupahang office space. At inerekomenda nga itong engineer, alias “Nars” na siyang mahusay na kontak daw sa Quezon City Hall.

Nagkakilala ang kontraktor at si Engr. Nars. At sa madaling salita, sila ay “nagkatawaran” sa presyo o bayad sa pagpa-facilitate at madaling pagkuha ng building permit.

“Tinanong ko kung magkano ang approximate cost para ma-facilitate. Sabi niya P95,000. Nagulat ako at halos presyo na ng isang second hand na kotse ang hinihingi niya.

Nagkatawaran… P85k… P75… at nagkita kami sa P65k, pero lalabas sa resibo na P20k lang na siyang regular fee,” kuwento ng kontraktor.

Lintik din ang pagtatawaran sa “padulas” o lagayan diyan sa Quezon City Hall.

“Gusto ko lang maipila kaagad. Wala akong intensiyon na mandaya sa anumang government duties, obligations, hangad ko lang mapabilis,” paliwanag pa sa akin ng kontraktor.

Ngunit bukod sa P65,000, humingi pa ng P15,000 “additional fee” ang naturang building official dahil may kakulangan sa documentation na kinailangang maihabol.

Wow, ang galing at ang daling kumita nitong si Engineer Nars ng Quezon City building permits department kung totoong taga-roon nga siya.

Anak ng bugaw, magpa-facilitate lang, kulang P100,000 na ang singil.

Tiyak sinasadya nilang ipitin o bagalan ang pagpo-process ng building permit applications diyan para mapilitang maglagay ang mga nagpapatayo o nagre-renovate ng mga buildings.

At siyempre, dahil maraming nag-aalala sa paglilindol at kailangan talagang palakasin ang mga istruktura, lumalakas din ang kita ng mga buwaya diyan sa Quezon City building permits.

Nakakayanig naman kayong mga buwaya diyan sa QC Hall!

****

Kami po nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan.

Inuuga at ginigising namin ang mga tutulug-tulog na awtoridad at nagbibingi-bingihan sa mga problema ng mga maliliit na dapat nilang pagsilbihan.

Huwag mawawalan ng pag-asa. Idulog po ang inyong mga problema sa Erwin Tulfo Action Center sa #163-E Mother Ignacia St. near. EDSA, South Triangle, Quezon City between 1p.m. – 4 p.m. Please contact Leide Anne Obligacion, tel. nos. 545-8579 or 410-7962.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC