5,065 guests

Mga pulis na dapat ibitin nang patiwarik ni Gen. Bato

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 243

HINDI malayong mapabilang sa ibibitin nang patiwarik ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang ilang pulis na nasa ilalim ng Northern Police District (NPD) dahil sa sunud-sunod na pagkakabuko sa ginagawang pangongotong

Pinakahuli rito ang kaso ni PO2 Rosco Teodisio ng Malabon Police Community Precicnt (PCP)-3 na inireklamo ng pangongotong sa mga residente sa isang lugar sa Bgy. Longos sa Malabon City kasama ang asset niyang si Necle Zaraga na kilalang tirador.
   
Tiyak na walang lusot dito si Teodisio dahil nakuhanan ng video ang ginawa nilang pagpasok sa isang bahay na pinaghihinalaan daw na gambling at drug den pero matapos tutukan ng baril ang mga nakatira, kinapkapan at kinuha lang ang kanilang pera at gadget.
   
Sa reklamo ng mga residente kay Bgy. Executive Officer Nelson De Castro ng Bgy. Longos, mistulang lasing pa umano si Teodisio nang magsagawa ng sarili niyang Oplan Tokhang, kasama si Zaraga, sa kanilang lugar habang kapwa armado ng baril.
   
Dati na rin palang inireklamo ng pangongotong sa Bgy. Longos si Teodisio pero naareglo niya ang complainant kaya hindi siya nasampahan ng kaso. Pero sa pagkakataong ito, mismong si NPD Director Senior Supt. Roberto Fajardo na ang nag-utos na sibakin sa puwesto ang pulis dahil malinaw daw na hindi Oplan Tokhang kundi Oplan Hulidap ang ginawa ng dalawa.
   
Magugunita na kamakailan ay nahuli rin sa entrapment operation sina PO2 Christan Geronimo at PO2 Kristoffer San Juan na pinangunahan mismo ni Caloocan police chief Senior Supt. Johnson Almazan matapos tangkaing kotongan ang live-in partner ng nahuli nilang sangkot sa droga.

SO GOOD ANG SERBISYO
   
Mahusay makisama, hindi lamang sa mga pulis kundi maging sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang pamunuan at tagapamahala ng isang bantog na hotel na may iba’t ibang sangay sa Metro Manila.
   
Sa katunayan, tumutulong sila sa mga proyekto ng kapulisan at pagkumpuni sa mga sirang tanggapan, bukod pa sa pagkakaloob ng donasyon sa tuwing may kalamidad sa isang lungsod.
   
Pero dito sa lungsod ng Pasay, umaray ang pamunuan ng naturang hotel dahil mukhang inabuso raw ng isang nagpakilalang tauhan ni city police chief Supt. Nolasco Bathan ang kanilang kagandahang loob.
   
Bukod kasi sa madalas mag-check-in nang hindi nagbabayad ang nagpapakilalang bata ng city police chief, kasama ang kanyang kulakadidang, hindi rin nito binabayaran ang mga ino-order na pagkain at inumin. Anak ng tokwa, ni hindi nga raw nag-aabot ng tip sa room boy eh.
   
Kung hindi naman daw nakapag-check-in sa loob ng isang linggo, umu-order naman ng pagkain at pulutan kapag nagpapainom sa mga kaibigan sa harap pa ng headquarters ng Pasay police. Aba, eh kapag nabuko ni Senior Supt. Bathan ang ganitong ugali ng nagpapakilala niyang tauhan, baka ibitin din siya nang patiwarik.
   
Binansagan sa alyas “Digong” ang nagpapakilalang bata raw siya ng city police chief habang ang umaray na hotel ay hindi lang kilala sa makinang at makulay na pintura kundi so good pa ang kanilang serbisyo.

DEKORASYON SA MALABON
   
Hanggang ngayon pala ay usap-usapan pa rin ang nakakapangilabot na mga dekorasyon sa Malabon City Hall, ang tanging lokal na pamahalaan sa Kamaynilaan na pinuri dahil sa nakakatawag-pansin na mga dekorasyong pang-Halloween.
   
Dinagsa nga ang nakakapangilabot na dekorasyon mula sa una hanggang sa ika-11 palapag ng city hall na dalawang sunod na taon nang ginagawa ng tanggapan ng Community and Urban Poor Affairs Office at Youth for Malabon Organization sa patnubay na rin ni Mayor Len-Len Oreta.
   
Sa katunayan, naglaan pa nga ang alkalde ng cash prizes sa mga makakapaglagay ng pinaka-nakakatakot na dekorasyon sa bawat palapag  upang matiyak na magkakaisa ang bawat opisyal at kawani na maging tagumpay ang kanilang proyekto
   
Kanya-kanyang gimik sa paglalagay ng dekorasyon ang bawat palapag katulad na lamang ng mga temang Walking Dead, Village of the Dolls, Addams Family, Haunted House, Witch Haunt, Shake, Rattle and Roll, Carnival, Graveyard, Vampire in the City, Lord of the Rings at iba pa.
   
Ayon kay Malabon Public Information Office (PIO) head Bong Padua, hindi naman ginugulan ng malaking halaga ang proyekto dahil karamihan sa mga ginamit na pang-dekorasyon ay recycled materials habang ang ilang materyales ay ginastusan sa pamamagitan ng kontribusyon ng mga lumahok na kawani.
   
Sa kabuuan, ang temang Lord of the Rings na nasa ika-10 palapag ang nanalo sa may pinakamagandang dekorasyon habang ang Haunted House sa ika-apat na palapag ang ikalawa at Witch Haunt na nasa ika-limang palapag ang ikatlo.

* * *

Sa mga puna at reaksiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0915-6492023