Kakaba-kaba dahil sa LAL


KAGAYA ng mga taga-Bureau of Internal Revenue (BIR), lagi ring kakaba-kaba ang mga  opisyal at kawani ng Bureau Of Customs (BOC).

Sila lang ang mga lingkod-bayan na pwedeng matanggal sa serbisyo kung hindi nila maabot ang  nakaatang sa kanilang   collection target.

Ito ay alinsunod sa Lateral Attrition Law (LAL)na sinasabi ng Bureau Of Customs Employees Association (BOCEA) na naglalaman ng ilang “unconstitutional features.”

Ayon sa mga militanteng kawani ng BIR at BOC, ang LAL ay prejudicial sa security of tenure ng mga permanente at regular na empleyado ng gobyerno. Ang oposisyon ng BOCEA ay nakabinbin ngayon sa Korte Suprema.

Kaya nga nagbigay ng babala ang BOCEA na ‘di sila mangingiming kasuhan sa Ombudsman ang mga opisyal na magpapatupad ng LAL habang ‘di pa nakapag-dedesisyon ang korte sa kanilang petisyon.

Dapat ay magdahan-dahan sina Commissioner Ruffy Biazon at kanyang mga alipores sa pagpapatupad ng LAL. Mas mabuti pa siguro na mag-concentrate na lang muna sila sa paglaban sa ismagling at pagpapa-angat ng koleksyon.

Ilang linggo na lang kasi ay matatapos na ang taon. Ang importante ngayon ay ituon ang pansin ng mga kawani sa trabaho at hindi sa pag-iisip na baka sila’y matanggal dahil sa LAL. Isa pa, taga-kolekta lang sila ng buwis. Ang laki ng koleksyon ay depende sa volume ng importasyon.

Kung wala o kakaunti ang dumating na importasyon ay walang magagawa ang mga taga-BOC, lalo ngayon na nasa wait-and-see attitude ang mga importer at broker. Hindi pa kasi nila alam ang mga patakaran na gustong pairalin ni Biazon sa aduana.

Sana bigyan ni Biazon ang mga empleyado ng kaunting panahon para ipakita ang kani-kanilang kakayahan. Baka kasi madamay pa siya (Biazon) kapag pumalpak ang kanyang mga tauhan dahil sa tinatawag na command responsibility.

Tama ba, Sec. Purisima?

* * *

Panahon na para baguhin ng Kongreso ang kasalukuyang Firearms Law.

Nakakaalarma na ang mga nababasa sa mga dyaryo na patayan at nakawan na nangyayari sa iba’t-ibang parte ng bansa na kung saan baril ang madalas na gamitin ng mga kriminal. Nangyayari ang mga ito dahil sa dami ng mga hindi lisensiyadong baril na nasa kamay ng mga masasamang tao.

Kaya nga tama si PNP chief, Director-General Nicanor Bartolome na gawing non-bailable offense ang mga mahuhulihan ng unlicensed firearms. Ang nangyayari kasi ay nakalalabas rin ang mga kriminal na nahuhulihan ng hindi lisensiyadong baril dahil pwede silang magpiyansa. Nakapambibiktima tuloy muli sila paglabas ng kulungan.

Pero kapag pinabigat ang parusa ng mga mahuhulihan ng loose firearms at malalakas na kalibre ng baril ay maaari na ring mabuwag ang mga private army ng mga political warlord at jueteng lord.

Hindi lang ‘yan. Baka mabawasan rin ang patayan at dayaan sa panahon ng halalan kung maghihigpit ang gobyerno sa pagmamay-ari ng baril.

Ano sa palagay niyo?

* * *

MGA REKLAMO AT REAKSIYON

Talagang kaawa-awa  kaming magsasaka. Grabe ang inabot naming hirap dulot ng mga bagyong Pedring at Quiel. Ngayon naman ay pinagsasamantalahan pa ng mga ganid na namimili ng palay sa halagang P9 o P10 bawat kilo, samantalang sabi ng gobyerno dapat ay P17. Hulihin sana nila ang mga mapagsamantala.-- CC ng Manila.

Kahit anong bana’ kay Abad, dedma lang ito kasi utos ni P-Noy. Kitang-kita ang pagiging bengatibo nila --ANNALOU SAMONTE ng San Ildefonso, Bulacan.

Kung mang-ipit ng pork barrel ng mga taga-oposisyon si Sec. Abad, akala mo sa bulsa niya manggagaling ang pera. Ano ba sila, naghahanda na para sa 2013 election? Baka akala nila kaya nilang sirain sa kanilang mga constituents ang mga taga-oposisyon --LISERIO MANLAPIG ng Camarine Norte.

Salamat sa text nina RIC CABUSAO ng Manila, ANDY LIM ng Pasig, ELEANOR FLORESCO ng Parañaque, ERNIE JIMENEZ ng Mandaluyong, BABY TOLENTINO ng Cavite, KRIS YUMUL ng Muntinlupa, GERRY  LUPIG ng Manila at MARICEL SANTOS ng QC.

Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0915-9462777/email: This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. . Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC