HINDI ko alam kung may sakit na kalimot si National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula o sadyang wala itong salita.
Noong unang araw kasi ng pag-upo ni Gatdula sa NBI -- Hulyo 2010 -- ang unang ‘marching order’ nito sa kanyang mga tauhan ay bawiin ang identification cards ng mga confidential agents at atasan ang lahat ng NBI agents na bawal manghuli ng beerhouse, sauna bath at illegal gambling.
Kasi, bukod sa nagiging dahilan lamang ito para sa ‘extortion activities’ ng ilang tiwaling NBI agents, lalo lamang nawawala ang integridad ng nasabing ahensiya na dapat ay tumutok sa pagsawata sa mga organized crime syndicates.
Ang kaso kamakailan, mukhang hindi sinunod ni NBI-Region 3 Director Ric Diaz ang ‘marching order’ ni Gatdula. Gamit ang mga abusadong ‘confidential agents,’ sinalakay nila ang isang ‘beerhouse’ sa Angeles City.
Ang masakit, pati ang Central Luzon correspondent ng aming pahayagan (People’s Tonight at People’s Journal) na si Bernard Galang ay nakaranas ng kakaibang harassment mula sa mga tauhan ni Diaz.
Sinira na ang dalang kamera at mga kuha ni Galang, bigla pa itong pakaladkad na isinakay sa sasakyan ng mga abusadong NBI operatives, tinakot saka ibinaba sa isang liblib na lugar.
Ang ginawang ito ng grupo ni Diaz ay malinaw na halimbawang paglapastangan sa karapatan sa pamamahayag dahil rumesponde lamang si Galang para i-cover ang raid na isinagawa ng NBI.
Bakit kaya ‘allergic’ ang grupo ni Atty. Diaz na ikober ang ‘small-time operation’ ng NBI? Dahil sa mabubuko lamang kung ibabangketa ba nila ang raid sa beerhouse?
Para sa kaalaman ng lahat, bangketa po ang terminong ginagamit sa mga ‘hulidap’ operation ng mga tiwaling awtoridad. Hulidap na ibig sabihin, huhulihin para gatasan o holdapin.
’Eto ngayon ang pinaka-latest na impormasyon para sa Gatdula administration sa NBI.
Alam kaya ni Sir Tanggol na isang nagngangalang Ogie ang nagpapakilalang kolektor sa mga illegal gambling, beerhouse, sauna bath at pati mga sugal-lupa na tulad ng perya at sakla?
Opo, ganyan ka-bigtime, este ka-cheap ngayon ang NBI kasi ang dating ‘no CA,’ ‘no beerhouse operation’ at ‘no take policy’ ay kabaligtaran na ngayon.
Aabot sa P1.2 million linggu-linggo raw ang ginagawang koleksiyon ngayon ng NBI collector na si Ogie, alyas Roger MV.
Pagyayabang ni Ogie, kailangan magbigay sa kanya linggu-linggo ang mga iligalista at kung hindi ay peperwisyuhin sila ng mga operating unit ng NBI.
Walastik, para rin pala PNP at DILG ‘to. Sa DILG kasi, may sarili na ring ‘illegal gambling collector’ at ito ay katropa rin ni Ogie na sina Rommel Ota, Nardo, Benjie at Salakot.
Kung isang alyas Penaflor ang ginagamit na pangalan ng mga hunghang na kolektor ng DILG, isang alyas Sir Ruel naman ang ‘immediate boss’ ng kumag na si Ogie.
Partikular sa iniikutan linggu-linggo ni Ogie ay ang mga gambling lords sa Southern Metro Manila tulad ng pa-jueteng ni Elmer Nepomuceno na may P400,000 ‘payola’ linggu-linggo; mga lotteng at illegal bookies operator na sina Nancy ng Las Piñas; RR sa Parañaque at Las Piñas; ang tinatawag na 4 Aces o Aguila brothers; at pati sakla sa Makati City nina Miling, Vergel at Lidas; Daku at Kasat naman sa Las Piñas at Parañaque.
Pasok din ang koleksiyon linggu-linggo ni Ogie sa 400 makina ng video-karera ni Brigitte sa Las Piñas at Parañaque, gayundin sa naka-umbrella sa kanyang si Felix Cruto. Si Cruto, kasama ang isang Bert Cabrera ang ginagamit ni Ogie para taga-ikot sa hindi mabilang na ‘butas’ na kinukunan nito linggu-linggo.
Sa Pasay City ay pasok din si Ogie dahil nakatimbre rin ang pa-lotteng ni Carlo.
Ganito rin ang setup linggu-linggo kay Gina na video-karera queen sa lungsod ng Maynila, habang may special arrangement naman sa mga gambling lord na sina Boy Abang at Apeng Sy.
Sa Quezon City at Mindoro ay pasok din ang NBI dahil nakatimbre sila sa small town lottery con jueteng ni Don Ramon na taga-Lucena City.
Pati perya sa Calabarzon ay pinagkakakitaan ni Ogie at ito ay ang perya sa Cainta ni Thelma; GMA Chowking nina Sonny at Lolong; GMA ni Baby Panganiban; alyas Pange sa Calamba at Romy sa Calamba Mayapa; Josie at Jessica sa Dasmarinas; Baby Panganiban sa Biñan, Barangay Luma at Aling Tess sa Los Baños, Laguna, at Batangas province.
Samantala, habang walang ginagawang aksiyon si Chief Supt. Rodrigo de Gracia ng Police Regional Office 2 para hulihin ang pa-jueteng ni Bong P. sa buong Santiago City, gayundin sa Isabela City na minamantini ng isang VM Jose at Paul Dee, todo-ikot din si Bigtime Ogie para ipanguha ng payola ang NBI.
Sa Cauyan, Isabela, ay tuloy din ang illegal gambling ni Boy Bata, habang ang buong down stream ng Cagayan ay hawak naman ni Mike Borja.
Isang alyas ‘J’ Ilagan naman ang nagpapatakbo ng bookies at jueteng sa Lipa City. Ang mabigat dito, mga barangay captain na may alyas Chairman RR at Noel V ang kasabwat ni Ilagan sa San Jose, Batangas.
Ang balita natin, kada papel sa kubransa ng STL ay binibili ni ‘J’ Ilagan sa dalawang kupitan, este kapitan para siya na lang ang magrerebisa ng bawat taya.
Hindi ko naman alam kung kaanu-ano nina Senator Ralph Recto at Batangas Governor Vilma ‘Ate Vi’ Santos-Recto ang isang Boy Recto dahil ito umano ang may hawak ng bookies at jueteng sa Lipa City.
Nakakaladkad na rin ang pangalan ni Mayor Cesar Sabili rito dahil ayon sa mga kumakalat na usapan, ipinatawag nito kamakailan ang isang Ronald Liscano, isang alyas Jerry at Makoy para magpadagdag ng ‘intelihensiya’ linggu-linggo.
Ang mga bagay na ‘to ay dapat patunayan nina Sabili at Lipa City police commander Chief Insp. Villasis, lalo na’t itinuturing na ‘jueteng infested area’ uli ang Batangas.
At lalong dapat patunayan ni Director Gatdula na hindi utak ‘tulisan na pulis’ ang NBI dahil lamang sa kayabangan, kahambugan at pagiging abusado ng mga tauhan ni Atty. Ric Diaz at ng kumag na si Ogie.