4,666 guests

Sana’y pagaanin ni Pangulong DU30 ang hirap sa trapik

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 267

Magkaisa para sa bayan

KAHAPON, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat tayong mag­handa sa mas matinding trapik dahil sa mga gagawing infrastructure project ng pamahalaan.

Matagal nang malala ang problema sa trapik sa Metro Manila. Sa tindi ng trapik ay nagkakasakit ang tao, nagkakalagnat at nagkaka­trangkaso. Maraming nangyaring barilan dahil sa trapik. Ang inis, galit at init ng ulo dahil sa trapik ay napupunta sa sigawan, murahan at isang iglap ay barilan, na ang resulta’y pagkamatay ng mga commuter.

Araw-araw, patayan tungkol sa droga ang nababasa sa mga pahayagan. Mahigit 3,000 pusher at addict na, ang napapatay kaugnay ng kam­panya ni Pangulong Duterte laban sa droga.

Karamihan sa ’ting mga mamamayan ay ’di tutol sa bilang ng namamatay sa kampanya ng gobyerno kontra droga, dahil ramdam nila ang dulot nitong katahimikan. Nangamatay o nawala na ang mga pusher, adik, rapist, holdaper at akyat bahay sa lugar, dahilan ng kanilang patuloy na pagtitiwala sa Pangulo.

Sa usapin ng peace and order ay tiwala ang karamihang Pilipino kay Duterte. Sad to say, hindi pagdating sa usapin ng ibang malalalang problema ng bansa, tulad ng pesteng trapik.
   
Sa karamihan, walang nabago sa problema ng trapik sa Metro Manila. Gumawa ng hakbang ang gobyerno, gawa ng pagsuspindi sa color-coding window, subali’t wala ring nangyari, lumala pa ang trapik.
   
Ang takot ko’y pagdating ng sabay-sabay na paggawa ng mga kalsada ayon sa Pangulo. Mas lalala at titindi, ang malala at ma­tinding problem ng trapik. Kapag ito’y nangyari, mas marami ang magkakasakit at mamamatay dahil sa trapik, gaya ng nabanggit. Dahil rito, iminu­mungkahi ko ang inilat­hala kong solusyon sa ’ting problema sa trapik -- ang Additional Sunday Observation Scheme o  ASOS.
   
Sa inyong lingkod, simple ang solusyon sa problema sa trapik. Nagtratrapik dahil sa magkakasabay na dami ng mga sasakyan at taong bumabiyahe sa kalsada.
   
Kapag Mahal na Araw ay walang trapik, ang linis ng kalsada at sarap magmaneho, dahil ang mga tao’y walang pasok at nasa probinsya. Kapag Linggo’y maluwag ang kalsada at walang trapik dahil walang pasok sa gobyerno, pribadong kumpanya at eskwela at karamihan sa tao’y nasa bahay, kasama ang pamilya. 
   

Solusyon ko sa trapik ang ASOS.
   
Ang bawat lungsod sa MM ay magkakaroon ng karagdagang “Linggo”, dagdag sa regular Sunday, nang ang mga tao’y manatili sa bahay at ma­kabawas sa mga nagtratrabaho, transaksyon, nag-aaral at nagbibiyahe sa MM, mula Lunes hanggang Biyernes.
   
Example, ang dagdag na Linggo sa Manila ay Lunes. Tuwing Lunes, lahat ng nagtratrabaho sa gobyerno at pribadong sektor at lahat ng mag-aaral, kinder, hanggang kolehiyo ay walang pasok.
   
Higit isang milyong tao, mga nag-oopisina, trabahador, mag-aaral at mga sasakyan, mula ibang lungsod o probinsya, ang hindi papasok at lalabas ng Manila sa araw na ito. Ang ’di nila pagpasok sa trabaho at eskwela ay malaking kaluwagan sa mga kalsada sa MM.        
   
Martes ang dagdag na Linggo sa Quezon City, kung saan milyun-mil­yong tao at estudyante ang ’di magtratrabaho, magtra-transaksyon at papasok sa eskwela.
   
Miyerkules ang dagdag na Linggo sa Makati, Pasay, Parañaque at Taguig. Huwebes ang dagdag na Linggo sa Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan City at Bi­yernes ang dagdag na Linggo sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas & Valenzuela).  
   
Kung sabay-sabay walang pasok sa mga nasabing lungsod, isipin kung ilang milyong sasakyan at tao ang mababawas sa mga bu­mabiyahe sa MM.
   
Sa ’di pagpasok ng mga kawani ng gobyerno at pribadong sector at milyun-milyong estud­yante, higit isang milyon ang hindi magko-commute o maglalabas ng sasakyan sa mga nasabing araw, na ang resulta’y malaking pagbaba ng bilang ng mga tao at kotseng pumapasok, umiikot at nagbibiyahe sa MM.
   
“’Di lugi ang gobyerno, private sector at mag-aaral sa ASOS, dahil ang mawawalang 8 oras sa trabaho at eskwela’y idaragdag sa natitirang 4 araw o 2 oras na dagdag sa trabaho at eskwela, kada araw,  sa 4 na araw sa 1 linggo.
   
Ang ASOS ay mabuti sa pamilyang Pilipino, dahil mabibigyan ng dagdag na araw para mag-bond ang mag-asawa at mga anak, na ikatatatag ng pamilya.
   
Samahan ito ng pagtanggal sa lahat ng obstruction sa kalye, pag­huli sa mga kolorum na sasakyan, phase-out ng mga lumang sasakyan, pagkulong sa mga pasaway na driver at commuter at tiyak na giginhawa ang biyahe sa MM.”
   
Sana’y gawin ito ni Pangulong Du30 nang hindi mahirapan ang ating mamamayan sa pagsisimula ng malalaking infrastructure projects sa MM.