MULI na namang nadawit sa kontrobersiya ang isa pang anak ni Gng. Magsaysay matapos na masangkot ito sa pagpaslang sa kanilang kapatid na si Ramgen Revilla.
Itinuro ni Glaiza Visda, isa sa mga suspek sa pagpatay kay Ramgen, na kasama ang isa pang kapatid nina Ramon Joseph at Ramona sa planong pagpatay sa kanilang nakatatandang kapatid.
Sa siyam na pahinang affidavit ni Visda, inilahad niya ang naging partisipasyon ni Ragelyn “Gail” Bautista sa krimen.
Kuwento ni Visda, malapit na kaibigan niya si Francis “Kiko” Tolisora, isa sa mga suspek na nakakulong na, at dito niya aniya unang nalaman ang planong pagpatay kay Ramgen.
Dagdag ni Visda, kinuha siya ng isang alyas “Dondon” para patayin si Ramgen sa halagang P250,000.
Si Gail umano ang naging “financier” sa nangyaring krimen.
Minsan din umanong nakita ni Visda ang buntis na kapatid ni Ramgen sa isang gimikan at pinagalitan umano sila kung bakit buhay pa si Ramgen.
Matatandaan na ang mga huling text messages na natanggap ni Ramgen, na narekober ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP), ay sa pagitan ng magkapatid na Ramgen at Gail na pinag-uusapan ang tungkol sa hatian ng allowance.
Ikinagulat naman si Janelle Manahan, nobya ni Ramgen at isa rin sa mga biktima ng krimen, ang takbo ng imbestigasyon.
Sa kanyang official Twitter account, inihayag ni Janelle ang kanyang pagkabigla. “Watching the news… yet again, im so shocked!!! why!!!,” tweet ng dalaga.