MALUGOD po namin kayong inaanyayahan na dumalo sa serye ng “Discover the Beauty of Life” tuwing Miyerkules sa oras na ika-7 ng gabi sa EMI Center – NLEX Valenzuela Exit, Paso de Blas, Valenzuela City. Tumawag sa 4444-777
Ano ang ibig sabihin ng born again? Ang madalas na iniisip ng mga tao ito’y isang bagong relihiyon. Ang born again ay hindi isang relihiyon kundi isang karanasan. Ang wika mismo ng Panginoong Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao’y ipanganak na muli [born again] ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’” (Juan 3:3) At tulad ng maraming tao hindi naunawaan ni Nicodemo ang ibig sabihin nito kung kaya’t tinanong niya si Jesus. “Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya’y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?” (Juan 3:4) At ipinaliwanag ni Jesus kay Nicodemo. “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu.” (Juan 3:5-6)
Mayroong dalawang uri ng kapanganakan, una’y kapanganakang laman o piskal at pangalawa’y kapanganakang espirituwal. Ang ‘Born Again’ ay isang karanasan ng espirituwal na kapanganakan. Ang ipinanganak ng laman ay karanasan piskal at ang ipinanganak ng Espiritu ay karanasang espirituwal. Ang ma-born again ay hindi opsyonal ito’y dapat intensyonal. Ang wika ni Jesus kay Nicodemo, “Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo’y ipanganak na muli.’” (Juan 3:7) Sa wikang Ingles ganito ang nakasulat, “Do not marvel that I said to you, ‘You must be born again.’” Born Again is not optional, it should be intentional. Kailangan ng tao na ma-born again para siya’y makapasok sa Kaharian ng Diyos.
Ang kapanganakang muli o ‘born again’ ay inilarawan ni Jesus katulad ng hangin. Ang wika niya, “Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu.” (Juan 3:8) Sa payak na paliwanag ay sinasabi ng Panginoong Jesus na ang kapanganakang muli ay katulad ng hangin na iyong mararanasan ang ihip at ugong nito ngunit hindi mo lubos na maipapaliwanag ang pinanggalingan at patutunguhan nito.
Sa kapanganakang pisikal kailangan ng dalawang sangkap. Kailangan ng similya ng ama at ng ina sa loob ng sinapupunan ng ina upang maipanganak ang bagong sanggol. Gayundin sa kapanganakang espirituwal, kailangan ng dalawang sangkap. Ang wika ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.”(Juan 3:5) Binanggit ni Jesus ang dalawang sangkap sa kapanganakang muli. Ang una’y ‘tubig’ at ang pangalawa’y ‘Espiritu.’ At dahil ito’y espirituwal na kapanganakan ang ‘tubig’ dito ay hindi literal na tubig kundi espirituwal. Ito ay tumutukoy sa makapaglilinis na Salita ng Diyos. Ang wika ni Pablo, “Iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo.” (Titus 3:5) Ang sabi naman ng Panginoong Jesus sa kanyang mga alagad, “Kayo’y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo.” (Juan 15:3)
Ang Salita ng Diyos at ang Banal na Espiritu kapag nagsama sa puso ng isang tao nagaganap ang kapanganakang muli. Sa tuwing naipapahayag ang Salita ng Diyos [Mabuting Balita] ang Banal na Espiritu ay aktibong gumagawa upang usigin ang tao sa kanyang kasalanan. (Juan 16:8) Sa sandaling magpasya ang tao na sumampalataya sa Mabuting Balita at sa udyok ng Espiritu na magsisi – dito nagaganap ang himala ng kapangnakang muli.
Ang espirituwal na kapanganakan ay kailangan sapagkat ang tao sa kanyang kalagayan bilang makasalanan ay espirituwal na patay (Efeso 2:1). Ang wika ni Jesus, “Kailangang kayo’y ipanganak na muli.” (Juan 3:7) Ang ‘born again’ ay espirituwal na kapanganakan. Nais mo bang ma-born again? Tanggapin mo ang Panginoong Jesus sa iyong puso. Basahin mo ang panalangin na ito at ariing isang personal na panalangin. “Panginoon Jesus, ako po ay makasalanan. Patawarin mo po ako sa aking mga kasalanan at tinatanggap kita sa aking puso bilang Panginoon at sariling Tagapagligtas. Sa pangalan ni Jesus, amen”
* * *
ANG DYARYO EMI ay gawaing paglilingkod ng Emmanuel Ministry Institute. Ugaliin ding makinig sa RADYO EMI sa DWBL 1242 tuwing Linggo, alas-7:30 ng umaga. Dumalo sa Believers’ Conference 2011 – Partnering with God in Growing Our Church. Ika-12 ng Hunyo, alas 4:00 ng hapon sa Patio Queen Sofia, Maysan Road Valenzuela City (Free Admission). Tumawag sa 4444-777 o mag-text sa 0922-8661029. Bisitahin ang www.face book.emi.ph