NAIS kong ipanawagang muli sa aking mga kakilala dyan sa Sun Cellular na patuloy pong ginagawa ng inyong mga nasasakupan ang mga kapalpakan at pagka-iresponsable ng inyong mga tauhan na naireklamo ko na sa inyo noon.
Ipinarating ko sa inyo noon ang mabagal at wala sa oras na pagdadala ng mga ‘bill’ o ‘statement of account’ para mabayaran naman sa oras ang aking mga pagkukulang sa inyong tanggapan.
Naulit na naman po ang pagka-iresponsable ng inyong mga tauhan dyan sa Sun Cellular nang walang abisong putulin ang serbisyo ng aking binabayarang buwanang landline na inyong ipinagkaloob sa akin.
Maliit naman po ang involve na bayarin, kaya lang lumilitaw na nagbabayad ako sa serbisyong ’di ko naman nagamit.
Ako po ay pinutulan ng serbisyo ng inyong tanggapan noong Septiyembre ng taong kasalukuyan, pero may dumating pong statement of account sa akin nitong huling bahagi ng Oktubre na nagsasabing kailangan ko umanong magbayad ng nakunsumo ko bago dumating o sa takdang araw ng Nob. 4, 2011 at kung hindi ay mapuputol ang serbisyo sa akin.
Eh, matagal na pong pinutol ang serbisyo noong September pa. Ibig sabihin ay babayaran ko ang serbisyo kahit ’di ko nagamit ito mula noong September hanggang Nov.4?.
’Di po ba maliwanag na pagnanakaw ito sa isang Sun Cellular subscriber na tulad ko? Ilan pa kayang Sun Cellular subscriber ang dumaranas ng tulad sa dinaranas ko ngayon.
****
Nananawagan ang mga ‘concerned citizen’ at mga ina at may-bahay sa lalawigan ng Cavite sa kanilang mga kinauukulan sa probinsya na bigyang pansin ang biglaang pagdami ng mga sugalan sa lalawigan partikular ang mga saklaan kahit walang mga patay na ibinuburol.
Ayon sa mga concerned citizen ng iba’t-ibang bayan at lungsod sa Cavite, laganap ang mga saklaan o pwesto pijo sa area ng Bacoor, Imus at Zapote.
Nangunguna ang isang nagngangalang Perry sa area ng Bacoor kung saan nagkalat ang mga lamesa nito ng saklaan na kitang-kita ng mga motorista at mga taong naglalakad sa lugar.
Isang Amy naman ang nag-o-operayt ng saklaan o pwesto pijo sa area ng Imus na kung saan maraming haligi ng tahanan na dati-rati ay umuuwi ng maaga sa kanilang mga pamilya ang inuumaga na ngayon dahil sa nasabing mga pasakla.
Sina Ronnie at Angel Bulag naman ang mga panginoon ng saklaan sa mataong mga lugar sa Zapote.
Anupa’t ang lahat ng iligal na operasyon ng mga illegal gambling operator lalo na ang mga saklaan at ibang mga number games sa lalawigan ng Cavite, ay kinukunsinti lang umano ng provincial director ng Cavite na si Col. James Bulalacao.
Sunod-sunuran umano kay Col. Bulalacao ang lahat ng mga station commander ng nasabing mga bayan, lalo na sa kautusan umano nito na ’wag pakialaman ang nasabing mga saklaan nina Perry, Amy, Ronnie at Angel Bulag.
At bunga nito kung kaya’t malayang nakakapag-operayt ang mga ito.
At tulad ng pagkunsinti ni Col. Bulalacao sa mga iligal na sugal sa kanyang lalawigan ay ganito din ang ginagawa ni Col. Melchor Reyes ng Lungsod ng Pasay sa mga illegal number games ng batang-batang gambling lord na si Carlo.
Ang 25 anyos na si Carlo na namamayagpag ngayon sa Lungsod ng Pasay, ang nasa likod ng mga illegal horse race bookies, loteng, ending at iba pang illegal number games sa lungsod.
Halos lahat ng cabo at kolektor ng mga taya sa Pasay ay naninilbihan kay Carlo dahil sa lakas umano ng kapit nito sa alkalde ng syudad na si Mayor Antonino Calixto Jr.
Ayon sa aking mga espiya, ipinagyayabang umano ni Carlo na kahit sunod-sunod siyang punahin sa mga dyaryo ay hindi mahihinto ang kanyang mga iligal na pasugal sa lungsod dahil kailangan niyang lumikum ng malaking salapi para sa kandidatura ng kanyang mga panginoon sa lungsod.
Tila totoo ang pagyayabang na ito ni Carlo, dahil simula nang punahin ko ang mga illegal bookies operation nito sa lungsod noong nakaraang linggo ay lalo pang pinaigting nito ang kanyang iligal na operasyon na hindi naman pinapansin ng mga tauhan ni Col. Reyes.
At ang balita malaki talaga ang tong-pats at lagay na ipinamumudmod ni Carlo sa mga awtoridad hindi lang sa Pasay kundi sa mga tiwaling opisyal at tauhan ng Southern Police District(SPD) at National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ni Directror Allan Purisima.
Mahiya naman kayo sa mga balat niyo, kung si Pangulong Benigno Aquino-III ay nagpapakahirap sa pagtahak sa tuwid na landas ay pawang pagkasira naman niya at ng kanyang administrasyon ang inyong pinaggagagawa...pwehhhh at pwehhh pa…
* * * *
Nakatakdang magretiro sa kanyang puwesto ngayong Nobyembre si District Engr. Ike Concepcion sa ikatlong distrito ng Laguna, na siyang may hurisdiksyon sa anim na bayan kasama ang San Pablo City.
Inaasahang papalit sa kanya si Assistant Director Pol San Santos, subalit medyo naunsyami pa yata dahil sa hiling ni Department of Agriculture Sec. Proceso Alcala, na ipalit ay ang bata nito mula sa Lucena City.
Ang siste nito, si Sec. Alcala ay kilalang contractor sa Quezon kung kaya’t ito ay nakikiusap sa ama ni Cong. Ivy Arago, na si Atty: Hizon Arago, para isingit ang kanyang bata.
Kaya lang kung ang track record at kaalaman sa gawain ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa ika-anim na distrito ng Laguna ang paguusapan, si Assistant Director Santos ang may malawak na karanasan sa pamamalakad sa DPWH.
Palagay ko naman ay hindi papayagan ni DPWH Secretary Singson na mangyari ang palakasan o bata-bata system sa mga DPWH district offices. He…he…he…