4,851 guests

Buwisit na si Secretary Tugade kay Ambassador Goldberg

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 318

Hala bira!

NAGLABASAN sa mga balita ang pahayag ni outgoing US Ambassador Philip Goldberg ukol sa mistulang expose na lumipad pa­puntang China sina Senator Alan Caye­tano at Transportation Secretary Art Tugade nito lang June bago pa man makapanumpa si Pangulong Duterte.

Ang malisya ng sina­sabi ni Goldberg, inayos na raw nina Tugade at Cayetano ang magiging lakad ni Digong kaya nakapag-uwi ito ng US$25 billion sa kanyang state visit.

Nag-text sa atin si Secretary Tugade bilang sagot kay Ambassador:

“I never went to Beijing in June -- gago talaga!!! Pls share my reply -- If it is true that Amb Goldberg said that, then the fabled American “intelligence network” has miserably failed again... Tsimis ’yan!! I was never in Beijing in June!! Want proof? You can always examine my passport anytime..btw, just landed at Haneda...

You may wish to print my answer...salamat po.”
   
Anak ng kunehong kambing, paalis na lang si Goldberg, nag-iwan pa ng imbentong expose, ano ba namang klaseng envoy ito?
   
Kaya kayo nahahataw ni Pangulong Digong dahil kayo mismo nagbibigay ng dahilan.
   
Ang tawag namin dito sa Pinas sa mga nagkakalat ng hindi totoo, tsismoso!

* * *
   
Umaksiyon na si Bgy. Baesa Chairman Ed Juan sa reklamong inilapit sa atin ni Ginoong Efren De Guzman kaugnay ng pananakop sa kanilang property at pinsalang idinudulot ng konstruksi­yon ng Crown Supply na nasa Mendez Street.
   
Noong nakaraang Sabado, inilabas natin ang hinaing ni De Guzman at ng kanyang mga kapitbahay laban sa Crown Supply na walang pakialam sa pagbagsak ng mga construction debris sa bubong ng mga bahay na nasa De Guzman compound.
   
Pinasasalamatan natin si Chairman Juan dahil ipinarating ni Efren sa ating kaalaman na ipi­natigil na niya ang konstruksiyon noon pang Sabado at kinausap ang namamahala sa gusali.
   
Bukod dito, pinagharap din ni Kapitan Juan sina De Guzman at ang isang Mike na sinasabing arkitekto at namamahala ng itinata­yong gusali ng Crown Plaza na batay sa  reklamo ay sinakop pa ang 11 square meters na bahagi ng property nina Efren.
   
Natutuwa tayo sa naging aksiyon ni Kapitan Juan dahil pinagamit pa ang kanilang sasak­yan para ihatid sina De Guzman sa Quezon City hall building office para pag-usapan ang problema.
   
Sa ngayon, resolus­yon na lang mula sa Building officials ang hihintayin para magkaroon na ng permanenteng solusyon ang problema ng mga residente sa compound na matagal nang inirereklamo ang Crown Supply.
   
Mabuhay ang Barangay Baesa sa kanilang mabilis at maagap na aksiyon!

* * *
   
Dedbol na ang ikalawang kriminal na humoldap at pumatay sa estudyanteng si Nick Russel Oniot, ang 18 years old architectural student sa Adamson University.
   
Matapos ang panghuholdap at pagsaksak ng 18 ulit sa inosenteng bata, nauna nang namatay ang isa sa dalawang suspect matapos mang-agaw ng baril.
   
Pasensiya na po, hindi kultura ng matinong Kristiyano ang matuwa sa tuwing may namamatay. Pero dahil sa ginawa ng mga kriminal na ito sa walang kamuwang-muwang na estudyante na nakunan ng CCTV sa Taguig City, nag-alab ang damdamin ng ating mga kababayan sa galit sa mga kriminal na ito.
   
Inagawan ng magandang kinabukasan ang bata at ang kanyang pamilya dahil sa kawalanghiyaan ng mga kriminal na ito.
   
Kung may mga ganito pang uri ng kriminal na pakalat-kalat sa ating mga kalsada, sana lang ay madakip na silang lahat sa ilalim ng Duterte administration para hindi na dumami pa ang kanilang lahi.
   
Katulad ng paulit-ulit na sinasabi ng radio poltical ad ni President Duterte noong eleksiyon, ang hustisya ay para lamang sa mga biktima, kapag kriminal ka, dapat sa iyo ay mabigat na parusa!
 
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.