PATULOY na tutugunan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga pangangailangan ng mga bagong tatag at maliliit na kooperatiba sa buong lalawigan.
Ito ang pahayag ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto matapos bumisita sa Samahang Damayan sa Matabungkay Multi-Purpose Cooperative sa Lian at personal na makipagpulong sa mga kasapi at opisyal nito.
Ang Samahang Damayan sa Matabungkay MPC ay isa sa mga halimbawa ng mga nagsisimulang kooperatiba sa lalawigan na karaniwang binubuo ng mga miyembro ng pamayanan o barangay na seryosong pinili ang koop bilang pangunahing programang pangkabuhayan.
Sa masusing pagtutok at paggabay ng Provincial Cooperative Development Office sa ilalim ni PCDO chief Celia Atienza, napagkalooban ang mga kasapi ng Samahang Damayan ng kaalamang teknikal at administratibo sa pagpapatakbo ng kooperatiba, kabilang dito ang pagbibigay ng pinansiyal na tulong para sa pagsisimula nito.
“Ang pagpapalago ng isang negosyo ay hindi overnight o dalasan. Kailangang ito ay may hakbang upang malinaw kung saan tutungo ang inyong kooperatiba,” sabi ng gobernadora.
Hinikayat din niya ang mga ito na sumailalim sa mga pagsasanay ng pagpapatakbo ng kooperatiba na handog ng PCDO upang mapalakas ang kanilang kaalaman at madali na silang mapahiram ng kaukulang tulong pinansiyal.