Binuntis ng bgy chairman humihingi ng payo


KGG. na Atty. Acosta,

Nais ko sanang humingi ng tulong tungkol sa aking sitwasyon. Nabuntis kasi ako ng aking kasintahan na may asawa na.  Pinaniwala niya ako na pananagutan niya ang aming magiging anak.  Sa kasamaang palad, hindi ko na siya mahagilap ngayon. Gusto ko lang malaman kung may karapatan akong maghabol sa kanya. Gusto ko sanang suportahan niya ako sa aking pagbubuntis at suportahan niya ang bata hanggang sa paglaki nito.

Isa pa, ang ama ng dinadala ko ay ang kapitan ng aming barangay. Sana po ay matulungan niyo ako sa aking suliranin.

Lubos na gumagalang,


Jinky


Dear Jinky,

Ayon sa Artikulo 195 ng Family Code of the Philippines, ang mga sumusunod ang may obligasyong magbigay ng suporta sa isa’t isa:

“(1) The spouses;

(2) Legitimate ascendants and descendants;

(3) Parents and their legitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter;

(4) Parents and their illegitimate children and the legitimate and illegitimate children of the latter; and

(5) Legitimate brothers and sisters, whether of full or half-blood.”

Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, maaari lamang kayong makahingi ng suportang pinansyal sa ama ng inyong dinadala kung kayo ang legal niyang asawa.  Sa kasamaang palad, nabanggit ninyo sa inyong liham na may asawang iba ang inyong kasintahan.  Samakatuwid, hindi siya obligadong suportahan kayo.

Tungkol naman sa balak ninyong paghingi ng suportang pinansyal para sa inyong magiging anak, nakasaad din sa nabanggit na batas na maaaring makahingi ang anak ng suporta sa kanyang magulang kahit na siya ay isang anak sa labas.

Sa kaso ng Benhur Nepomuceno v. Arhbencel Ann Lopez, (G.R. No.  181258, March 18, 2010), sinabi ng ating Korte Suprema na ang karapatang humingi ng suporta ay nakasalalay sa pagpapatunay ng ugnayan o filiation ng bata at ng kanyang ama. Ang mga sumusunod na batas ang maaaring gamitin upang mapatunayan ninyo ang filiation ng inyong anak at ng ama nito:

“Art. 175. Illegitimate children may establish their illegitimate filiation in the same way and on the same evidence as legitimate children.”

x x x x

“Art. 172. The filiation of legitimate children is established by any of the following:

(1) The record of birth appearing in the civil register or a final judgment; or

(2) An admission of legitimate filiation in a public document or a private handwritten instrument and signed by the parent concerned.

In the absence of the foregoing evidence, the legitimate filiation shall be proved by:

(1) The open and continuous possession of the status of a legitimate child; or

(2) Any other means allowed by the Rules of Court and special laws.”

Samakatuwid, marapat na ang inyong anak ay kilalanin ng kanyang ama sa pamamagitan ng isang pampublikong dokumento tulad ng paglagda nito sa kanyang birth certificate o sa isang pribadong liham na sulat kamay nito kasama ng kanyang lagda kung saan nakasaad na inaako nito ang kanyang pagiging ama sa inyong anak, upang magkaroon ng karapatan ang inyong anak na mabigyan ng suporta.

Kung sakali na bigo kayo o ayaw ng ama nito na kilalanin ang inyong anak, maaaring kayo, bilang kinatawan ng inyong anak, magsampa ng Petition for Compulsory Recognition and Support laban sa ama nito upang mapatunayan ninyo ang filiation ng mag-ama sa mga batayang nabanggit na. Maaari rin kayong gumamit ng DNA testing upang mapatunayan ang pagiging mag-ama nila.  Kapag napatunayan na ninyo ang kanilang ugnayan, maaari nang  puwersahin ng hukuman na kilalanin at suportahan ng inyong kasintahan ang inyong anak.

Samantala, nabanggit din ninyo sa inyong liham na ang ama ng inyong dinadala ay isang kapitan ng barangay. Dahil dito, maaari rin kayong maghain ng reklamong administratibo laban sa kanya.  Ito ay maaari ninyong magawa sa pamamagitan ng paghahain ng kaukulang reklamo sa sangguniang panlungsod o sangguniang bayan ng inyong lugar.    Nawa ay malinaw naming nasagot ang inyong mga katanungan. Gayunpaman, binibigyang-linaw po namin na ang mga payong nakasaad sa liham na ito ay base lamang sa mga impormasyong nilalaman ng inyong liham. Maaaring may ibang legal na opinyon na mas angkop dito kung may mga importanteng detalye na hindi ninyo nabanggit. Mas makabubuting kayo ay personal na sumangguni sa  isang abogado upang mas malinaw ninyong mailahad ang inyong sitwasyon nang sa gayon ay mapayuhan kayo ng mga hakbang na nararapat ninyong gawin.


Ang inyo pong lingkod-bayan,


PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA
Punong Manananggol Pambayan

Loading Google Custom Search...
Buy and Sell Philippines : Sulit.com.ph
Your Ad Here
Hosting Powered by: I-MAP WEBSOLUTIONS, INC