MALAPIT na ang ending ng Imortal. Pero tiniyak ng team ng Imortal at ABS-CBN na tatatak sa kasaysayan ng telebisyon ang kanilang pagwawakas. Dapat din daw tutukan ang huling tatlong linggo nito sa ere.
Mahigit kalahating taon ring pinaliyab ng Angel Locsin-John Lloyd Cruz series ang primetime viewing sa pamamagitan ng matitinding dramatic scenes, makapigil-hiningang action moves mula sa mga cast nito at mga ’di inaasahang twists sa kuwento.
Sa pagtapak nito sa mga huling tagpo ng serye, mas sisidhi ang drama, mas mapangahas ang aksyon na matutunghayan at mas makapangyarihang kuwento ang sasalubungin ng lahat.
Isang kakaibang ending ang mapapanood ng mga taga-subaybay ng Imortal. Ang mga kilalang direktor ng nasabing serye na sina Richard Somes, Jerry Sineneng at action director na si Lester Pimentel ay siniguradong hindi ang “usual” na pagwawakas ang matutunghayan ng kanilang masugid na manonood.
Samantala, ipinahayag ng bidang si John Lloyd sa isang panayam na ang pagiging bahagi niya ng Imortal ay nagsilbing isang journey para sa kanya.
“Nu’ng mag-uumpisa pa lang, naisip ko, naku ngayon lang ako papasok sa ganitong genre. I said yes to this project because I feel that it’s a way of giving back to my audience,” pahayag ng aktor. Dagdag pa nito, “My role in Imortal is very memorable. Ngayon lang ako nag-leather jacket sa Maynila. Ha-ha-ha!”
Blessing din para kay Angel ang maging bahagi ng Imortal. “Blessing po talaga ang maging bahagi ng ganitong klaseng proyekto. Nalulungkot ako siyempre sa pagtatapos pero lahat kami ay masaya sa tagumpay na nakamit ng show. Lubos po ang pasasalamat ko sa lahat ng tumutok sa kwento, salamat po,” ani ni Angel.
Laging napapasama sa top five most watched programs nationwide ayon sa Kantar Media/TNS simula pa noong umere ito, dinala ng Imortal ang entertainment sa mas mataas na lebel sa paghatid nito sa mga manonood ng isang website (http://imortal.abs-cbn.com) na tampok ang webisodes ng Imortal, ang Anino’t Panaginip na naglalahad ng mga tagong kabanata ng serye.
Tampok rin sa website ang online game na “Pangil” at ang art contest na pinamagatang “Likhang Imortal.” Sa kasalukuyan, lagpas 12 million hits na ang nasabing website at patuloy pa na dumarami.
Ang mga huling tagpo sa Imortal ay iikot sa laban ni Lia (Angel) at Mateo (John Lloyd) para mapanatiling ligtas ang kanilang pagmamahalan.
Sa panunumbalik ng mga alaala ni Lia ng pag-mamahalan nila ni Mateo, magkakaintindihan at magkakapatawaran ang dalawa. Hindi magtatagal ay ikakasal sila at kalakip ng tagumpay ng kanilang pag-mamahalan ay ang nais nilang kapayapaan sa pagitan ng kanilang mga lahi.
Sa pag-aakalang maayos na ang lahat, isang bagong propesiya ang uusbong na magiging balakid sa kapayapaang hinahangaan ng dalawa. Paano kaka-labanin ni Lia at ni Mateo ang kasamaan?
Ano kaya itong bagong propesiya na nagbabantang sisira ng katahimikan sa kanilang buhay?
Ang Imortal ay napapanood Lunes hanggang Biyer-nes pagkatapos ng Mara Clara sa ABS-CBN Primetime Bida.
* * *
PAKI ito sa amin ng kaibigang Ador Saluta.
Sixteen beautiful ladies representing 16 barangays of Marikina ang naglaban-laban for Miss Talent kahapon (April 9, 4 p.m.) sa SM Marikina.
Ia-announce ang mananalong Ms. Talent sa coronation night ng Miss Marikina sa April 14, 7 p.m. sa Teatro Marikina.
Ang Miss Marikina pageant ay ginaganap kaugnay ng selebrasyon para sa 381st founding ng Marikina City tuwing Abril.