Iwa, Jackie rushed to the hospital

 

Dalawang Kapuso stars ang isinugod sa ospital, sina Iwa Moto at Jackie Rice.

Si Iwa ay nagkasugat sa braso at kaliwang tuhod habang si Jackie Rice, nabalian ng daliri sa paa.

Nag-away kasi sina Iwa at non-showbiz boyfriend nito sa compound mismo ng GMA7 habang nagte-taping ang sexy actress ng Ander de Saya, ang bagong sitcom nina Cesar Montano at Iza Calzado.

Ayon sa tsika ng mga nakasaksi sa pag-aaway nina Iwa at ng BF nito, dumating ang dyowa ni Iwa sa taping at nag-usap ang dalawa. Nang bigla raw nagsisigaw si Iwa habang hinahabol ang boyfriend na  dala-dala ang cellphone niya.

Sa kahahabol ni Iwa sa boyfriend, nadapa ito kaya nasugatan ang tuhod.

Ang napagdiskitahan daw ng aktres ay ang kotse ng BF kaya pinagbabayo umano ni Iwa ng kanyang braso ang salamin ng kotse na naging sanhi ng pagkasugat din nito.

Dinala sa ospital si Iwa para bigyan ng agad na lunas sa mga sugat na tinamo.        Ang tsikang nakarating sa amin, matagal na palang hiwalay itong si Iwa sa non-showbiz boyfriend, pero inilihim lang ng aktres alang-alang daw sa anak ng naturang guy.

Napamahal na raw kasi si Iwa sa anak ng BF pero ngayon, desidido na si Iwa na tuluyang makipagkalas sa boyfriend at balak niyang ipa-blotter para hindi na makalapit sa kanya ulit.

Lumipat na rin daw kasi ng tirahan si Iwa, pero patuloy pa rin siyang pinupuntahan ng non-showbiz boyfriend para guluhin.

*  *  *

Naaksidente naman si Jackie Rice sa taping din ng kanyang TV series last Tuesday.

Nadala raw ang mestisang  young actress sa madramang eksena nila ni Dominic Roco kung saan nag-aaway sila. Napalakas daw ang sipa ni Jackie sa silya na naging dahilan ng pagkabali ng isang daliri niya sa paa.

Dahil sa aksidente, natigil ang taping at  isinugod sa ospital si Jackie.   

Ngayon ay nakasemento ang kanang paa ni Jackie kaya hindi muna ito makapagte-taping. Sabi kasi ng doktor na tumingin kay Jackie, mga anim na buwan pa bago tuluyang gumaling ang nabaling daliri sa paa ng young actress

Dahil dito, pinag-uusapan ng production staff ng TV series kung paano nila maipagpapatuloy ang taping nang wala sa eksena si si Jackie.            

*  *  *

Masasabing masuwerte si Roxanne Barcelo matapos umalis sa poder ng dati niyang manager at magpa-manage ngayon kay Joe Barrameda.

Nagkasunud-sunod kasi ngayon ang projects ng seksi at morenang TV host/actress. Nakasama siya sa international movie ni Jacky Woo kung saan isa siya sa tatlong leading ladies ng Japanese actor. At tutulungan din siya ni Jacky na buhayin ang kanyang singing career.

Nakita raw kasi ni Jacky kay Roxanne ang talento nito para maging sikat na actress-singer.    

Nagpapasalamat din si Roxanne sa bago niyang manager na si Joebar dahil  kasama na rin siya sa TV series ni Marian Rivera na Amaya sa GMA7.

*  *  *

Ikinagulat ng showbiz writers at editors, na  mga naimbitahan sa launching ng Fards Chicken Inasal restaurant-cum-birthday celebration ng naturang resto/owner/talent manager/recording producer na si Lito de Guzman nang marinig nila ang WonderGays sa pagkanta ng kanilang carrier single na may titulong Blind Item.   

Anyway, sa naturang okasyon ay dumating din ang StarStruck na sina Diva Monteliba, Prince Stefano at Rich Asuncion para batiin at kantahan ang controversial talent manager na si Lito.

Pagkatapos kumanta ni Rich, tsinika namin ito bago umalis tungkol sa real score sa kanila ni Aljur Abrenica.

“Never kong naging boyfriend si Aljur. Never naging kami,” walang kagatul-gatol na pahayag ni Rich, na lalong sumeksi at tumangkad.

‘Yun daw sinabi niyang boyfriend noon ay non-showbiz  na kaklase niya dati sa Bohol.

Naging isyu lang daw ‘yung sa kanila ni Aljur nang magkasama sila sa StarStruck na nagkaroon pa ng intriga sa kanila ni Kris Bernal at pinag-away sila ng fans.

Magkaibigan lang daw sila ni Aljur pero inamin ni Rich na minsan ay lumalabas sila, pero kasama ang iba pa nilang friends.

Naka-focus daw siya ngayon sa kanyang showbiz career at desidido na raw siyang tapusin ang kanyang pag-aaral.

Sa susunod na school year, second year college na siya sa UP sa kursong Tourism at balak niyang magpatayo ng resort sa Bohol.

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC