KAPAG muling tumaas ang toll fee sa mga expressway ay siguradong magkakaroon ito ng chain reaction. Hihingi ng dagdag pasahe ang mga pampublikong sasakyan, kabilang na ang mga delivery truck, lalo na ang mga nagdadala ng mga produktong agrikultura sa Metro Manila na gumagamit ng expressway.
At kapag tumaas ang singil ng mga delivery truck ay itataas naman ng mga negosyante ang presyo ng bigas, gulay, prutas na kanilang dinadala sa Metro Manila at iba pang lugar.
Kaya naman kahit sinabi na ng Toll Regulatory Board sa pamamagitan ni Julius Corpuz, spokesperson ng nasabing tanggapan, na walang mangyayaring toll hike hanggang matapos ang 2011 ay kinakabahan pa rin ang taumbayan.
Kamakailan kasi ay hiningi sa TRB ng pamunuan ng SCTEX, Manila-Cavite Toll Expressway project at Southern Tagalog Arterial Road na itaas ang bayad sa paggamit sa tatlong highways na ito.
May mga nagmumungkahi nga na i-televise ang nasabing public hearing para sa kapakanan ng riding public. Mukha kasing laging “hokus-pokus” ang nagaganap na public hearing.
Mas mabuti siguro na ngayon pa lang ay ilahad na nina Pangulong Noy-noy Aquino at DOTC Sec. Mar Roxas kung pabor sila sa hinihinging toll hike.
Ngayon dapat patunayan ni P-Noy ang lagi niyang sinasabing “kayo ang boss ko.”Alam naman niyang magiging mainit ang kampanya para sa darating na May 2013 local at senatorial elections.
Siya rin baka pagdating ng eleksiyon ay sa kangkungan pulutin ang mga kandidatong isasabong ng administrasyon.
Walang duda na malakas ang hatak nila ngayon sa masa, pero huwag silang pakasiguro dahil kapag kumalam na ang sikmura ng ating mga kababayan ay baka mabilis pa sa alas-kuwatrong talikuran sila ng mga ito.
Ang nakalulungkot kasi, sa tuwing hahatsing ang mga negosyante ay walang ginagawa ang mga otoridad kundi dagukan naman si Juan dela Cruz.
Damang-dama ng taumbayan na kahit kailan ay hindi man lang nanaig ang sentimiyento ng mamamayan laban sa mga mapagsamantalang negosyante.
Kitang-kita ’yan sa patuloy na pagtaas na presyo ng lagis at iba pang produktong petrolyo.
Marami ngang nagsasabi na ito na yata ang pinakamahirap na inabot ng ating bayan.
Hindi naman kasi maramdaman ng mga ordinaryong mamamayan ang sinasabi ng pamahalaan na gumaganda ang takbo ng ating ekonomiya.
Ang alam nila, kahig na sila nang kahig ay wala pang matuka. Kaya nga, Pangulong Aquino, ipakita mo naman ang pagkalinga sa taumbayan, lalo na sa mahihirap.Tapusin mo na ang mga katarantaduhan diyan sa TRB.
Ang pakiramdam ng taumabayan, mahabang panahon nang ibinebenta ng mga ilang opisyal ng naturang ahensiya ang kapakanan ng mamamayan para sa sarilin nilang interes.
Ilang beses na nga ba namang pinaikot ng TRB ang taumbayan?
Nagtatanong lang po!
***
Binabati natin ang bayan ng Bacoor, Cavite, sa pangunguna ng Bacoor Municipal Sports Council (BMSC) na tinanghal na overall champion sa katatapos na Provincial Sports Meet.
Tinalo ng mga taga-Bacoor ang mga atletang galing sa iba’t- ibang bayan ng Cavite.
Well, ipinakita ng mga batang taga-Bacoor na hindi lang sila magaling sa klase. Number one din pala sila sa larangan ng palakasan. Kaya naman saludo kami sa mga teachers, estudyante at Bacoor Municipal Sports Council.
Congratulations din kay Mayor Strike Revilla, PHD.
Siya ang recipient ng 2011 Outstanding Letran Alumnus Professional Award. Iginawad sa kanya ang prestigious award dahil sa kanyang “exemplary meritorious contributions in the filed of government service.”
Muli, congrats, Mayor Revilla at Bacoor Municipal Sports Council!
MGA REKLAMO AT REAKSIYON
Mayor Lim, sana naman ay magawan ng paraan na mailipat o matanggal ang mga nagtitinda sa kanto ng Simoun at Kundiman. Napakasikip na nga ng kalsada ay ginagawa pang tindahan -- CC ng Manila.
Sa ginawang pambabastos ni De Lima sa SC, patunay na ang P-Noy administration ay walang gagawin kundi maghiganti -- REY GONZALES ng Manila.
Masamang ehemplo sa mata at kaisipan ng kapwa Pilipino ang hindi pagsunod ni Sec. De Lima sa SC. Masama ’Yan! Baka tularan ’yan at ’di sumunod ang mga tao sa gobyernong walang malasakit at awa sa tao -- DENNIS RIVERA ng Pasig.
Salamat sa text nina ROMY E ng Parañaque, RIC CABUSAO ng Manila, BETH CRUZ ng Bulacan, GRACE MADERA ng Pasig, NOLI PADUA ng Pasig, LETTY ROMULO ng San Juan, ALVIN CELESTINO ng Mandaluyong, ERNIE VARGAS ng Makati, ELSIE CO ng Caloocan, L. MANALANG ng Laguna, MANDY FLORES ng Pangasinan at DAVE L. ng Las Piñas.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0915-9462777/email:
This e-mail address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.
. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)