Bruno Mars' PH concert sold-out

 

HUMIGIT-KUMULANG 200 katao ang dumayo kamakailan sa SM City Cebu para sa final leg ng auditions ng search for the Kitchen Superstar, ang bagong reality cooking show na magsisimulang umere sa Kapuso Network sa Abril.

Ang actor-restaurateur na si Marvin Agustin ang napiling mag-host ng nasabing programa, kung saan 21 non-professional cook-contestants ang magtatagisan ng galing sa pagluluto para sa P1- million cash prize at iba’t iba pang package mula sa mga sponsor.

Mula sa 200, tatlo lamang ang papalaring lumipad pa-Maynila para mag-compete sa show proper.

Isa sa mga inabot naming nag-audition ay ang 21-year-old na si Erwin Nepomuceno mula sa Pagadian City.

Nursing graduate si Erwin sa Medina College, pangalawa sa tatlong magkakapatid at nag-iisang lalaki.

Ayon sa kanya, passion talaga niya ang pagluluto at mula elementary, nakahiligan na ito dahil parehong busy ang mga magulang sa paghahanapbuhay.

Kuwento niya, siya ang nangungusina sa kanilang magkakapatid tuwing wala ang mga magulang at ang paborito niyang lutuin ay mga lutong bahay tulad ng pinakbet, chopseuy, atbp.

Mahilig din daw siyang mag-eksperimento pagdating sa pagluluto. Katunayan, nu’ng magpasya siyang sumubok sa Kitchen Superstar audition, wala raw siyang kadala-dalang ingredient dahil hindi alam na kailangang may sample para sa taste-test portion.

Kaya ang nangyari, dali-dali siyang namili sa mismong grocery ng mall, dinala at niluto iyon sa bahay ng tiyang taga-Cebu.

Ang napagtripang lutuin ni Erwin? Tofu steak na hinaluan ng iba’t ibang gulay.

Pasok naman sa panlasa ng screening committee ang inimbentong putahe ng binata dahil nakapasok siya sa sumunod na elimination round.

Gaya ni Erwin, marami pang nagbakasakali na pumasok sa auditions na isinagawa sa iba’t iba pang panig ng bansa gaya ng NCR, Pampanga, Pangasinan, Iloilo, Davao at Naga.

Sey ng program manager na si Karen Lumbo, isang season tatakbo sa ere ang Kitchen Superstar at bukod sa P1 million na premyo (tax-free), magkakaroon din ng pagkakataon ang amateur cook-contestants na mabigyan ng one-on-one tutorials sa basic plating at iba pang skills na karaniwan lamang itinuturo sa mga culinary school.

Ang panel of judges ay bubuuin ng pinaghalong carinderia cook, turo-turo customers, professional chefs at celebrities.

Isang cook-contestant ang mae-eliminate kada linggo habang ang ibang matitira ay maglalaban-laban sa tinatawag na Mega Showdown, Prize Showdown at Elimination Showdown.

Sa interview kay Marvin, sinabi nito na ang primary goal ng show ay magbigay pag-asa sa mga ordinaryong tao na mahilig magluto na matupad ang pangarap na makapagpatayo ng maliit na negosyo.

Ibinigay pa niyang ehemplo ang sarili na dahil sa pagpupursige at pagsisikap ay lumawak ang kaalaman sa food business.

Matatandaang nagsimula ang actor sa maliit na kiosk ng Ricecapades, rice toppings sa kahabaan ng West Ave., QC, at ngayo’y may ilan nang restaurant gaya ng Sumo Sam at Oyster Boy, to name a few.   

* * *

SPEAKING of Marvin, by this time ay hilong-talilong na ang first-time producer sa nalalapit na concert ng hottest Fil-Am international sensation na si Bruno Mars sa bansa.

Ngayong Abril nakatakdang mag-concert ang singer sa likod ng mga sikat na kantang Just the Way You Are, Grenade, Nothing on You, atbp., kaya aligaga si Marvin sa pag-aayos ng iba pang mahahalagang detalye.

As we write, ang balita nami’y soldout na ang Araneta Coliseum at Cebu shows nito.

Hindi pa man natatapos sa Bruno Mars project, naghahanda na rin ang grupo ni Marvin, sa ilalim ng kanyang Futuretainment, para sa susunod nilang proyekto, ang Maroon 5 concert.

Sa May 23 gaganapin ang Maroon 5 show sa SMX Mall of Asia.

Ang Maroon 5 ang grupong nagpasikat sa mga awiting This Love, She Will be Loved, Won’t Go Home Without You at marami pang iba.

At dahil graduation season ngayon, may graduation season promo na inaalok ang Futuretainment, 10 percent discount sa Maroon 5 concert tickets hanggang March 25.

Maaari itong i-avail sa SM Tickets at Ticketworld outlets.

Para naman sa reservations, tumawag sa SM Tickets at Ticketworld (0917-5555415, 0917-5555475 o 577-3265, 586-7275 at 0917-6234011.                IFF

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC