NILAGNAT si Mother Lily Monteverde sa gastos ng dalawang filmfest entry niyang Yesterday, Today, Tomorrow at Shake, Rattle & Roll 13.
Eh, sa nag-iisang family drama na YTT, tatlong big scenes ang requirement ni Direk Jun Lana kaya naman natataranta si Mother tuwing maglalabas ng pera.
“May earthquake scene kasi that involves all the characters. Naku, ang ganda-ganda ng scene na ’yon kahit hihimatayin ako sa gastos! Hahaha!” pagmamalaki ni Mother Lily.
Maging sa budget ng Shake, Rattle & Roll 13, nawindang din ang Regal producer.
“Kasi naman, nagpapatalbugan ang mga director ko. Kaya naman parang tatlong movies ang ginagawa namin!
“Eh, si Chris Martinez (director ng Eugene Domingo starrer na Lunod), nagpa-construct talaga ng malaking-malaking swimming pool. Hindi pa nga tapos ang construction, eh, one month na ’yon. ’Yung kotse, ilulubog doon at tapos, hahatiin pa sa gitna! Nakakaloka!
“May elevator pang ilulublob sa tubig at marami pa. Chris wants to do the impossible sa movie niya. Ano ba ’yan?” sambit niya.
Sa Parola episode naman na dinirek ni Jerrold Tarog, isang malaking light house ang kailangang itayo na kailangan sa movie.
Tapos, ang daming special effects dahil labanan ng mga good and bad witch ang episode.
Bida rito si Kathryn Bernardo ng Mara Clara at Sam Concepcion. Nasa cast din sina Louise de los Reyes, Ara Mina, Julia Clarete at Dimples Romana.
Mga bagong konsepto ng halimaw naman ang lalantad sa Tanawoo episode na pinagbibidahan nina Maricar Reyes at Zanjoe Marudo. Mula naman ito sa direksyon ni Richard Sommes.
Pero naniniwala ba siyang hindi suwerte ang number 13?
“My lucky number is 13!” deklara ni Mother Lily.
* * *
NAITSAPUWERA na pala si German Moreno sa mundo ni Nora Aunor ngayon. Nabalewalang lahat ang hirap niya nu’ng bumalik ng bansa ang superstar.
Wala nang alam si Kuya Germs sa nangyayari kay Ate Guy. Hindi kagaya nu’ng nagkakaproblema sa superstar sa taping ng kanyang TV series sa TV5, ang Walang Tulugan host ang takbuhan ng staff.
Kaya naman ’pag natatanong si Kuya Germs tungkol kay Nora, hindi na lang siya nagsasalita.
“Basta, may pagbabagong magaganap,” matipid na sagot ni Kuya Germs.
* * *
GUSTONG tularan ng tween star na si Derrick Monasterio ang career path ni Jake Cuenca kung sakaling dumating na ang tamang edad niya upang magpaseksi.
Handa rin daw siyang ipakita ang bukol na ipinagmamalaki niya.
’Yun nga lang, pagdating sa girls, meron siyang respeto sa mga ito lalo na sa kinagigiliwan niya ngayong si Sarah Lahbati. Eh, pagdating kasi sa pagmamahal, ibang klase rin daw siya.
“Kasi ako, ’pag nagmahal nang sobra, ’pag sineryoso ko talaga, ah… gusto ko ’yung pagmamahal na may guidance ni Lord. ’Yung tipong ’pag mag-on kami, every Sunday, magsisimba kami,” rason ni Derrick nang makausap namin sa presscon ng The Road.
No touch muna?
“Naniniwala po ako sa kasabihan na ang touch, pagkatapos lang ng kasal! Owww?” katwiran ng tween actor.
Sa November 30 na pala ang showing ng Yam Laranas movie at sa November 25 ang premiere night nito sa SM Megamall.