DEAR Chief Acosta,
Gusto ko po sanang isangguni sa inyo ang aming sitwasyon sa agency kung saan kami nagtatrabaho. Kami po ay limang taon nang contractual employees bilang merchandisers. Sinabihan po kami ng aming agency na ililipat na kami sa mismong distributor ng kumpanyang aming hinahawakan. Nais po naming malaman kung mayroon po kaming makukuha mula sa dati naming kumpanya.
PJ
Dear PJ,
Ayon po sa inyong mga nabanggit, nais po naming sabihin na ang mga sumusunod ay ang mga karapatan ng mga contractual employees ayon sa Implementing Rules and Regulations of the Labor Code, as amended (Department Order No. 18-02, series of 2002):
“Section 8. Rights of Contractual Employees. -- Consistent with Section 7 of these Rules, the contractual employee shall be entitled to all the rights and privileges due a regular employee as provided for in the Labor Code, as amended, to include the following:
(a) Safe and healthful working conditions;
(b) Labor standards such as service incentive leave, rest days, overtime pay, holiday pay, 13th month pay and separation pay;
(c) Social security and welfare benefits;
(d) Self-organization, collective bargaining and peaceful concerted action; and
(e) Security of tenure.
Bukod pa po sa mga nabanggit na karapatan ninyo, karaniwan po sa mga empleyado ng employment agency ay kinukunan ng pondo o “cash bond” kung tawagin. Kapag ang inyong serbisyo ay naputol, ang naturang cash bond ay kinakailangang ibalik muli sa inyo, maliban na lamang kung kayo ay may mga utang o advances mula sa inyong agency. Sa ganitong pagkakataon, kung ang inyong cash bond ay sobra sa inyong pagkakautang, ang kalabisan po ay kinakailangang maibalik sa inyo.
Dagdag pa rito, nais po naming linawin na sa isang contract of employment, ang karapatan ng mga manggagawa ay karaniwang nakabatay sa kung ano ang nilalaman ng kontrata. Ito ay sa kadahilanang ang kontrata ang siyang batas na gagabay sa inyong relasyon alinsunod sa prinsipyo na “the obligations arising from the agreement between the employer and the employee have the force of law between them and should be complied with in good faith.” (Alberto Oxales vs. United Laboratories, Inc., G.R. No. 152991, July 21, 2008)
Nawa ay malinaw naming nasagot ang inyong mga katanungan. Gayunpaman, binibigyang-linaw po namin na ang mga payong nakasaad sa liham na ito ay base lamang sa mga impormasyong nilalaman ng inyong liham. Maaaring may ibang legal na opinyon na mas angkop dito kung may mga importanteng detalye na hindi ninyo nabanggit sa inyong liham. Mas makabubuting kayo ay personal na sumangguni sa isang abogado upang mas malinaw ninyong mailahad ang inyong sitwasyon nang sa gayon ay mapayuhan kayo ng mga hakbang na nararapat ninyong gawin.
Ang inyong lingkod-bayan,
PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan
Paunawa: Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng “legal advice,” court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury.
Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.
Manood ng “Public Atorni” tuwing Huwebes ng gabi, sa TV5, pagkatapos ng “Aksyon Journalismo.”
Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.